ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Paghahanap Ng Pag-Ibig Sa Internet

Finding Love Online; Online Dating Apps

Ayon sa isang saliksik ng The Nerve (isang kumpanya ng data insights), higit sa kalahati ng mga Pilipino ang bukas sa pakikipagkilala sa ibang tao sa internet. Sa katunayan, ang mga gumagamit ng online dating app ay mas aktibo ilang araw bago ang Araw Ng Mga Puso, habang ang mga bagong miyembro ay mas aktibo pagkatapos ng ika-14 ng Pebrero.

Bilang isang bayan na laging nasasabik tungkol sa pag-ibig o sa paggawa ng mga nakakatawang memes tungkol sa pagiging single, hindi nakakagulat na maraming mga tao ang nagmamadali na makilala ang kanilang soulmate. Isama pa ‘yun sa pagsikat ng internet at mga online dating app, maraming tao ang nag-o-online dating na lang upang matagpuan ang kanilang ‘the one.

Ang internet ay malawak na mundo na may maraming iba’t ibang mga tao online, at hindi mo lubos na kilala sila o alam ang kanilang hangarin, kaya mas mabuti nang maging ligtas kaysa sa magsisi sa huli. Kung nais mo lang maranasan ang online dating o umaasa ka na matatagpuan mo na ang pag-ibig ng iyong buhay, narito ang ilang mga payo kung paano ligtas na magagamit ang mga online dating app at makikilala ang mga tao dito.

Maging bukas — pero hindi masyadong bukas.

Maging bukas sa katotohanan na marami kang makikilala. Ang kanilang kultura, paniniwala, moral, pag-uugali, at opinyon ay maaaring naiiba sa iyo, at subukang maging bukas sa pagkilala sa mga tao na may iba’t ibang mga pinagmulan. Ang mga pag-uusap ay magiging kawili-wili dahil pwede mong ibahagi ang anumang nais mo at matututo ka rin ng maraming bagay mula sa kanila.

Maging magalang at panatilihing bukas ang isip. Bigyan sila ng pagkakataon ipakita sa iyo kung sino sila, at huwag maging mapanghusga. Maaari kang makakilala ng mga bastos o nakakatakot na tao, ngunit ang pagpapanatiling magalang sa kanila ay maaaring makaiwas sa mas malalalang bagay. Huwag mapilitang makipagtagpo nang personal kung talagang ayaw mo. Alamin ang iyong mga hangganan at kung kailan dapat itigil ito. Magtiwala sa iyong kutob kapag nagpaparamdam na ito sa iyo na ang mga bagay ay hindi komportable, at huwag matakot na lumayo sa nakilala mo!

Kolektahin, kolektahin, piliin.

Alamin ang iyong halaga at okay lang na hindi makunteto sa halaga na mas mababa sa iyo. Kung medyo matagal ka nang nag-iisa, ang unang alok ay maaaring kapana-panabik. Mahusay na magtatag muna ng pagkakaibigan bago magdesisyon na manligaw o magpaligaw. Subukang huwag lubusang ibigay ang iyong sarili sa iisang tao, o paasahin ang tao na magkaroon ng romantikong relasyon sa iyo kung hindi ka talaga handa. Ang pagtaguyod ng iyong hangarin ay makakatulong na salain kung sino ang nais mong magpatuloy sa pakikipag-usap. Naghahanap ka man ng pag-ibig o mga bagong kaibigan, panatilihing magaan ang iyong pag-uusap at kilalanin nang mabuti ang taong kinakausap mo. Malalaman mo kung gusto mo ba ‘yung tao o hindi sa loob ng panahong nag-uusap kayo.

Sa dinami-dami ng mga tao, baka gustohin mo ring maging mapili. Ang maayos na nakasulat na profile o bio ay maaaring magbigay ng ideya sa mga tao kung ano ang mga hilig at interes mo, at kung mag-swipe right o left ba sila. Minsan, kahit na mayroon kang kaparehong mga interes at pinagmulan, hindi pa rin kayo magkakasundo — kaya importanteng makilala mo nang husto ang kausap mo.

Normal din na matanggihan ka sa pakikipagsapalaran na paghahanap sa iyong ‘the one,’ ngunit hindi ka dapat madismaya at hindi nito binabawasan ang iyong halaga bilang isang tao. Maaari kang masaktan — lalo na kung nagustohan mo ‘yung tao — ngunit parte ‘yan ng pagtanggal sa mga hindi bagay sa iyo. Kung nais mong makasama ang isang tao, mangyayari ito.

Ipakita ang iyong tunay na pagkatao.

Magpakatotoo ka! Tandaan, ang mga taong ito ay walang anumang alam tungkol sa iyo, sa iyong nakaraan, sa iyong mga pangarap, sa iyong panghihinayang — minsan masarap rin sa pakiramdam ang panibagong simula at ang pagpapakilala muli ng sarili.

Ang mga makahulugang koneksyon ay nabubuo ng mga magkatulad na tao. Ang paghanap ng mga taong may pagkakapareho mo ay maaari mong kausapin tungkol sa mga bagay na pareho kayong interesado. Muli, gumawa ng profile at bio na sapat na pinapakita kung sino ka. Mag-post ng mga malinaw na larawan na tunay at manatiling tapat sa iyong sarili.

Maraming tao ang pinipilit na ipresenta ang kanilang sarili batay sa mga bagay na palagay nila makakaakit ng maraming tao, ngunit tatanggapin at mamahalin ka ng mga tamang tao kung sino ka. Maaaring hindi ka magustuhan ng lahat ng tao, ngunit ang mga gusto ka ay mananatili.

Hindi mo kailangang sumunod ayon sa kung ano ang gusto ng iyong kinakausap o para maakit ang taong gusto mo. Huwag mong lokohin ang iyong sarili. Mahirap na panatilihin ang isang imaheng talagang hindi ikaw, at baka hindi mo maakit ang tamang mga tao na talagang tumutugma sa iyong tunay na sarili.

Ang susi ay kumpiyansa.

Ang pagiging sino ka at ang pagpapakita nito sa mga tao ay nagbibigay-daan na maging malalim at totoo ang mga koneksyon. Ipagmalaki ang iyong mga lakas at hilig, at hayaang makita ito ng mga tao. Mas masaya kang kausap kapag may tiwala ka sa iyong sarili, at maaaring makaakit ng maraming tao sa iyo. Ikaw ay umuunlad, at walang kahihiyan sa pagiging ikaw!

Maging aktibo!

Kung nais mong magpatuloy sa pag-online dating, maging aktibo at magpatuloy lamang sa pag-swipe! Kung masiyahan ka sa pakikipag-usap sa isang partikular na tao, ipagpatuloy lang ang komunikasyon sa kanila at ipakita ang iyong interes. Magtanong ng mga katanungan tungkol sa kanya (ngunit huwag ‘yung mga masyadong personal), ipakita na interesado ka sa kaniyang sinasabi, at magsikap na makilala siya nang mabuti. Huwag hayaan ang bawat pag-uusap na maging tungkol sa iyo lamang.

Isang paalala: iwasang tadtarin sila ng marami at sunod-sunod na mga text o chat! Hindi ito masyadong maganda kahit na medyo matagal sila nakakareply. Alamin ang iyong mga limitasyon, magtakda ng mga hangganan, at unawain na mayroon din silang sariling buhay at responsibilidad. Kung may ilang mga bagay na mas gusto nilang panatilihing pribado o isantabi hanggang sa mas komportable silang ibahagi, respetuhin ang kanilang desisyon at huwag silang piliting magpahayag. Sandali niyo pa lang kilala ang isa’t isa, kaya piliin nang mabuti kung ano ang nais at hindi nais ipahayag.

Kahit gaano mo kagusto ang isang tao o gaano ka natutuwa sa pagkilala ng ibang tao, huwag sila gawing sentro ng iyong mundo. Magpatuloy sa iyong pang-araw-araw na gawain at magpatuloy sa paggawa ng iyong libangan. Sila ay bahagi lamang ng iyong buhay, kaya huwag mong hayaan mawala ang iyong sarili para sa kanila.

