Kung sa palagay mo’y ika’y buntis, ang tanging paraan para makumpirma ‘to ay sa pamamagitan ng paggamit ng pregnancy test kit.
May iba’t ibang uri at tatak ng pregnancy test, ilan sa kanila ay pwede mong gawin sa bahay lamang. Ang mga ganitong pregnancy test ay nabibili sa mga convenience stores at botika.
Nabibili over the counter ang mga home pregnancy test kit, kaya ‘di mo kailangan ng reseta ng doktor para dito. Mainam na dalawa ang bilhing pregnancy test kit para may isa ka pang magagamit kung kailangan mo itong ulitin.
Paano ba gumagana ang mga pregnancy test kit?
Ang mga pregnancy test kit ay nagde-detect ng hormone na human chorionic gonadotropin (hCG) sa iyong ihi.
Nililikha lamang ng katawan ang hormone na ‘to kapag ang napertilisang egg cell ay kumapit na sa uterine lining, na siyang marka ng simula ng pagbubuntis. Ito’y karaniwang nangyayari sa ika-anim na araw pagkatapos ng pertilisasyon.
May dalawang uri ng pregnancy test: blood test at urine test.
Ang mga blood test ay isinasagawa sa mga klinika at, kumpara sa mga urine test, ay mas matagal maglabas ng resulta. May isang klase ng blood test, na tinatawag na quantitative hCG test at nakakatulong sa pagsusuri kung may komplikasyon ang pagbubuntis.
Ang mga home pregnancy test kit ay sumasailalim ng urine test. Maliban sa pagiging simple, pribado, at madaling mabili, madali lang rin ito gamitin at makakakuha ka na ng resulta pagkalipas ng ilang minuto.
Maaasahan ba ang resulta ng mga home pregnancy test kit?
Maraming home pregnancy test kit ang hanggang 99% tumpak magbigay ng resulta. Ngunit, nakasalalay rin ito sa ilang mga bagay:
- Kung tama ang pagsunod sa direksyon ng paggamit
- Kung kailan kumapit ang napertilisang egg cell sa uterine lining
- Kung gaano katagal ang huling pagbubuntis
- Kung expired ba ang pregnancy test kit
- Kung gaano karami ang hCG sa iyong ihi
Paano ko masisigurado na tumpak ang resulta?
Bago ang lahat, ugaliing i-check ang expiration date ng pregnancy test kit.
Siguraduhin na binasa at sinunod ang direksyon sa test kit. Pare-pareho lang naman ang mga test kit na nagde-detect ng hCG sa ihi, pero napakahalaga pa rin na basahin ang direksyon dahil posibleng magkaka-iba ang mga ‘to sa bawat tatak.
Kapag hindi nasundan ang direksyon, baka hindi tumpak ang resultang makuha.
Napakahalaga rin ng tamang timing sa paggamit ng pregnancy test. Hindi agad-agad na nabubuntis pagkatapos makipagtalik. Kaya HUWAG gumamit ng test kit agad-agad pagkatapos makipagtalik, o iilang araw pa lamang pagkatapos ng pakikipagtalik.
Nakakaranas man ng mga sintomas ng pagbubuntis o hindi, iminumungkahi na maghintay ng isang linggong pagdelay ng regla.
Mainam ring gawin ang pregnancy test sa paggising, para mas mataas ang antas ng hCG (kung sakaling buntis talaga) at mas madali para sa test kit na ma-detect ito.
Mga pinagmulan:
https://www.webmd.com/baby/guide/pregnancy-tests#1
https://www.medicalnewstoday.com/articles/319803
https://www.verywellfamily.com/home-pregnancy-tests-906656
https://www.medicalnewstoday.com/articles/295001