Para sa ilang babae, ang buhok sa maselang bahagi ng katawan ay nakakainis, ngunit ito ay mayroon talagang silbi at layunin. Ang buhok doon ay pinoprotektahan ang iyong maselang bahagi ng katawan mula sa priksyon at mga impeksyon. Ito ay nagsisilbing “pilikmata” ng pwerta upang maiwasan ang anumang bagay o bakterya na makapasok sa katawan. Ang buhok sa maselang bahagi ng katawan ay normal at nandoon dahil may layunin — hindi ito dapat ikahiya!
Maraming babae ay palaging nakakahanap ng oras alisin ang kanilang buhok sa maselang bahagi ng katawan sa pagnanais na maging tulad sa mga supermodel, maging “malinis”, maramdaman na sila’y seksi, o masiyahan ang kanilang kasosyo. Taliwas sa tanyag na paniniwala, sabi ng mga doktor na mas ligtas at malinis ang hayaan ang buhok sa maselang bahagi ng katawan.
Wax, ahit, bunot, o paggamit ng hair removal cream man, ang pag-alis ng iyong buhok sa maselang bahagi ng katawan ay maaaring maghantong sa mas maraming mga panganib kaysa sa mga benepisyo — sa katunayan, wala itong pakinabang sa kalusugan. Maaari kang magkaroon ng mga sugat o ingrown hair, pamamaga ng mga follicle ng buhok o hyperpigmentation (hindi pantay-pantay na kulaty ng balat), o mas masahol pa, mga impeksyon sa balat at mas mataas na peligro para sa mga sexually transmitted infection (STI).
Nasa sa iyo kung nais mong alising ang buhok mo sa maselang bahagi ng katawan. Kung napagpasyahan mong nais na magpatuloy sa paggalaw sa buhok ni Lady V, narito ang ilang mga payo kung paano ito gawin ligtas hangga’t maaari.
Pag-ahit
Karamihan sa mga babae ay pinipili ang pag-aahit dahil ito ang pinakamadaling gawin sa bahay. Gayunpaman, maraming pinsala ng pag-ahit ang nauugnay sa mga pagsusugat, na iminumungkahi na ang pag-ahit ay ang pinaka-mapanganib.
Ang mga sugat na ito ay ginagawang mas madali para sa mga bakterya at mga STI na makapasok sa katawan, kaya dapat lubos na magingat. Narito ang maaari mong gawin:
- Disimpektahin ang iyong pang-ahit. Mas mainam na tabi ng pang-ahit na para lamang sa pag-alis ng buhok sa maselang bahagi ng katawan.
- Basain ang iyong buhok para mas madaling maputol.
- Gumamit ng natural cream, moisturizer, o gel para madulas ang balat. Maaari makabawas ito sa posibleng iritasyon.
- Hawakan ang balat nang mahigpit at mag-ahit nang dahan-dahan at malumanay sa direksyon na tumutubo ang buhok.
- Banlawan ang pang-ahit pagkatapos ng bawat ahit.
Pag-wax
Ang pag-wax ay bahagyang mas ligtas, ngunit maaari pa rin itong humantong sa mga sugat, ingrown hair, sunog, impeksyon, at iritasyon.
Napakahusay ng pag-wax sa pag-alis ng buhok at pigilan ito mula sa pagtubo ng mahabang panahon. Maaari kang mag-wax sa bahay, ngunit mas mabuting ipagawa ito sa mga propesyonal. Kung plano mong gawin ito sa iyong sarili, narito ang ilang mga payo:
- Gumamit ng over-the-counter wax (at mga waxing strip).
- Hugasan at disimpektahin ang bahagi na balak mong i-wax.
- Mag-apply ng maligamgam na wax (at isang waxing strip) sa isang parte.
- Matatag ngunit malumanay na hatakin ang strip palayo sa balat.
Pagbunot
Ang pagbunot ay mas matagal at masakit gawin kaysa sa pag-ahit, ngunit mabuti ito para sa mabilisang pagbawas o paghugis. Nangangailangan ito ng mas kaunting mga materyales at gumagawa ng mas kaunting kalat.
Ang pagiging banayad at maingat ay mahalaga sa pagbubunot. Ang pagbunot ng buhok nang masyadong malakas o biglan ay maaaring makapinsala sa balat o follicle ng buhok, at humantong sa pangangati o impeksyon. Mas mahusay na magkaroon ng tiyani na nakatuon sa buhok ng maselang bahagi ng katawan lamang. Alalahanin ang mga payo na ito:
- Disimpektahin ang tiyani.
- Siguraduhin na sapat ang liwanag ng kwarto.
- Hawakan nang mahigpit ang balat, hawakan ang dulo ng buhok gamit ang mga tiyani, at malumanay na hilahin ang buhok sa direksyon ng pagtubi nito.
- I-angat ang ulo at tumingin sa paligid pana-panahon upang maiwasan ang pamumulikat ng leeg.
Paggupit
Ang paggupit ng iyong buhok sa maselang bahagi ng katawan gamit ang gunting ay mabilis at madaling paraan upang hubugin at bawasan ito. Dahil ang gunting ay hindi direktang didikit sa iyong balat, maaari mas mababa ang tsansa ng mga komplikasyon. Ngunit mahalaga pa rin na mag-ingat! Narito ang ilang mga payo sa paggupit:
- Disimpektahin ang iyong gunting. Tiyakin na ito ay para lamang sa paggupit ng buhok.
- Siguraduhing tuyo ang iyong buhok sa maselang bahagi ng katawan para hindi sila magkumpol-kumpol.
- Dahan-dahan at malumanay na gupitin ang buhok. Gawin ito nang paisa-isa o sa maliliit na mga kumpol hanggang sa nasiyahan ka sa mga resulta.
- Panatilihin ang iyong gunting sa isang malinis at tuyo na lugar.
Paggamit ng hair removal cream
Ang mga hair removal cream ay nagpapahina sa buhok para sila’y kusang mahulog at madaling punasan. Siguraduhing basahin nang mabuti ang mga direksyon bago gamitin ito upang maiwasan ang mga problema. Naglalaman ang mga ito ng mga sangkap na maaaring maging sanhi ng pangangati at mga reaksiyong alerdyi, kaya mag-ingat o mas mabuti pa, makipag-usap sa iyong doktor bago gamitin ang mga ito.
Ano ang maaaring mangyari
Mayroong ilang mga panganib sa pag-alis ng buhok sa maselang bahagi ng katawan lalo na kung hindi ka maingat. Ang ilan sa kanila ay:
- Pangangati
- Ingrown hair o bukul-bukol na balat
- Pamumula at pangangati
- Allergic reaction (mula sa mga cream at gels)
- Pamamaga
- Sagsusugat
- Mga impeksyon
- Folliculitis
- Mas mataas na peligro ng ilang mga STI
Pumunta kaagad sa iyong doktor kung napansin mo ang alinman sa mga ito o iba pang mga abnormal na sintomas na hindi nawawala sa loob ng ilang araw.
Mga pinagmulan:
https://www.theguardian.com/lifeandstyle/2016/jul/11/should-groom-pubic-hair-shaving-trimming
https://www.thesun.co.uk/fabulous/4277626/removing-pubic-hair-dangerous-safe-hygiene-shaving/
https://www.insider.com/how-to-wax-your-pubic-hair-safely-according-to-gynecologist-2019-9
https://www.healthline.com/health/best-way-to-remove-pubic-hair