fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Gaano katagal maabot ng sperm cell ang egg cell?

Suriin natin kung paano ba nararating ng sperm cell ang egg cell. Mukhang simple lang ito, ngunit maraming nangyayari bago ‘to mangyari.

Isipin ito: nakipagtalik ka nang walang proteksyon sa panahon ng iyong fertile window, at iniisip mo, “Bingo, buntis ako!” Well, hindi ‘yun ganun kabilis. Ang totoo, ang mga posibilidad ay nasa 10% hanggang 33% (depende sa kung kailan ito nangyari) na magresulta ito sa pagbubuntis. Oo, may ilang mga hadlang sa daan.

Malamang na nagtataka ka: Gaano ba talaga katagal bago maabot ng mga sperm cells ang egg cell pagkatapos makipagtalik? Ano bang nangyayari? At ilan sa mga sperm cell na iyon ang talagang makakarating sa finish line?

Sagutin natin ang mga katanungan na ‘yan, at tignan natin kung ano bang nangyayari bago may pagbubuntis na mangyari.

Paano nararating ng sperm cell ang egg cell?

Pagkatapos ng ejaculation, ang mga sperm cells na ito ay tatahak sa isang paglalakbay. Kailangan nilang malagpasan ang pwerta sa daan ng sipitsipitan, papunta sa matris, at sa wakas, kailangan nilang pumili ng tamang fallopian tube upang mahanap ang egg cell. Ang distansya ay humigit-kumulang 15 hanggang 18 cm, na mahaba-habang lakbay para sa maliliit na sperm cells na iyon!

Gaano katagal bago maabot ng sperm cells ang egg cell?

Well, sa karaniwan, ang mga sperm cell ay nakakarating sa egg cell sa loob ng 15 hanggang 45 minuto pagkatapos ng ejaculation. Ngunit narito ang twist: kung ang egg cell ay hindi pa nailalabas ng ovary (a.k.a. obulasyon) sa oras na mangyari ang lahat ng ‘katuwaan’, ang mga sperm cell na ito ay maaaring tumambay sa loob ng reproductive tract nang hanggang limang araw, matiyagang naghihintay para sa kanilang tsansa na matagpuan ang egg cell.

Ngayon, pag-usapan natin kung paano tinutulungan ng Inang Kalikasan ang mga sperm cells sa kanilang paglalakbay.

Sa loob lamang ng walong segundo ng pagsisid ng sperm cell sa pwerta, nagsimulang magbago ang mga bagay sa kanilang pabor. Ang pH level sa pwerta ay tumataas, na tumutulong sa kanila na mabuhay sa loob ng reproductive tract. Humigit-kumulang isang minuto pagkatapos ng ejaculation, ang semilya ay nagiging isang gel-like substance, isang coagulum. Bakit ito nangyayari? Hindi lubos na sigurado ang mga eksperto, ngunit ang isang teorya ay nakakatulong itong panatilihing mas malapit ang semilya sa pasukan ng sipitsipitan, na parang isang stopover.

Pagkatapos ng humigit-kumulang 30 hanggang 60 minuto, ang gel na ito ay nalulusaw, at ang mga sperm cells ay makakabalik sa kanilang misyon na hanapin ang egg cell.

Ilang sperm cell ang nakakaabot sa egg cell, at saan nangyayari ang fertilization?

Ang fertilization ay parang grand meetup ng egg cell at sperm cell, at nangyayari ito sa fallopian tube. Ngunit, nangyayari lamang ito kapag ang isang babae ay nasa kanyang fertile window, ibig sabihin ay malapit na, o mismong nasa panahon ng obulasyon, kung saan ang isang egg cell ay lumalabas sa obaryo.

Ngayon, ang egg cell ay medyo mailap — maaari lamang itong ma-fertilize sa loob ng 12 hanggang 24 na oras pagkatapos na mailabas mula sa obaryo. Pagkatapos nito, nagsisimula itong malusaw, nagiiba na ang antas ng mga hormones, at pagkatapos ay nagsisimula ang regla ng babae.

Tinatantya na ang isang round ay naglalaman ng hanggang 280 milyong sperm cells! Sa ilalim ng tamang mga kondisyon, maaari silang tumambay ng ilang araw sa reproductive tract, naghihintay lamang ng kanilang pagkakataon na matagpuan ang egg cell. Kaya, ang pagkakaroon ng hindi protektadong pakikipagtalik sa loob ng limang araw bago ang obulasyon ay maaari pa ring humantong sa pagbubuntis, kahit na ang egg cell ay hindi pa nakakalabas mula sa obaryo.

Ang mabibilis na mga sperm cells na ito ay maaaring maabot ang egg cell sa loob ng 30 minuto pagkatapos ng pagbulalas.

Kailan nangyayari ang implantation?

Ngayon, pag-usapan natin ang implantation. Pagkatapos mapertilisa ng sperm cell ang egg cell, nagsimula sila sa maglakbay pababa sa fallopian tube, at dumadaan sila sa ilang pagbabago. Sila’y nagiging zygote, saka nagiging morula, at sa wakas ay nagiging isang blastocyst.

Kapag sila’y blastocyst na, handa na silang kumapit sa lining ng matris at magsimulang lumaki bilang isang embryo. Napakahalaga ang parte na ‘to para magresulta sa pagbubuntis. Kung hindi ito mangyari, ang blastocyst ay lalabas sa katawan kasama ang uterine lining sa panahon ng regla ng isang babae.

Ang implantation ay karaniwang nagaganap sa pagitan ng 6 hanggang 10 araw pagkatapos ng fertilization. Maaaring mapansin mo ang ilang sintomas tulad ng cramps o light spotting, ngunit normal rin na walang sintomas na maranasan.

Kailan ang tamang oras para mag-pregnancy test?

Ang mga home pregnancy test kits ay nagde-detect ng isang hormone na tinatawag na human chorionic gonadotropin, o hCG, sa ihi. Nagsisimulang lumabas ang hormone na ito sa katawan pagkatapos kumapit ang fertilized egg cell sa uterine lining, ngunit ang sapat na antas ay nangyayari lamang sa loob ng 6 hanggang 14 na araw pagkatapos ng fertilization at implantation.

Para makuha ang accurate na resulta, kailangan mo ng pasensya. Karaniwang inirerekomenda na mag-pregnancy test kapag isang linggong delayed ang regla. Ngunit tandaan, iba-iba ang siklo ng bawat babae kaya maaari itong mag-iba.

Kapag nag-pregnancy test agad-agad pagkatapos ng pakikipagtalik, o hanggang isang linggo pagkatapos ng ‘kasiyahan’, maaaring hindi makapagbigay ito ng pinakatumpak na resulta.

Mga huling paalala

Ang proseso ng pagbubuntis ay hindi madalian. Mayroong maraming mga bagay na nangyayari sa loob ng katawan bago makabuo ng baby. Ang pagbubuntis ay hindi nangyayari kaagad pagkatapos ng hindi protektadong pakikipagtalik. Kaya naman hindi rin magandang ideya na mag-pregnancy test agad-agad. Ito rin ang dahilan kung bakit maaari ka pa ring mag-emergency contraception tulad ng Yuzpe Method o copper IUD kapag hindi ka pa handa para sa pagiging magulang.

Mga pinagmulan:

Kallen, A. (March 9, 2022). Here’s how long it takes sperm to reach the egg after sex. Flo. https://flo.health/getting-pregnant/trying-to-conceive/fertility/how-long-does-it-take-sperm-to-reach-egg 

Nazario, B. (November 15, 2021). Conception: From Egg to Embryo Slideshow. WebMD. https://www.webmd.com/baby/ss/slideshow-conception 

Marcin, A. (January 23, 2020). How Long Does It Take to Get Pregnant After Having Sex? Healthline. https://www.healthline.com/health/pregnancy/how-long-does-it-take-to-get-pregnant-after-sex#fertilization 

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon