fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Bakit nakakaranas ng mga sintomas ng pagbubuntis pero negatibo ang resulta ng pregnancy test

Pregnancy Symptoms But A Negative Pregnancy Test Result

Pagod? Check. Nasusuka? Check. Kakaibang cravings? Check. Buntis ka kaya? Kailangan nating isaalang-alang na maraming ibang posibleng dulot nitong mga hinihinalang sintomas ng pagbubuntis. Ang pinakamainam na paraan na malaman kung ito ba’y sanhi ng pagbubuntis ay ang paggamit ng pregnancy test!

May ibang babae na negatibo ang resulta ng pregnancy test, pero kumbinsido pa rin na sila’y buntis dahil sa mga sintomas na kanilang nararanasan. Kung ito ang kaso, narito ang ilang mga posibleng dahilan kung bakit pakiramdam mo ika’y buntis pero negatibo ang pregnancy test.

Masyadong maaga ang pregnancy test

Napakahalaga ng timing sa paggamit ng pregnancy test — baka hindi tumpak ang resulta kapag masyadong maagang ginawa.

May ilang babae na nagpre-pregnancy test makalipas ang ilang araw pagkatapos makipagtalik. Masyadong maaga ‘yun, mga mars! Kahit na matagumpay ang konsepsyon, hindi pa rin sapat ang antas ng pregnancy hormones

na nalilikha ng katawan para masuri ng pregnancy test.

Mabuting isagawa ang pregnancy test kapag isang linggo nang delayed ang iyong regla para sapat ang panahon ng katawan para lumikha ng pregnancy hormones.

Narito ang gabay para matukoy kung oras na bang magpregnancy test:

Kung ang iyong regla ay iyong inaasahan higit sa isang linggo o ilang araw pa ang layo…Kung delayed ang iyong regla…Kung hindi ka sigurado kailan dapat asahan ang iyong regla dahil hindi regular ang iyong siklo….
Hindi pa tama ang oras para magpregnancy test. Masyado pang maaga at hindi magiging tumpak ang resulta.Lumipas na nang isang linggo at wala pa ring senyales ng iyong regla? Ito na ang tamang oras pag-isipang magpregnancy test.
Ang mga pregnancy test kits ay nabibili sa mga pangunahing botika at convenience stores. Magandang ideya na rin siguro ang ilang kits kung sakaling kailangan mo ulitin ito. Pwedeng gawin ang test tuwing umaga kung hindi pa rin nawawala ang mga sintomas pagkalipas ng ilang araw.
Kung hindi sigurado kung kailan kaya aasahan ang regla o hindi sigurado kung nasaang yugto ka na ng iyong siklo ng regla, mabuting magtabi ng ilang pregnancy test kits para pwedeng gawin ito tuwing makalawa.

Masyadong mababa ang mga antas ng hormon

Ang human chorionic gonadotropin (hCG) ay ang hormon na nililikha ng lumalaking placenta ng isang buntis. Ito ang hormon sa iyong ihi na sinusuri ng pregnancy test para malaman kung ika’y buntis o hindi. Kapag masyadong mababa ang antas ng hormon, pwedeng negatibo ng resulta kahit ika’y buntis talaga.

Ang pinakamagandang oras para magpregnancy test ay sa iyong unang ihi pagkagising sa umaga, para mas tumpak ang resulta.

Masyadong maraming tubig na nainom

Kapag mas malabnaw ang ihi dahil maraming tubig ang nainom, mas kaunti ang nakikitang hCG sa ihi — at posibleng hindi tumpak ang makukuhang resulta. Hindi naman ibig sabihin nito na kailangan dehydrated ka o hindi ka iinom ng tubig! Iwasan lang ang labis na pag-inom sa gabi bago ‘yung araw na magpe-pregnancy test o sa umaga na magpe-pregnancy test.

Ika’y nag-o-ovulate

Ang ovulation — na nangyayari sa gitna ng iyong siklo ng regla — ay minsa’yng sinasamahan ng mga sintomas tulad ng pamamaga ng mga suso, pananakit ng puson, at minsang pagkahilo. Pwedeng mapagkamalang sintomas ng pagbubuntis pero ang totoo, ang iyong obaryo ay nagpakawala lamang ng selulang itlog.

Ika’y nakakaranas ng PMS

Ang pakiramdam ng regla at pagbubuntis ay halos parehong-pareho dahil pareho rin ang kasangkot na mga parte ng katawan at mga hormon sa dalawang sitwasyon. Ang pagtaas ng antas ng progesterone habang PMS at pagbubuntis ay nagsasanhi sa mga sintomas tulad ng pamamaga ng mga suso, mas maganang kain, pagiging moody, pananakit ng puson, pagkapagod, spotting, pati na rin ang pagsusuka — kaya nakakalito kung ika’y buntis o nakakaranas lamang ng PMS.

Mali ang paggamit ng pregnancy test

Ang bawat pregnancy test kit ay palaging mayroong tagubilin na kasama — basahin sila nang mabuti at sundan nang tama!

Kung hindi tama ang parte na napatakan ng ihi, hindi nilapag ang test sa patag na lugar at nakatingala, o masyadong pinatagal bago tignan ang kinalabasan, hindi magiging tumpak ang resulta.

Ito’y psychosomatic

Minsan kapag gustong-gusto mo mabuntis, ang iyong isip ay napupuno ng bagay tungkol sa pagbubuntis at nagsisimula kang mag-symptom-spotting. Naiisip mo na lahat ng iyong nararanasan ay dahil buntis ka.

Ang bawat sintomas ay maraming posibleng sanhi. Tandaan lang na magpregnancy test kapag na-delay ang regla para malaman kung ika’y buntis talaga.

Pwede ba akong reglahin kahit buntis?

Kapag niregla ka, at sapat ang daloy para makapuno ng napkin, matibay na senyales ‘to na hindi ka buntis. Imposibleng reglahin habang buntis. Magpregnancy test kung makakatulong ito maibsan ang pangamba.

Bakit ako nakakaranas ng sintomas ng pagbubuntis at spotting?

Kung nakaranas lamang ng spotting sa araw na inaasahan ang regla, at nakakaranas rin ng mga sintomas ng pagbubuntis, baka implantation bleeding ito — isa sa mga karaniwang unang senyales ng posibleng pagbubuntis.

Gayunpaman, maraming ibang posibleng sanhi ng spotting at konting pagdurugo; hindi agad ibig sabihin na ika’y buntis dahil lang nakakaranas rin ng sintomas ng pagbubuntis. Magpregnancy test na kung hindi pa rin dinadatnan ng regla sa loob ng ilang araw.

Hindi ako niregla pero hindi ako nakakaramdam ng anumang sintomas ng pagbubuntis. Posible pa rin bang buntis ako?

May ilang babae na hindi nakakaranas ng mga sintomas sa mga unang linggo ng pagbubuntis. Basta hindi niregla at sa palagay mo may posibilidad na buntis ka, mainam na magpregnancy test. Muli, maraming posibleng sanhi kung bakit hindi ka dinatnan ng regla.

Mga pinagmulan:

https://www.healthline.com/health/pregnancy/negative-pregnancy-test-but-feel-pregnant

https://www.verywellfamily.com/why-do-i-feel-pregnant-when-im-not-1959989

https://wehavekids.com/having-baby/Why-Am-I-Having-Pregnancy-Symptoms-But-a-Negative-Test

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon