fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

5 bagay na maaari mong maranasan kapag nagpapasuso

Things You Might Experience when breastfeeding

Congratulations dahil nalagpasan mo ang pagbubuntis, labor, at panganganak! Marami kang napagdaanang pagbabago sa iyong katawan at siguro inaasahan mo nang matigil ito. Pero kapag nagsimula ka namang magpasuso, makakaranas ka uli ng iba pang mga pagbabago sa katawan. Iba-iba ang karanasan ng bawat ina, pero narito ang lima sa mga karaniwang nararanasan sa napakasayang panahon ng pagiging bagong ina.

Nakakaantok ang pagpapasuso

Marahil napansin mong nakakatulog ang mga sanggol kapag sila’y sumususo, pero alam mo ba na baka ika’y makatulog rin habang nagpapasuso? Ang pagpapasuso ay nakakahimok sa paglikha ng oxytocin, na nakakakalma at nakakarelaks sa mga nagpapasusong ina. Ito’y natural na paraan ng katawan para alagaan ka — lalo na’t baka pagod ka rin sa pagpapasuso sa madaling araw!

Hindi ka siguro dadatnan ng regla

Ang prolactin, ang hormon na humihimok sa paglikha ng gatas, ay nakakapigil sa siklo ng regla. Kung ika’y pure breastfeeding, baka hindi ka datnan ng regla sa loob ng 14 buwan.

Tandaan na maaari ka pa ring mabuntis kahit hindi ka pa nireregla. Tanungin ang iyong doktor kung anong mabisang kontrasepsyon ang nababagay sa iyo kung hindi ka pa handang magkaroon ng isa pang baby. Ang mga kontraseptibo tulad ng Postpartum IUD at progestin-only pills ang karaniwang inirerekumenda sa mga nagpapasusong ina dahil hindi nakakaapekto ang mga ito sa paglikha ng gatas.

Maaaring magbago ang mga suso

Ang iyong mga suso ay maaaring lumaki, tumigas, at uminit ang pakiramdam, lalo na sa mga unang linggo pagkatapos manganak. Ang tawag dito ay engorgement, at baka hindi ito komportable sa iyo dahil nag-aadjust ang katawan sa paglikha ng gatas. Baka may mga araw rin na tila’y punong-puno ito at sobrang tigas dahil sa dami ng gatas. Giginhawa ito kapag nasanay na ang iyong mga suso sa paggawa at paglabas ng gatas kapag nagpapasuso. Ang regular na pagpapasuso ay makakatulong sa pag-iwas sa engorgement at pagpapaginhawa sa pakiramdam.

Kung hindi na pantay ang iyong mga suso bago pa mabuntis at manganak, mas mahahalata ito kapag nagpapasuso. Baka mapansin mo na mas malaki ang isang suso kumpara sa kabila pagkatapos magpasuso. Maaari ring lumaki, umitim, at mas tumulis kaysa dati.

Baka may makapa ka ring maliliit na bukol sa iyong suso

Itong mga maliliit na bukol na parang jolen sa mga suso ay posibleng mga baradong milk ducts. Mas karaniwang nangyayari ito sa mga unang linggo ng pagpapasuso kapag ang pag-latch ng iyong sanggol ay hindi nauubos ang gatas sa suso, pati na rin sa bandang huling buwan ng pagpapasuso kapag hindi na madalas sumuso ang sanggol.

Para mawala ang mga baradong milk ducts, patuloy na magpasuso kung saan mo nakakapa ang mga bukol at imasahe ito habang nagpapasuso. Makakatulong ito mawala ang bara at mapabuti ang daloy ng gatas.

Ang mga napabayaang bara ay maaaring humantong sa isang impeksyong tinatawag na mastitis. Makipag-ugnayan sa iyong doktor kung nakakaranas ng mga sintomas tulad ng pagiging sensitibo at pamamaga ng mga suso, mga bukol, pananakit, pamumula, at lagnat.

Maaaring makaranas ng vaginal dryness

Madalas mas mababa ang antas ng estrogen ng mga nagpapasusong ina. Maaaring makaranas ng mga sintomas tulad ng pagkatuyo, mainit na pakiramdam, pangangati, at pananakit sa puwerta at bulba (vulva). Nakakaapekto ito sa pakikipagtalik, pero malaking tulong ang paggamit ng water-based lube tulad ng EZ Lubricating Jelly para mas komportable ang labing-labing.

Mga pinagmulan:

https://www.goodto.com/family/things-that-happen-when-breastfeeding

https://www.parents.com/baby/breastfeeding/problems/nurse-your-body/

https://www.cdc.gov/nutrition/infantandtoddlernutrition/breastfeeding/what-to-expect.html

https://www.parents.com/baby/breastfeeding/10-things-you-didnt-know-about-breastfeeding/

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/mastitis/symptoms-causes/syc-20374829

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon