Ang pagjo-journal ay parang uri na rin ng pagninilay-nilay, kung saan isinusulat mo ang iyong mga kaisipan. Kung mayroon kang diary nung bata ka, parang ganun lang rin ang pagjo-journal.
Malaking tulong ang pagjo-journal para bigyang liwanag ang iyong kaisipan at mga emosyon. Nakakahikayat ‘to na ipahayag ang sarili sa pamamagitan ng pagsusulat, at ikwento ang mga nakaraang karanasan, iproseso ang mga damdamin, at itamasa ang bawat sandali ng buhay.
Ang pagkakaroon ng sex journal ay makakabuti sa iyong sexual wellness. Narito ang mga benepisyo ng sex journal at paano mo ito pwedeng simulan.
Ano ang sex journal?
Ang sex journal ay isang diary ukol sa sex. Dito, ipinapahayag mo ang iyong sex life at ipinoproseso ang iyong mga naranasan.
Pwede kang magsulat ng kahit anong may kinalaman sa iyong sex life at karanasang sekswal, at makakatulong ‘to sa pagproseso ng iyong mga damdamin, karanasan, hangad, at pantasya.
Tulad ng anumang uri ng pagjo-journal, ang sex journal ay may mga benepisyo para sa iyong mental health, sex life, at relasyon sa iyong partner.
Narito ang ilang mga dahilan para magsimula ng sex journal.
Nakakatulong sa pagproseso ng naranasan
Habang nakikipagtalik, mas naka-focus ka sa sandali, kaya ‘di mo rin talaga mapoproseso ang iyong mga nararamdaman. Sa tulong ng sex journal, nagkakaroon ka ng oras at panahon para iproseso ang karanasan.
Ang sex ay dapat komportable at ligtas na karanasan. At kapag nakaranas ng pangamba, ang pagjo-journal ay makakatulong sa pagtukoy kung ano ang hindi magandang nangyari at paano ito maiiwasan sa susunod.
Nakakatulong sa pagbuti ng sex life
Sa pagdokumento ng iyong mga gusto at ‘di gusto sa sex, mas nagkakaroon ka rin ng kamalayan sa iyong sexual habits. Natutukoy mo kung aling mga habits ang gusto mong ituloy o itigil para lalong bumuti ang iyong mga karanasan.
Maliban sa pag-explore ng iyong sekswalidad, mas namamalayan mo rin ang iyong sex drive. Sa pagjo-journal, nalalaman mo kung ano ang mga nakakapukaw sa’yo.
Baka makadiskubre ka ng mga patterns kung tuwing kailan at paano ka napupukaw makipagtalik. Sa pag-obserba ng mga ganitong bagay, mas maiintindihan mo ‘yung mga patterns at makaka-adjust ka nang naaayon sa mga ‘to.
Nakakatulong sa komunikasyon
Para sa ilan, ‘di pa rin madali para sa kanila na pag-usapan ang sex. Pero kailangan buksan ang usaping ‘to kung nais mapabuti ang karanasang sekswal.
Isa sa mga pinaka-importanteng pag-usapan ng mga magpartner ay kung anu-ano ang inyong mga gusto at ‘di gusto.
Oo, baka maging awkward ‘yung diskusyon niyo kapag binuksan mo ang paksa. Pero sa pag-iwas niyo na pag-usapan ito, nakaka-iwas rin kayo sa pagkakaroon ng mas mabuting sex life!
Sa pagjo-journal ng iyong mga nagustuhan at ‘di nagustuhan sa pakikipagtalik, mas madali para sa’yo na sabihin ang mga ‘to sa partner mo. Makakatulong rin na pag-usapan niyo kung anong mga bagay ang gusto mong subukan o ang sa palagay mo na makakatulong at makabubuti sa susunod niyong karanasan.
Paano ko sisimulan ang aking sex journal?
Ang kagandahan ng pagjo-journal ay walang tama o maling paraan sa pagsimula nito. Kung handa kang simulan ang iyong sex journal, narito ang ilang tips para sa’yo:
Pag-isipan ang iyong mga intensyon
Isipin mo kung ano ba ang nais mong mapala sa pagjo-journal. Gusto mo ba ‘to makatulong sa komunikasyon niyong magpartner? Gusto mo ba maging mas matalik ang iyong koneksyon? Gusto mo bang maglatag ng iyong mga hangganan?
Anuman ang iyong intensyon, tandaan na nagsusulat ka para sa iisang tao lamang: ang iyong sarili!
Isulat ang mga bagay na nakakatulong sa’yo maging sexy
Sa pagsulat tungkol sa mga bagay na nakakatulong sa’yo maramdaman na ika’y sexy, mas nadidiskubre at nae-explore mo ang iyong sekswalidad. Subukan dugtungan ang mga sumusunod na pangungusap:
- Ang nagustuhan ko ngayong araw ay ___.
- Ang nakaka-turn on sa akin ay ___.
- Pakiramdam ko ako’y sexy kapag ___.
I-explore ang iyong mga pantasya
Ang pagjo-journal ay daan para pag-isipan ang iyong mga pantasya at malayang ipahayag ang mga ‘to.
Para sa karamihan ng mga magpartner, ‘di sila komportable na pag-usapan ang kanilang mga pantasya. Pero kapag naisulat mo ang mga ‘to, baka mas madali na para sa’yo na ibukas at ipahayag ito sa iyong partner.
Baka mas madaling i-journal ang mga ganitong bagay kapag nasanay ka na sa pagsusulat.
I-record at i-score ang iyong mga karanasan
Isipin mo kung ilan at gaano kasarap ang iyong mga orgasmo, kung nakaramdam ka ba ng anumang sakit, kung gaano katalik o ka-adventurous ang inyong ginawa, kung may sinubukan kayong bago (tulad ng role playing o rope bondage), kung gaano katagal ang foreplay niyo, kung gaano mo na-enjoy ‘yung karanasan, atbp. Ang iyong pag-score ay maaaring ibase kung gaano kakomportable o kasaya sa karanasan.
Baka susi ‘to sa pagtukoy ng iyong mga gusto at ‘di gusto. At kapag nasabi mo ‘to sa iyong partner, malaking hakbang ‘to para maranasan ang best sex ever!
Gumuhit ng body map
Maganda ‘to gawin kung mahilig ka mag-drawing!
Gumuhit ng outline ng iyong katawan at markahan ang mga bahagi na gusto mong hinahawakan at hinahaplos. Saka mo isulat kung anong klaseng istimulasyon ang gusto mo, at kung gaano kadiin ang nakaka-turn on sa’yo.
‘Di inirerekumenda na araw-araw mong gagawin ang body map. Pero dahil nababago rin ang mga kagustuhan, maaaring magbago rin ang mga bahagi ng gusto mong hinahaplos. Baka mas mabuting gawin ito kada-buwan.
Magsulat tungkol sa mga emosyon
Karamihan sa mga karaniwang isyu sa sex — tulad ng pananakit at sexual dysfunction — ay nagmumula sa mga reaksyon sa sex. Maliban sa pagbibigay pansin sa karanasan mismo, alalahanin mo rin ang iyong emosyon.
May bagay ba na nakakahiya sa’yo? Nakaramdam ka ba ng anumang uri ng presyur o inis? Ano sa tingin mo ang dahilan ng mga emosyon na ‘to?
Kapag nasagot mo ang mga katanungang ito, mas madali para sa’yo na maghanap ng solusyon kapag naranasan uli ang mga ganung sitwasyon.
Ngunit, ‘di naman kailangan na panay negatibong emosyon lang ang iisipin mo. Dapat magsulat ka rin tungkol sa mga positibong emosyon at mga bagay na ikinatuwa mo.
Sources:
https://www.self.com/story/sex-journal
https://www.shape.com/lifestyle/sex-and-love/how-to-sex-journal-benefits
https://hellogiggles.com/love-sex/keep-sex-journal/