Ang mga kinakain mo ay hindi lamang nagbibigay-lakas sa iyong katawan. May kontribusyon din ang mga ito sa iyong kalusugang sekswal. At pagdating sa ating mga lalaki, apektado na rin ang kalusugan ng ating semilya. Nais mo mang bumuo ng pamilya o gusto mo lang patibayin ang iyong reproductive system, halina’t intindihin natin ang impact ng iyong diet sa kalusugan ng iyong “ibinubuga”.
May ugnayan ba ang diet at kalusugan ng semilya?
Maniwala ka man o hindi, ang iyong diet ay nakakaapekto sa kalusugan ng iyong sperm health. Maaaring gumanda o lumala ang kalidad ng iyong semilya base sa iyong mga kinakain. Ibig sabihin, malaki ang impact ng mga paborito mong pagkain sa iyong sekswal na kalusugan.
Ano ang dapat kong kainin para sa mas malusog na semilya?
Ang pagsama ng ilang mga pagkain sa iyong diet ay maaaring magpatibay ng iyong sperm production at magpatibay ng iyong sperm quality.
Talaba
Kilala bilang natural na aphrodisiac ang tahong at talaba. Bukod diyan, mayaman din ang mga ito sa zinc. Ang zinc ay isang mineral na may malaking impact sa sperm production at sperm motility. Makakatulong ang mga pagkaing ito sa paggawa ng semilya at sa liksi ng iyong mga sperm cell.
Dark Chocolate
Magandang balita para sa mga chocolate lover, lalo na sa mga mahilig sa dark chocolate! Maraming antioxidants ang dark chocolate, na nagpapataas ng sperm count at nagpapaliksi ng sperm cells. Mas maganda pa kung pipili ka ng tsokolateng may mataas na lebel ng cocoa.
Spinach
Ang gulay na ito ay hindi lamang paborito ni Popeye; napapalakas nito ang iyong pagkamayabong o fertility. Mayaman sa folate ang spinach, isang B-vitamin na nagpapalusog ng semilya.
Asparagus
Ang asparagus ay hindi lamang malasa kundi magandang source ng vitamin C. Tumutulong ang bitaminang ito sa pagpapatibay ng sperm cells mula sa DNA damage. Kaya naman kung nais niyong bumuo ng Junior ni hon, mainam na kumain ng asparagus!
Fish
Ang mga isdang gaya ng salmon at sardinas ay mayaman sa omega-3. Ito ay nakakatulong sa paggawa ng semilya. Ang pagsasama ng isda sa iyong diyeta ay makakasuporta sa iyong pangkalahatang kalusugan at reproduktibong sistema.
Abukado
Bukod sa masarap at masustansiya, ang abukado ay mayaman sa monounsaturated fats na nagpapalusog ng semilya. Ang mga bitaminang dala ng abukado ay nakakatulong din sa paggawa ng sperm cells.
Kape at Tsaa
Para sa mga lalaking mahilig magkape o tsaa: Ang wastong pagkonsumo ng caffeine ay nakakatulong sa kalidad ng inyong semilya! Ang caffeine ay napatunayan nang nagpapaliksi ng sperm cells.
Bukod pa dun, and caffeine at ilang mga uri ng tsaa gaya ng ginseng tea at green tea, ay nanagpapataas ng testosterone levels, na may naiaambag sa iyong kalusugang reproduktibo. Pero mahalagang tandaan ang moderation o tamang pag-inom ng mga ito, dahil ang labis-labis na pagkonsumo ng caffeine ay may negatibo nang epekto sa katawan.
Malaki ang maitutulong ng mga nabanggit na pagkain sa kalusugan ng iyong semilya, pati na rin sa iyong “performance.”
Ano ang mga dapat iwasan?
Ang mga hindi mo kinakain ay kasing-importante lang din ng mga isasama mo sa iyong diet. May mga pagkaing nakakapinsala sa sperm production at pangkalahatang kalidad ng iyong semilya. Heto ang mga salarin na dapat iwasan.
Processed Meats
Bagama’t masasarap at madali lamang lutuin ang mga ito, ang mga processed meat gaya ng bacon, sausage, at hotdog, ay may matataas na lebel ng saturated fats at mga preservative. Hindi masustansya ang mga ito, at ang labis na pagkain ng mga ito ay nakakababa ng sperm quality. Mas mainam na kumain na lang mga karneng mayaman sa protina gaya ng isda.
Mga Pagkaing May Soy
Popular na source ng protina ang soy products gaya ng tokwa at soya, pero meron din silang phytoestrogens na maaaring maging sagabal sa produksyon ng sperm cells kung kokonsumo ka ng marami nito.
Ang paghihinay-hinay sa mga pagkaing may soy ay maganda kung nais mong patibayin ang kalusugan ng iyong semilya.
Trans Fats
Importante rin na mag-ingat sa pagkonsumo ng mga pagkaing may trans fats gaya ng margarin at mga pritong pagkain. Ang trans fats ay mapaminsala sa kalusugan ng semilya, at napag-alaman nang nakakaapekto ang mga ito sa liksi ng iyong sperm cells.
Sa pagkakaroon ng wastong kaalaman sa mga epekto ng mga pagkaing ito, mapapanatili mong malusog ang iyong ibinubuga, at maaalagaan mo ang iyong kalusugang sekswal.
Isang epektibong hakbang sa pag-aalaga sa iyong semilya ang pag-intindi sa mga dapat mong kainin at dapat iwasan. Tandaan: ang pagkakaroon ng sperm-friendly na diet ay hindi lang makakatulong sa iyong semilya; susi rin ito sa malupit na labing-labing. Para sa iba pang impormasyon tungkol sa Pag-aalaga ng Iyong Semilya, basahin mo ang aming article tungkol dito. Ang mga kakainin mo ngayon ay may malaking impact sa kinabukasan mo!
Mga Pinagmulan
- McDonald, MD, E. (2018, December 10). Diet and male fertility: Foods that affect sperm count. Diet and male fertility: Foods that affect sperm count – UChicago Medicine. https://bit.ly/3ThbaRt
- Parikh, Dr. F. (2023, July 6). 18 best foods to increase sperm count and motility. Fertiltree. https://bit.ly/3wNso1A
- Imahe mula kay pressfoto sa Freepik