fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Ano ang Dapat Gawin kapag Nabutas ang Condom?

Ang mga condom ay sumasailalim sa mahigpit na pagsusuri at pagsigurado ng kanilang kalidad upang makasigurong magsilbi ang mga ito sa kanilang layunin, ang pagpigil sa mga hindi inaasahang pagbubuntis at proteksyon sa sexually transmitted infections (STIs).

Kahit sobrang bihira, maaari pa ring mabutas ang condom. Isa sa mga maraming dahilan nito ay ang maling paggamit at maling pagtatabi, tulad ng paglalagay nito sa wallet.

Ano nga ba ang dapat gawin ng mga lalaki kung napansin nilang may butas ang condom na ginagamit nila sa kalagitnaan ng mainit na aksyon?

Una: Itigil ang pakikipagtalik at suriin ang sitwasyon

Kung napansin na nabutas ang ginagamit na condom habang nakikipagtalik, agad na huminto at alisin ang ari mula sa ari ng iyong kapareha.

Tignan kung may nailabas na semilya. Kung wala, maaaring magpalit lang ng bagong condom at ituloy ang inyong ginagawa. Kung mayroon naman, tuluyang huminto at hugasan ang inyong ari at katawan upang maalis ang natitirang semilya.

May posibilidad din na ang ilang mga sperm ay humalo sa pre-cum (ang puti/malinaw na likido na inilalabas ng ari ng lalaki upang makapagpadulas). Kahit na mababa ang tsansa, maaari pa rin itong makapagdulot ng pagbubuntis.

Pangalawa: Kausapin ang iyong kapareha tungkol sa emerhensiyang kontrasepsyon

Kung ikaw ay nag-aalala tungkol sa pagbubuntis ng iyong kapareha pagkatapos malaman na nabutas ang ginagamit na condom habang nakikipagtalik, maaaring mag-usap kayo tungkol sa emerhensiyang kontrasepsiyon.

Ang Yuzpe Method ay ang pag-inom ng babae ng apat (4) na combined oral contraceptive pills sa pinakamaagang oras pagkatapos makipagtalik, at pag-inom ulit nito pagkatapos ng 12 oras. Epektibo pa rin ito hanggang 72 oras makalipas ang pagtatalik. Kumonsulta kayong magkapareha sa inyong healthcare provider o doktor tungkol sa paraang ito.

Maaari ring basahin ito upang matutunan ng higit pa ang paraan na ito: https://doitright.ph/tl/emerhensyang-kontrasepsyon/

Pangatlo: Magpa-test para sa STIs

Kung ikaw ay isang lalaki na aktibo sa sekswal na gawain kasama ang iba’t ibang kapareha, mabuting magpasuri ka para sa sexually transmitted infections (STI), lalo na kung hindi mo alam ang kanilang sekswal na nakaraan.

Kahit na hindi naman kinakailangan ito ng mga lalaking nasa monogamyang relasyon, mainam pa rin na magpasuri sila at ng kapareha nila para sa sexually transmitted infections (STIs).

Maraming mga magkakarelasyon ang hindi alam na may STI na sila dahil marami rito ang hindi nagpapakita ng sintomas kapag maaga pa. Kung makikita agad ang impeksyon at magamot agad ito, maaaring maiwasan ang mga seryosong problema.

Pang-apat: Para maiwasan sa hinaharap

Kahit na walang siguradong paraan upang mawala ang kaba sa pagkabutas ng condom, may ilang mga paraan upang mabawasan ang tsansa nito. Ito ang ilan sa kanila:

  • Iwasang gumamit ng matatalas na bagay sa pagbubukas ng condom (gunting, ngipin, atbp.)
  • Tingnan ang expiration date
  • Huwag itabi sa wallet, sa mga kwartong maaaring maging sobrang init o sobrang lamig, o sa direktang sikat ng araw.
  • Huwag gumamit ng pampadulas na gawa sa langis (oil-based)

Maaari mo ring malaman ang ilan sa mga dahilan kung bakit nasisira ang condom dito. Maaari mo ring malaman ang tamang paggamit nito.

Pinagmulan:

https://kidshealth.org/en/teens/breakage.html

https://www.healthline.com/health/healthy-sex/condom-broke

https://www.healthline.com/health/healthy-sex/can-you-get-pregnant-from-precum#does-pre–cum-have-sperm?

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon