ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Panay Sakit Walang Sarap?

All Pain, No Pleasure? Painful Sex

Nakakabahala talaga ang sakit at kirot tuwing nagtatalik, at nakakasira ito sa sandali. Ang terminong medikal sa masakit na pagtalik ay dyspareunia (dis-puh-ROO-nee-uh). Depinisyon nito ay paulit-ulit at pabalik-balik na pananakit sa ari na nangyayari bago magtalik, habang nagtatalik, o pagkatapos magtalik. Parehong babae at lalaki ay maaaring makaranas nito, pero mas madalas sa mga babae.

Mga sintomas

Ang kauna-unahang sintomas ng dyspareunia ay syempre sakit o kirot — pero may iba’t-ibang klase ng pananakit, mula sa katamtaman hanggang malala. Ang pananakit ay maaaring maramdaman:

  • Sa loob ng pwerta, yuritra (urethra), o pantog (bladder)
  • Habang penetrasyon
  • Habang o pagkatapos magtalik
  • Malalim sa balakang habang nagtatalik
  • Pagkatapos magtalik kahit walang naramdamang pananakit sa mismong akto
  • Sa espesipikong partner o kondisyon
  • Sa paggamit ng tampon
  • Kasama ang tila nasusunog na pakiramdam, pangangati, o pangingirot
  • Kasama ang tila sinasaksak at biglaang pananakit, parang pananakit ng puson tuwing nireregla

Mga sanhi

Maraming posibleng dahilan — parehong pisikal hanggang sikolohiyal — na maaaring makaambag sa dyspareunia.

Sanhing Pisikal: Pananakit sa Pagpasok

Pagkatuyo ng pwerta. Kapag napukaw nang sekswal, ang mga glandula sa pagbubukas ng pwerta ay gumagawa ng likas na pampadulas para ihanda ang pwerta para sa pagtalik. Maaari itong maapektuhan ng ilang mga bagay.

Kakulangan sa foreplay at pagbaba ng antas ng estrogen pagkatapos ng menopos o panganganak o habang nagpapadede ay maaaring makaapekto sa kakayahan ng pwerta na gumawa ng likas na pampadulas. Kapag hindi sapat ang pampadulas, nagiging masakit ang pagtatalik.

May ilang mga gamot na nakakaapekto sa kagustuhang sekswal at pagpukaw na sekswal, at makabawas sa nagagawang pampadulas ng pwerta. Kasama dito ay mga antidepressant, gamot para sa altapresyon, sedatives, antihistamine, at mga espesipikong kontraseptibong pildoras.

Pinsala o sugat sa ari. Ilang mga halimbawa ay pelvic surgery, female circumcision, at panganganak.

Pamamaga o impeksyon. Ang pamamaga sa paligid ng pagbubukas ng pwerta (na tinatawag ay vulvar vestibulitis) ay nagdudulot ng pananakit sa pagtalik. Mga impeksyon sa ari o daluyan ng ihi, gaya ng mga yeast infection, mga urinary tract infection (UTI), at mga sexually transmitted infection (STI), ay pwede ring magdulot ng dyspareunia.

Problema sa balat. Kasama rito ang eczema, lichen planus, licken sclerosus, at iba pang mga problema sa balat ng ari.

Vaginismus. Ito ay ang kusang paghigpit ng paligid ng pwerta, na ginagawang masakit ang penetrasyon.

Mga abnormalidad sa kapanganakan. Ang vaginal agenesis, kapag hindi lubos na nabuo ang pwerta, at ang imperforate hymen, kapag ang hymen ay natatakpan ang buong pagbubukas ng pwerta, ay nakakadulot ng dyspareunia.

Sanhing Pisikal: Malalim na pananakit

Ang malalim na pananakit ay karaniwang nararanasan sa malalim na penetrasyon, at pwedeng mas malala sa ilang mga posisyon. Mga medikal na gamutan at medikal na kondisyon ay karaniwang sanhi ng ganitong klaseng pananakit.

Mga sakit at kondisyon. Ang mga ito ay endometriosis, pelvic inflammatory disease (PID), retroverted uterus, cystitis, uterine prolapse, ovarian cysts, irritable bowel syndrome, hemorrhoids, at uterine fibroids.

Medikal na gamutan o operasyon. Ang pelvic surgery, hysterectomy, radiation, at chemotherapy ay gumagawa ng ilang mga pagbabago sa katawan na maaaring magdulot ng dyspareunia.

Sanhing Emosyonal

Ang mga emosyon ay napakalaki ang bahagi sa aktibidad na sekswal, at kaya pwede rin sila magdulot ng pananakit sa pagtalik.

Mga isyung sikolohiyal. Pagkabalisa, depresyon, mababang tingin sa sarili, at takot sa laguyo o mga problema sa relasyon ay pwedeng makahadlang sa pagpukaw na sekswal, at magresulta sa pananakit sa pagtalik.

Stress. Ang mga pelvic floor muscle ay maaaring humigpit dahil sa stress, at gawing masakit ang pagtatalik.

Pagkaranas ng abusong sekswal. Hindi lahat ng kaso ng dyspareunia ay sanhi ng nakaraang karanasan ng abusong sekswal. Pero kung ika’y nakaranas ng pang-aabuso, pwede itong mag-ambag.

Solusyon

May mga paggamot at solusyon, pero depende ito sa sanhi ng dyspareunia.

Counseling. Hindi dapat binabale wala ang mga emosyon at isyung sikologiyal. Maaaring makatulong ang counseling sa mga tao na nakaranas ng trauma o iba pang isyu. Pwede ring magpa-counsel ang mga magka-partner kung nakakaapekto na sa kanilang relasyon ang pananakit sa pagtalik.

Gamot. Pwedeng magreseta ang doktor ng gamot para sa pananakit na sanhi ng impeksyon o kondisyong medikal.

Mga pagbabago sa pamumuhay. May ilang mga bagay na pwedeng gawin na maaaring makabawas sa pananakit tuwing magtatalik.

  • Gumamit ng pampadulas gawa sa tubig (water-based lubricant, gaya ng EZ Lubricating Jelly)
  • Maglaan ng mas maraming oras para sa foreplay
  • Makipagusap sa iyong partner tungkol sa iyong nararamdaman at nararanasan
  • Subukan ang ibang komportableng posisyon na maaaring makabawas sa pananakit
  • Siguraduhin na palaging malinis ang katawan (lalo na ang ari)
  • Siguraduhin na palaging ligtas ang pagtalik — gumamit ng condom! (napakahalaga nito)
  • Punta sa mga regular na pagsusuri para maiwasan ang mga pinsala sa ari at mga impeksyon
  • Mag-kegel exercise

Ang solusyon sa dyspareunia ay nakadepende sa sanhi nito, ka inirerekumenda na kumonsulta sa OBGYN kung palaging nakakaranas ng pananakit habang nagtatalik. Malaking tulong sa iyong buhay sekswal, kumpiyansa sa sarili, relasyon sa iyong partner, at lalo na sa iyong pisikal na kalusugan ang paghanap ng solusyon sa sanhi ng nararanasang pananakit.

Mga pinagmulan:

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/painful-intercourse/symptoms-causes/syc-20375967

https://www.medicalnewstoday.com/articles/192590.php

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon