Ang pagpaplano ng pamilya ay responsibilidad ng lahat ng mag-asawa; at hindi ito responsibilidad na dapat akuin ng babae ng mag-isa. Bilang lalaki ng pamilya, mayroon kang mga pagpipilian upang gampanan ang iyong papel sa pagpaplano ng iyong sariling pamilya: condom o ‘pagpapatali’ (vasectomy). Pag-usapan natin ang tungkol sa ‘pagpapatali’.
Ano ang ‘pagpapatali’?
Ang ‘pagpapatali’ o vasectomy ay isang simpleng operasyon na karaniwang tumatagal ng mas mababa sa 30 minuto. Ang salitang “vasectomy” ay nagmula sa pangalang vas deferens, ang maliit na tubo na nagdadala ng sperm cells mula sa epididymis patungo sa ejaculatory ducts. Sa pagsasagawa ng vasectomy, ang mga tubong ito ay pinuputol o hinaharangan, upang ang sperm cells ay hindi makapaglakbay mula sa epididymis palabas ng iyong katawan at upang maiwasan ang pagsasanib ng sperm cells at ng itlog.
Ang vasectomy ay isang permanenteng operasyon. Ang mga pagtatangka na ibalik sa dating anyo ang mga nasira o selyadong vas deferens ay madalas na hindi matagumpay o may mga komplikasyon. Dapat ka lamang sumailalalim sa isang vasectomy kung ikaw ay 100% sigurado na hindi mo nais na magkaroon pa ng anak at hindi mababago ang iyong isip kahit anuman ang mangyari sa hinaharap.
Paano ito isinasagawa?
Ang vasectomy ay karaniwang ginagawa sa isa sa dalawang paraan: ang isa ay nangangailangan ng paghiwa at ang isa naman ay walang hiwa (no-scalpel or no-cut).
Incision vasectomy (may hiwa)
Gumagawa ang doktor ng isa o dalawang maliit na hiwa sa balat ng iyong bayag. Sa pamamagitan ng hiwang ito, ang vas deferens ay hinaharangan o nilalagyan ng bara. Minsan, ang maliit na bahagi ng bawat tubo ay tinatanggal. Ang mga tubo ay maaaring itali, harangan sa pamamagitan ng surgical clips, o isara o sunugin gamit ang kuryente (ito ay tinatawag na pag-cauterize), at pagkatapos ang hiwa ay tinatahi. Ang buong pamamaraan ay tumatagal ng mga 20 minuto.
No-Scalpel vasectomy (walang hiwa)
Gumagawa ang doktor ng isang maliit na butas upang maabot ang parehong mga tubo ng vas deferens — ang balat ng iyong bayag (scrotum) ay hindi hinihiwa gamit ang scalpel. Pagkatapos ay tinatalian, sinusunog, o hinaharangan. Ang maliit na butas ay mabilis gumaling. Hindi mo na kailangan ng tahi, at walang pagpipilat.
Ang no-scalpel vasectomy ay may kaunting pagdurugo at binabawasan ang panganib ng impeksyon at iba pang mga komplikasyon.
Paano gumagana ang vasectomy?
Ang iyong semilya ay ginagawa sa seminiferous tubules ng iyong bayag. Pagkatapos ay naglalakbay sila sa epididymis at nananatili dito ng ilang linggo bago lumipat sa vas deferens. Sa tuwing ang lalaki nagkakaroon ng sekswal na arawsal, ang sperm cells ay humahalo sa semilya – isang maputing likido na ginagawa sa seminal vesicles at prostate gland – upang makabuo ng tamod.
Bilang resulta ng pagpapasigla, ang tamod, na naglalaman ng hanggang sa 500 milyong semilya, ay itinutulak palabas ng ari sa pamamagitan ng yuritra. Ang sperm cell sa iyong tamod ay maaaring maging sanhi ng pagbubuntis kung ito ay makapasok sa ari ng babae at magbinhi sa itlog.
Ang sperm cells ay nananatili sa iyong bayag at sinisipsip ng iyong katawan. Tatlong buwan matapos ang isang vasectomy, ang iyong tamod (cum) ay hindi na maglalaman ng anumang semilya, kaya hindi ito magdudulot ng pagbubuntis. Ngunit magkakaroon ka parin ng parehong dami ng tamod na tulad ng dati. Bagama’t wala itong semilya.
Gaano ka-epektibo ang vasectomy?
Halos 100% epektibo ito. Sa napakabihirang mga kaso kung saan maaaring magdikit muli ang mga tubo, maaaring magkaroon ng pagbubuntis.
