fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Ano Ang Mararanasan Mo Kung Ikaw Ay Buntis?

pregnancy, family planning, reproductive health, pregnancy

Sumasagi ba sa isip mo na baka buntis ka? Ang tanging paraan upang makasigurado ka ay sa pamamagitan ng pagkuha ng pregnancy test. Ngunit may mga maagang sintomas ang pagbubuntis na nagsisilbing palatandaan.

Ang lahat ba ng babae ay nagkakaroon ng maagang mga sintomas ng pagbubuntis?

Ang bawat babae ay naiiba. Hindi lahat ng babae ay may parehong mga sintomas o parehong sintomas mula sa isang pagbubuntis hanggang sa susunod. Gayundin, dahil ang mga unang sintomas ng pagbubuntis ay madalas na natutulad sa nararanasan mo bago at habang ikaw ay may regla, at dahil maaari rin itong idulot ng mga hindi nauugnay na mga bagay, maaaring hindi mo mamalayan na buntis ka.

Narito ang ilan sa mga pinaka-karaniwang maagang sintomas ng pagbubuntis kada linggo. Mabuti ring kilalanin ang siklo ng regla (menstrual cycle) muna para mas madaling matansya ang pagbilang ng bawat linggo.

This image has an empty alt attribute; its file name is 5bf5e76497090f6e14cd03697b8c3859
Image: https://www.kidspot.com.au/birth/pregnancy/signs-and-symptoms/first-symptoms-of-pregnancy-what-happens-right-away/news-story/2683c7eed8bb3fe71f95599078bddea5

Unang Linggo

Hindi ka pa naman talaga buntis sa unang linggo. Mararanasan mo ang karaniwang sintomas ng premenstrual syndrome (PMS) tulad ng pananakit ng puson, pamamaga ng mga dibdib, at iba pa.

Ikalawang Linggo

Nag-o-ovulate ka sa pangalawang linggo ng iyong siklo ng regla. Sa panahon na ‘to, ang iyong obaryo ay nagpapakawala ng isang selulang itlog na maglalakbay sa fallopian tube, kung saan maghihintay ito para mapertilisa ng esperma.

Pamamaga ng dibdib at madulas na vaginal discharge (na hawig ng puti ng itlog) ay karaniwang senyales ng obulasyon.

Ikatlong Linggo

Kung matagumpay na napertilisa ng esperma ang selulang itlog, dadaloy ito papunta sa matres at didikit sa uterine lining (endometrium). Ito ay maaaring magsanhi sa pinaka-unang senyales ng pagbubuntis — spotting at, minsan, pananakit ng puson.

Pagdurugo

Tandaan na HINDI lahat ng babae ay mararanasan ang mga maaagang senyales ng pagbubuntis.

Ang kaunting pagdurugo na nararanasan 6 hanggang 12 araw pagkatapos ng konsepsyon — kung kailan nagsama na ang selulang itlog at esperma — ay tinatawag na “implantation bleeding.” Karaniwang nangyayari rin ito sa panahon na kadalasang inaasahan mong datnan ka ng regla.

Mas magaan at maikli ang implantation bleeding kumpara sa karaniwang regla. Isa o dalawang araw lang nagtatagal ang implantation bleeding at maaaring samahan ng kaunting pananakit ng puson, pero hindi kasing lala tulad ng nireregla ka. HINDI LAHAT ng babae ay mararanasan ito.

Pananakit ng puson

Ang pananakit ng puson na nararanasan sa pagbubuntis ay kahawig ng nararanasan kapag may regla, kaya may mga babae na napagkakamalan ito at ang pagdurugo na simula ng kanilang regla. Pero hindi kasing tindi o sakit ang pagdurugo at pananakit ng puson.

Bukod sa pagdurugo, maaaring mapansin rin ang puti, mala-gatas na vaginal discharge mula sa puwerta. Ito ay nauugnay sa pagkapal ng uterine lining, na nagsisimula kaagad pagkatapos na mapertilisa ang selulang itlog. Ang pagdami ng mga selyula sa uterine lining ay nagiging sanhi ng paglabas ng maputing discharge. Ang discharge na ito, na maaaring magpatuloy sa kabuuan ng pagbubuntis, ay hindi mapanganib at hindi nangangailangan ng paggamot. Ngunit kung mayroong masamang amoy na kasabay ng paglabas o mahapdi at makating sensasyon, sabihin sa iyong doktor upang masuri nila kung mayroon kang yeast o bacterial infection.

Ikaapat na Linggo

Kung higit isang linggo na ang lumipas mula sa karaniwang araw na dinadatnan ka ng regla, oras na para mag-pregnancy test.

Hindi dinatnan ng regla

Ang pinaka karaniwang at unang sintomas ng pagbubuntis — na naghihikayat na rin sa mga babae para mag-pregnancy test — ay hindi datnan ng regla. Ngunit hindi palaging pagbubuntis ang dahilan ng hindi datnan ng regla. At saka, may ibang babae na nakakaranas ng kaunting pagdurugo habang buntis. Kung ika’y kumpirmadong buntis, tanuning mo sa iyong doktor kung ano ang kailangan mong bantayan sa pagdurugo. Halimbawa, kailan ito normal at kailan ka dapat mabahala?

Pagbabago ng dibdib

Ang mga pagbabago sa dibdib ay isa pang maagang tanda ng pagbubuntis. Ang mga antas ng hormon ng isang babae ay mabilis na nagbabago pagkatapos mapertilisa ang selulang itlog. Dahil sa mga pagbabago, ang mga dibdib ay maaaring mamaga, manakit, o mangilo. O maaari itong bumigat o lumaki. Ang parte sa paligid ng mga utong, na tinatawag na areola, ay maaari ring mangitim.

May iba pang mga bagay na maaaring maging sanhi ng mga pagbabago sa dibdib. Ngunit kung ang mga pagbabago ay maagang sintomas ng pagbubuntis, tandaan na aabutin ng ilang linggo upang masanay sa mga pagbabago sa iyong mga hormon. Mawawala o gagaan rin ang pananakit kalaunan.

Ikalimang Linggo

‘Yung pagtaas ng antas ng mga hormon ay magsasanhi ng mga mood swing sa panahon na ‘to. Maliban pa dun, maaaring maranasan mo na rin ang iba pang sintomas tulad ng pagkapagod at tila palaging busog ang tiyan.

Pagkapagod o panghihina

Ang pakiramdam na sobrang pagod ay normal sa pagbubuntis. Ang isang babae ay maaaring magsimulang makaramdam ng hindi pangkaraniwang pagod isang linggo pagkatapos mapertilisa ang selulang itlog. Bakit? Madalas itong nauugnay sa mataas na antas ng hormon na tinatawag na progesterone, kahit na ang iba pang mga bagay — tulad ng mas mababang antas ng asukal sa dugo, mas mababang presyon ng dugo, at mas malakas na paggawa ng dugo — ay lahat maaaring maka-apekto. Kung ang pagkapagod ay nauugnay sa pagbubuntis, mahalaga na makakuha ng maraming pahinga. Ang pagkain ng mga pagkaing mayaman sa protina at iron ay makakatulong sa pagkontra sa matinding pagod.

Ikaanim Na Linggo

Sa pang-anim na linggo, dito na nararanasan ng ilang babae ang pinaka pinangangambahang sintomas: morning sickness. Maaari rin itong samahan ng pagbabago sa temperatura ng katawan.

Pagduduwal (morning sickness)

Ang morning sickness ay isang tipikal na sintomas ng pagbubuntis. Ngunit hindi lahat ng buntis ay nararanasan ito o hindi sa bawat pagbubuntis. Walang nakakaalam ng eksaktong sanhi ng morning sickness ngunit ang mga hormon na may kinalaman sa pagbubuntis ay maaaring sanhi ng sintomas na ito. Ang pagduduwal sa panahon ng pagbubuntis ay maaaring mangyari sa anumang oras ng araw bagama’t kadalasan itong nararanasan sa umaga.

Gayundin, ang ilang mga babae ay nanabik, o hindi gusto ang ilang mga pagkain o amoy kapag sila ay buntis. Ito rin ay may kaugnayan sa mga pagbabago sa iyong hormon. Ang epekto ay maaaring maging napakalakas na kahit na ang pag-iisip ng dating paboritong pagkain ay maaaring magpabaliktad ng sikmura ng isang buntis. Posible na ang pagduduwal, pagnanais, at pag-iwas sa ilang mga pagkain ay maaaring tumagal sa kabuuan ng iyong pagbubuntis. Sa kabutihang palad, ang mga sintomas ay nababawasan para sa maraming babae sa ika-13 o ika-14 na linggo ng kanilang pagbubuntis.

Samantala, siguraduhing malusog at masustansya ang diyeta upang makuha mo at ng iyong sanggol ang mga mahahalagang sustansya. Maaari kang makipag-usap sa iyong doktor para sa payo tungkol dito.

Ikapitong Linggo

Madalas na pag-ihi

Habang lumilipas ang mga linggo, lumalaki ng matres para sa lumalaking embryo. Naiipit ang iyong pantog at doble-trabaho ang mga bato para maglabas ng ihi. Mapapadalas kang umihi dahil dito.

Ikawalong Linggo

Sa ikawalong linggo, ramdam mo na siguro ang buong epekto ng mga sintomas ng pagbubuntis.

Iba pang sintomas na maaari mong maranasan ay altapresyon at mas mabilis na pagtibok ng puso. Sa ilang mga kaso, may mga babae na maaaring mapansin na tila mas maraming laway ang nililikha ng kanilang bibig, na maaaring magtagal hanggang dulo ng unang trimester.

Ang pagbabago sa mga hormon kasama ng pag-iwas sa kape, pagdagdag ng stress, at ang dehydration ay maaaring magsanhi ng pananakit ng ulo sa ilang babae.

Ikasiyam Na Linggo

Naaapektuhan rin ang digestive system kapag buntis. Maraming babae ang nakakaranas ng tibi at kabag sa ikasiyam na linggo. May iba rin na nakakaranas ng heartburn. Karamihan sa mga sintomas na ‘to ay mawawala rin pagkatapos ng unang trimester.

Ikasampung Linggo

Gandang ganda sa sarili? May ibang babaeng nakakaranas ng “pregnancy glow” sa unang trimester, habang ang iba ay tinatagihawat dahil sa antas ng mga hormon. Mas nahahalata na rin ang paglaki ng tiyan at dibdib.

Ikalabing-Isang Linggo

Maaaring makaranas ka ng pananakit ng puson dahil sa lumalaking tiyan. Hindi ito komportable, o baka napakasakit na mahirap tiisin.

Normal rin para sa mga buntis na magkaroon ng klarong vaginal discharge (leukorrhea), na nililikha ng katawan para mapanatiling malinis ang sarili.

Ang unang trimester ay nagtatapos sa ikalabing-dalawang linggo. Karamihan sa mga sintomas ay humihina at nawawala pagkadating mo sa pangalawang trimester.

Napaka halaga ng pag-alaga mo sa sarili kapag ika’y buntis. Umiwas sa stress, kumain ng masusustansya, matulog at magpahinga nang mabuti, at umiwas sa kape, alak, at pagsisigarilyo. Importante rin ang inyong mga check-up at pakikipag-ugnay sa doktor para masiguro na malusog kayo ng inyong baby. Huwag kakalimutan ang inyong appointment!

Kung nababahala ka sa mga sintomas na iyong nararanasan o may napansin kang kakaibang sintomas — lalo na kung pagdurugo ito — mainam na ikonsulta na ito kaagad sa doktor.

Mga pinagmulan:

https://americanpregnancy.org/getting-pregnant/early-pregnancy-symptoms/

https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/getting-pregnant/in-depth/symptoms-of-pregnancy/art-20043853

https://www.webmd.com/baby/guide/pregnancy-am-i-pregnant

https://www.parents.com/pregnancy/signs/symptoms/a-pregnancy-symptom-timeline/

https://www.healthline.com/health/pregnancy/early-symptoms-timeline#symptoms-timeline

Please follow and like us:

399 thoughts on “Ano Ang Mararanasan Mo Kung Ikaw Ay Buntis?

  1. Hi, may period ako simula Nov 4 to 7.. pero limang beses na simula nov 8 to nov 16, unprotected sex na lagi kami ng asawa ko. nov 18 ovulation day ko. possible ba na mabuntis na ako? gusto ko sana malaman kung may early signs na ba bago ang sked ng sunod na period. Medyo nahihilo ako, sumasakit konti dibdib, lalo yung nipple at medyo sumasakit puson pero parang noon ko pa naman nararamdaman ito. Salamat

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon