Kahit sinong nireregla ay alam kung gaano kahirap magsaya kapag dinatnan. Isa sa mga paborito nating pagsasaya ay ang pag-inom kasama mga kaibigan, ‘di ba mga siz? Wala namang mali sa pagsasaya at pag-inom, pero sumagi ba sa isip mo kung okay lang ba na uminom habang nireregla? Sasagutin namin iyan at iba pang mga tanong na baka naisip mo rin.
Okay lang bang uminom habang nireregla?
Pwedeng pwede uminom habang nireregla, pero may ilang bagay na kailangan mong malaman. Ang alak ay nakakataas ng mga hormong estrogen at testosterone sa iyong katawan. Kapag nangyari ito, maaaring lumala ang iyong PMS lalo na ang pagbabago-bago sa emsyon (mood swings) at pagkamayamot. Kung balak mong uminom habang may regla, baka gusto mo na ring ihanda ang iyong sarili kung sakaling maging emosyonal ka sa isang bagay na karaniwang binabale wala mo. Alamin ang iyong mga hangganan at gumawa ng mga responsableng desisyon sa pag-inom.
Magugulo ba ng alak ang aking siklo ng regla?
Nakakataas sa estrogen at testosterone sa katawan ang alak, pero sapat ba ito para mawala sa balanse ang mga hormon at magsanhi sa hindi regular na pagregla? Nagsasagawa pa ng mga pananaliksik para makumpirma kung talaga bang nagugulo ng alak ang siklo ng regla. Ngunit, may ilang mga saliksik na nagpapakita ng koneksyon sa pagitan ng pag-inom ng alak at ng paggulo ng siklo, pero kapag palaging maraming alak ang iniinom. Kung katamtaman lamang ang pag-inom mo at hindi madalas, marahil hindi maaapektuhan ang iyong siklo ng regla.
Mawawala ba ang pananakit ng puson ko kapag uminom ako?
Siguro narinig mo na sa iyong barkada na nakakamanhid daw ang alak kapag masakit ang puson — sa katunayan salungat ito sa katotohanan. Ang alak ay diuretic, ibig sabihin nakaka-dehydrate ito. Pagkatapos ng inyong inuman, malamang dehydrated ka at mas malala ang pananakit ng puson mo pagkagising. Hindi masayang kombinasyon ang hangover at masakit na puson.
Inirerekumendang uminom ng mas maraming tubig kapag nireregla. Kung well-hydrated ka, ang iyong puson at matris ay hindi masyadong pupulikatin. Siguruhin na marami ka ring iinuming tubig kung iinom ka ng alak.
Nakakalakas ba ng regla ang alak?
Dahil nga nakaka-dehydrate ang alak, posibleng iyon ang dahilan bakit akala mo mas malakas ang regla mo kapag uminom. Kapag dehydrated ka, mas malapot at mas nahihirapan lumabas ng katawan ang iyong regla.
Iba-iba ang katawan ng bawat babae. Ikaw ang mas nakakakilala sa iyong katawan, kaya gumawa ng mabubuting desisyon para sa sarili. Ugaliing uminom ng maraming tubig kung makikipag-inuman ka. Isaisip ang iyong pag-iinom kapag nireregla ka o kapag sinusubukan mong mabuntis — drink responsibly mga siz!
Mga pinagmulan:
https://flo.health/menstrual-cycle/health/period/alcohol-and-period
https://helloclue.com/articles/cycle-a-z/alcohol-cycle