Tandaan na ang sperm cells ay maaari pa ring lumabas sa ari sa loob ng unang tatlong buwan pagkatapos ng isang vasectomy. Siguraduhing magpasuri kung naging matagumpay ang iyong vasectomy, upang malaman mo kung kailan ka maaaring tumigil sa paggamit ng ibang kontraseptibo.
Mga karaniwang tanong tungkol sa vasectomy
Saan ako maaaring magpa-opera para sa vasectomy?
Maaari kang sumailalim sa vasectomy nang libre o may maliit na donasyon. Ang No-Scalpel Vasectomy International, Inc. (NSVI) ay nagsasagawa ng LIBRENG vasectomy para sa mga lalaking hindi abot-kaya ang gastos para dito. Gayundin, sakop ng benefit package ng PhilHealth ang mga gastusin para sa vasectomy kung ikaw ay isang miyembro o isang dependent.
Maaari ka ring magpagawa ng vasectomy sa mga pribadong klinika o ospital para sa mas mataas na presyo.
Magkakaroon pa rin ba ako ng orgasmo at bulalas (ejaculation) pagkatapos ng isang vasectomy?
Hindi nakakaapekto ang vasectomy sa paraan ng pagkakaroon ng orgasmo o bulalas. Ang iyong tamod ay magiging tulad pa rin ng dati sa hitsura, amoy, at lasa pagkatapos ng vasectomy, bagama’t wala na itong kakayahang makabuntis.
Kung nagkaroon ka ng vasectomy, tanging ang suplay ng sperm cells ang naputol, na 2-5% ng iyong tamod. Hindi lahat ng tamod ay gawa sa sperm cells; 70% nito ay semilya at ang natitira ay gawa sa likido mula sa prostate — lahat ng ito ay maaari pa ring magawa at maibulalas kahit na pagkatapos ng isang vasectomy.
Masakit ba ito?
Ang pasyente ay bibigyan ng isang lokal na pampamanhid upang hindi makaramdam ng sakit ang bayag. Ang operasyon ay napakabilis, at maaari kang umuwi sa parehong araw.
Maapektuhan ba nito ang aking libido?
Hindi. Matapos ang isang matagumpay na vasectomy, ang iyong mga bayag ay magpapatuloy sa paggawa ng panlalaking hormon na testosterone tulad ng kung paano ito ginagawa bago ang operasyon.
Ang iyong libido, sensasyon, at kakayahan na magkaroon ng pagtigas ng ari ay hindi maaapektuhan. Ang pagkakaiba lang ay walang semilya sa iyong tamod.
Maiipon ba ang aking semilya at magiging sanhi ng upang pumutok ang aking bayag?
Pagkatapos ng vasectomy, ang iyong katawan ay patuloy na gumagawa ng semilya. Ngunit ito ay hindi naiipon — sinisipsip lang ito ng katawan.
May mga tao na maaaring pansamantalang magkaroon ng sperm granuloma dahil sa reaksyon sa proseso ng pagsipsip, ngunit ito ay karaniwang nawawala sa loob ng 2-4 na linggo at maaaring magamot gamit ang anti-inflammatory na pangpawala ng sakit tulad ng ibuprofen.
Ang vasectomy ba ay maaaring makaapekto sa aking emosyon?
Ang vasectomy ay permanente. Bago ka magpasya na magkaroon ng operasyon, makipag-usap sa iyong kapareha upang magkaroon ka ng higit na kalinawan. Kung sigurado ka tungkol sa iyong pagpapasya, hindi mo na kailangang mag-isip tungkol sa kontrasepsiyon at ang posibilidad ng pagbubuntis.
Ngunit kung ikaw ay nababalisa o hindi komportable tungkol sa operasyon, o sa palagay mo ay mahihirapan kang tanggapin ang kawalan ng kakayahang makabuntis, maaaring hindi ito angkop para sa iyo.
Talakayin ang iyong mga pagpipilian kasama ang iyong doktor. Ang opinyon ng isang propesyonal ay madalas na nakakatanggal ng mga alalahanin ng ilang tao.
Mga Pinagmulan: https://www.webmd.com/sex/birth-control/vasectomy-overview#1
https://www.nhs.uk/conditions/contraception/vasectomy-male-sterilisation/
https://news.abs-cbn.com/life/01/17/17/private-nights-5-myths-about-vasectomy
Kailangan pa ba ng consent ng asawa/partner para makapagpa vasectomy ang isang lalaking may asawa na?
Magandang araw Ferdinand! Upang makakuha ng vasectomy, hindi naman kinakailangan ng consent ng iyong asawa o partner. Ngunit, mas mainam na pag-usapan niyo muna ito ng maigi dahil ang family planning ay mabigat na responsibilidad ninyong mag-asawa o mag-partner.