Sa Isang Tingin:
- Tatlong buwang proteksyon laban sa pagbubuntis.
- Kailangang pangasiwaan ng healthcare provider ang pagturok.
- Hindi napapansin o halata.
- Maaaring makaranas ng hindi regular na pagregla.
- Kung ipapaturok ang injectable sa tamang oras, mabisa ito nang 99 porsyento.
Ano Ito
Ang contraceptive injectable, na mas kilala bilang Depo, ay tinuturok ng doktor o healthcare provider, at nagpapalabas ng hormon na progestin na pumipigil sa pagbubuntis. Kapag nagpaturok, ang iyong proteksyon mula sa pagbubuntis ay saklaw ang tatlong buong buwan (13 linggo)—wala ka nang ibang gagawin. Ang ilang mga babae ay nagsabing hindi nila gusto ang injectable dahil natatakot sila sa mga karayom. Ngunit, ano ang isang maliit na turok kumpara sa isang hindi planadong pagbubuntis?
Paano Ito Gumagana
Gumagana ang injectable sa pamamagitan ng paglabas ng progestin sa loob ng tatlong buwan. Pinapalapot nito ang uhog ng sipitsipitan na hinaharangan ang esperma mula sa pagtagpo sa selulang itlog, at pinipigilan ang pagsanib ng esperma at selulang itlog. Ginagawang mas mahirap din para sa selulang itlog na kumabit sa uterine lining kung sakaling ito ay nagsanib sa esperma—at naiwasan muli ang pagbubuntis.
Paano Gamitin Ito
Wala ka talagang kailangan gawin upang magamit ang iniksyon, maliban sa pagtiyak na mapanatili ang regular na pagpunta sa healthcare provider para magpaturok kapag kinakailangan na. Pumunta sa klinika para sa unang turok, at bumalik tuwing ikatlong buwan para sa susunod na turok—madali lang, ‘di ba?
Siguraduhing talakayin ang araw ng pagregla at iskedyul ng pagturok sa iyong healthcare provider, dahil makakatulong ito na matukoy kung gaano kalaunan matapos ang pagturok ay protektado ka. Kung nagpaturok habang may regla ka, epektibo ito kaagad. Kung nagpaturok naman habang walang regla, kailangan maghintay nang isang linggo upang maging epektibo.
Gayundin, mahalaga na mapaturok ang injectable sa tamang oras. Kung ikaw ay higit sa apat na linggo huli para sa kasunod na turok, at nakikipagtalik nang walang proteksyon, maaaring kailanganin magpasuri muna kung ika’y buntis bago ang susunod na turok.
Mga Positibo
- Madaling gamitin.
- Hindi nakakaantala sa pagtatalik.
- Sobrang pribado—walang makakaalam maliban kung sinabi mo.
- Hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa pag-inom ng pills araw-araw.
- Maaaring mas maikli at mas magaan ang regla—o walang regla.
- Ang iyong proteksyon mula sa pagbubuntis ay saklaw na ang tatlong buwan sa isang dosis ng iniksyon.
- Maaaring ipaturok ng mga babaeng hindi pwede gumamit ng estrogen
- Ito ay napaka-epektibo sa pag-iwas sa pagbubuntis—kung makapagpaturok sa tamang oras.
- Ligtas na gamitin ng mga nagpapasusong ina.
Mga Negatibo
Ang pagkabahala sa mga posibleng mararanasang pagbabago ay normal, ngunit para sa karamihan sa mga babae, hindi sila namorblema. Kung may nararanasan ka, mawawala rin sila sa paglipas ng panahon. Habang nagpapakilala ka ng mga hormon sa iyong katawan, bigyan ng konting panahon para maayos.
Mga karaniwang reklamo:
- Hindi regular na paregla, lalo na sa unang 6-12 na buwan (maaaring mangahulugan ng mas mahaba, mas mabibigat na regla, o pagdurugo sa pagitan ng mga pagregla, o ang paghinto ng pagregla).
- Pag-iba ng gana kumain.
- Ang pagbisita sa klinika kada-13 linggo.
- Ang pagkaantala sa pagbalik ng pagkamayabong nang ilang buwan matapos ang pagtigil mag paturok.
Mga hindi karaniwang epekto:
- Pagbabago sa libog.
- Depresyon.
- Ang pagkawala ng buhok, o higit pang buhok sa iyong mukha at katawan.
- Sakit ng ulo.
- Pagsusuka.
- Pananakit ng mga suso.
Tandaan: sa injectable, walang paraan upang ihinto ang iyong mga nararanasan. Kung hindi ka pa rin komportable pagkatapos ng kurso ng dalawang sunod-sunod na turok, baka mas mainam na magpalit ng kontraseptibo.
Karaniwang Maling Pagkaunawa
- Ang pagkawala ng buwanang pagregla ay hindi nakakapinsala at hindi nangangahulugang na ang dugo ay “naiipon” sa loob ng katawan.
- Hindi nakakabaog.
- Kahit na ang injectable ay maaaring maantala ang pagbalik ng pagkamayabong, mahalaga pa rin na magpaturok kada tatlong buwan (13 linggo) kung nais masigurado ang pag-iwas sa pagbubuntis.
- Ang pagpapaturok ay hindi makakagambala sa isang ganap nang pagbubuntis.
Pinagmulan:
https://www.nhs.uk/conditions/contraception/contraceptive-injection/
Hi ! Ask ko lang po. Due po ng injectable ko nung june 29. Hindi na po ako bumalik ng center para po sa next turok ko. 1week na po ako delay sa inject. Nag contact po kame ng husband ko. May possibility po ba na mabuntis ako ?? Thankyou sa pag sagot.
Hi! Kung 1 week pa lang po ang delay, mababa pa rin po ang tsansa na mabuntis. Ngunit, mainam po na magpaturok na kayo sa lalong madaling panahon.
Ask lang po delikado poba pag nalate ng inject tapos may nangyari po sa mag tapos walang gamit na pangontra pero withdrawal. then mga ilang arae nagpainject narin. Paano po kaya yun?
Hi! Anong petsa po ba dapat ang sunod na turok, at kailan po kayo nagtalik?
Hello ask q lang po pwede po b aqng magpainject kc ung baby q 1month n mahigit at ilang beses n din aq ginalaw ng asawa q..
Hi, Sheryl! Opo, pwede po kayo magpaturok ng injectable kahit breastfeeding.