Manatiling ligtas.

Ang online dating ay mayroon ding mga kwentong nakakatakot — mula sa mga taong may mga larawang hindi makatotohanan sa kanilang tunay na itsura, hanggang sa mga taong nakakatakot at mapanganib. Huwag magbigay ng mga personal na impormasyon, lalo na kung saan ka nakatira.

Sa paglipas ng panahong nakikipagusap sa isang tao, malamang sumagi na rin sa iyong isip ang makita ang isa’t isa. Pinakamabuting pumunta sa isang lugar na publiko at komportable, at ipagbigay-alam sa isang kaibigan o miyembro ng pamilya na lalabas ka para makipag-date. Makipag-ugnay sa iyong kaibigan o miyembro ng pamilya upang ipaalam sa kanila kung hanggang anong oras ka sa labas at kung nasaan ka. Bilang isang pangkalahatang tuntunin, umiwas sa mga tao na pinipilit kang pumupunta ka sa kanilang lugar, o pinipilit kang makipagkita bago pa makilala niyo ang isa’t isa.

Kung napagpasyahan mong magkaroon ng relasyong sekswal sa isang taong nakilala mo sa internet o imbitahin siya para sa isang gabing pagtalik lamang (one-night stand), tandaan na gumamit ng mga kontrasepsyon kung nais mong maiwasan ang mga hindi planong pagbubuntis at mga sexually transmitted infection (STI). Hindi mo alam ang kasaysayang sekswal at kalagayan ng kalusugan ng tao, kaya pinakamahusay na panatilihing ligtas at protektado ang iyong sarili. Siguraduhing pareho kayong gagamit ng proteksyon. Kung tumanggi siya, maaari senyales ito na hindi mabuti ang mga susunod na mangyayari. Responsable ka para sa iyong sariling kalusugan at kaligtasan. Hindi ka magsisisi sa labis na pag-iingat!

Alamin kung dapat nang bumitaw (aray!).

Ang pagbitaw ay tila ang pinakamahirap na bahagi ng anumang sitwasyon. Maraming tao ang nahihirapan sa pagbitaw dahil sa kaisipan na baka wala nang darating. Ang kanilang isipan ay madalas na napupuno ng ‘paano kung walang ibang taong darating,’ kaya nahihikayat silang manatili sa isang tao na hindi nila lubos na gusto o humabol sa isang taong hindi interesado sa kanila. Ang pagbitaw ay isang hakbang upang makuha ang pinakamabuti para sa iyo

Dahan-dahanin ang mga bagay.

Ang paggugol ng sapat na oras sa pagtaguyod ng koneksyon at pundasyon ay nakakatulong sa pagbuo ng isang matatag at pangmatagalang relasyon — sa pagkakaibigan man ito o isang romantikong relasyon. Hindi mo kailangang magmadali o pilitin ang mga bagay na mangyari. Mayroon kang oras upang makabuo ng mga koneksyon at malaman kung karapat-dapat bang ituloy ang isang bagay o hindi.

Ang buhay ay hindi karera at ang paghahanap ng pag-ibig ay hindi isang paligsahan na gagantimpalaan kung sino ang pinakamabilis na makahanap nito. Huwag kang mag-madali.

Magtamasa sa karanasan.

Tamasin ang sabik ng pagkilala ng ibang tao at paggalugad sa online dating. Hindi mo kailangang ipilit sa iyong sarili ang anumang bagay o magtakda ng mga layunin. Maaari ka ring makatuklas ng iba pang mga bagay tungkol sa iyong sarili na hindi mo napansin dati. Tulad ng anumang iba pang karanasan, may mga matututunan ka ring bago.

Mga pinagmulan:

https://www.rappler.com/business/features/83876-finding-love-online-dating

https://www.bustle.com/articles/94052-how-to-find-love-online-according-to-experts-because-being-yourself-really-is-your-best-bet

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon