ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Pamamaraan Ng Pagsubaybay Sa Pagkamayabong

fertility awareness method, cervical mucus method, basal body temperature method, standard days method, family planning, reproductive health

Sa Isang Tingin:

  • Ang pagsubaybay sa pagkamayabong ay nakasalalay sa pang-araw-araw na pagsubaybay sa siklo ng regla upang matukoy kung kailan ang isang babae ay mababa, at mataas ang tsansa na mabuntis.
  • Kinakailangan ang kooperasyon ng kasosyo.
  • Ang pamamaraan ng pagsubaybay sa pagkamayabong ay mura at walang hormon.
  • Kapag perpektong paggamit: 95-99 porsyentong epektibo; may tipikal na paggamit: 76-88 porsyentong epektibo, depende sa paraan na ginamit.
  • Walang proteksyon laban sa mga STI (sexually transmitted infection).
  • Walang mga epekto.

Ano Ito

Ang mga paraan na nakatuon sa pagkamayabong—o natural na pagpaplano ng pamilya—ay tungkol sa pagsubaybay sa iyong siklo ng regla upang matukoy ang mga araw na maaari kang mabuntis. Ang nakakalito na bahagi ay pagtukoy kung kailan ang mga araw na iyon. Sa pamamagitan ng pagsubaybay kung kailan ka mag-oovulate (kapag ang isang selulang itlog ay pinakawalan ng obaryo), maaaring maiwasan mo ang pagbubuntis. Mayroong iba’t ibang mga paraan upang gawin ito, ang ilan ay mas madali kaysa sa iba. Gayunpaman, ang mga paraan ng pagsubaybay sa pagkamayabong ay nangangailangan ng oras at pagsusumikap na mapapanindigan. Kailangan mong magbigay ng napakaraming pansin sa iyong katawan at mga pattern nito. Mayroong iba’t ibang mga uri ng mga paraan na maaari mong gawin, at ang ilan ay nakalista dito.

Paano Ito Gumagana

Ang mga paraan ng pagsubaybay sa pagkamayabong ay gumagana sa pamamagitan ng pag-iiwas mapasukan ng semilya ang ari ng babae sa mga araw na malapit sa obulasyon, kapag ang isang babae ay pinakamayabong (malamang na mabubuntis).

Upang maiwasan ang pagbubuntis, ang mga babae ay maaaring umiwas sa vaginal sex sa kanilang mga mayabong na araw, gumamit ng isang pang paraan ng kontraseptibo tulad ng condom, o maaaring matamasa ang iba pang mga uri ng aktibidad na sekswal sa halip na vaginal sex.

Upang malaman kung ikaw ay malamang na mabuntis, kailangan mong maging pamilyar sa iyong siklo ng regla. Bago magsimula ang pagbubuntis, ang selulang itlog ng babae ay dapat sumanib sa semilya ng lalaki. Ito ay tinatawag na pertilisasyon. Para sa isang malusog na babae, may mga araw na maaaring mangyari ang pertilisasyon, at may mga araw kung kailan hindi ito mangyayari. May mga ilang araw rin kung kailan ito ay malamang na hindi mangyayari—ngunit posible pa rin. Upang mabuntis, ang isang babae ay mag-vaginal sex nang walang proteksyon sa panahon ng mga araw na posible para sa selulang itlog at semilya na magtagpo. Tinatawag ang mga araw na iyon ang iyong mga mayabong na araw.

Ang mga mayabong na araw ng babae ay depende sa haba ng buhay ng selulang itlog at ng semilya. Ang selulang itlog ng isang babae ay nabubuhay nang halos isang araw pagkatapos ng obulasyon. Ang semilya ay maaaring mabuhay sa loob ng katawan ng isang babae hanggang sa pitong araw.

Ang isang babae ay may pitong mayabong na araw sa bawat siklo ng pagregla. Kabilang dito ang limang araw bago ang obulasyon, ang araw ng obulasyon at, ang araw o dalawang araw pagkatapos ng obulasyon—kahit na ang concepcion ay mas malamang na mangyari pagkatapos.

Ang pag-alam kailan ang iyong mga mayabong na araw ay makakatulong sa iyo upang maiwasan o masiguro ang isang pagbubuntis. Ang susi ay ang pag-alam kailan ang obulasyon mo, na magsasabi kung kailan ka mayabong. Pagkatapos ay maaari mong subaybayan ang iyong pattern ng pagkamayabong—ang mga araw ng buwan kailan ka mayabong at ang mga araw ng buwan kailan ikaw ay hindi. Kailangan mong gawin ito nang maingat. Hindi lahat ng babae ay pareho ng pattern ng pagkamayabong. Habang ang karamihan sa mga babae ay may mga siklo na may haba sa pagitan ng 26-32 araw, ang ilang mga babae ay maaaring magkaroon ng mas maikli o mas mahaba na mga siklo. Ang ilang mga babae ay may iba’t ibang mga pattern mula sa isang buwan hanggang sa susunod.

Paano Gamitin Ito

Mayroong iba’t ibang mga paraan ng pagsubaybay sa pagkamayabong na magagamit. Gayunpaman, mas madaling sundin ang mga paraan ng pagsubaybay sa pagkamayabong kung ang mga babae ay may siklo sa pagitan ng 26-32 araw. Iyon ay nangangahulugan na ang mga siklo ay regular, at siya ay rereglahin tuwing 26-32 araw. Nasa ibaba ang ilan sa mga pinakakaraniwang at pinakamadaling paraan na magagamit sa Pilipinas.

Pamamaraan Ng Pagobserba Sa Uhog Ng Serviks

Ang mga hormon na nagkokontrol sa iyong siklo ay hinihimok ang serviks na gumawa ng uhog. Nagtitipon ito sa serviks at sa ari, at nagbabago sa kalidad at dami bago, lalo na sa panahon ng obulasyon. Tinutukoy ng pamamaraang ito ang mga ligtas na araw na makipagtalik batay sa uri ng uhog na mayroon ka.

  1. Ang unang araw ng iyong pagregla ay ang simula ng iyong siklo. Sa panahon ng pagregla, ang iyong daloy ay sumasaklaw sa mga palatandaan ng uhog. Pagkatapos ng pagregla, karaniwang ilang araw ang walang uhog. Ang tawag dito ay mga “tuyong araw.” Ang mga araw na ito ay maaaring ligtas makipagtalik kung mahaba ang ikot ng iyong siklo.
  2. Kapag ang isang selulang itlog ay nagsisimula nang mahinog, mas maraming uhog ang nagagawa. Lumilitaw ito sa pagbubukas ng ari. Ito ay karaniwang dilaw o puti at maulap ang itsura, at malagkit at malagoma ang pakiramdam nito. Sa mga araw na ito ay hindi ligtas makipagtalik.
  3. Karaniwan, magkakaroon ka ng araw na pinakamarami ang uhog bago ang obulasyon. Mukhang malinaw, at madulas ang pakiramdam (tulad ng puti ng itlog), at maaaring maabot sa pagitan ng iyong mga daliri. Ito ang mga “madulas na araw.” Dito pinakahitik ang iyong pagkamayabong, kung kailan ikaw ay malamang na mabuntis.
  4. Matapos ang halos apat na madulas na araw, maaaring kakaunti lang ang uhog. Ito ay magiging maulap at malagoma muli. Pagkatapos ay maaari kang magkaroon ng ilang higit na mga tuyong araw bago mag simula ang iyong regla. Ang mga ito ay ligtas na mga araw, na nangangahulugang mas malamang na hindi ka mabubuntis. Sa pamamaraang ito, kailangan mong suriin ang iyong uhog at markahan ang kalendaryo araw-araw. Itala ang iyong mga araw ng pagregla, mga tuyong araw, mga malagomang araw, maulap na araw, mga basang araw, at mga madulas na araw. Ang iyong uhog ay maaaring maiba ang pakiramdam sa pagitan ng mga panahon na iyon.

Maaari mong suriin ang iyong uhog sa maraming paraan. Gawin kung ano ang pinaka komportable para sa iyo. Pinakamabuting suriin nang maraming beses sa isang araw. Gamitin ang alinman sa mga sumusunod na pamamaraan upang suriin ang iyong uhog.

  • Punasan gamit ang tisyu ang pagbubukas ng ari bago ka umihi. Suriin ang kulay at pakiramdam ng uhog.
  • Suriin ang kulay at pakiramdam ng nailabas na uhog sa iyong panty.
  • Ilagay ang mga malinis na daliri sa loob ng ari at suriin ang kulay at pakiramdam ng uhog sa kanila.

Ang paraang ito ay hindi inirerekumenda sa mga babae na hindi naglilikha ng maraming uhog.

Paraan Ng Mga Pamantayang Araw

Ang paraan ng mga pamantayang araw ay isang uri ng paraan ng pag-kalendaryo. Ito ay isang paraan upang masubaybayan ang iyong siklo. Maaaring mas madaling gamitin ito kaysa sa ibang mga paraan. Maaari mo lamang itong gamitin kung:

  • Regular ang siklo ng pagregla.
  • Ang iyong siklo ay hindi mas maikli sa 26 na araw.
  • Ang iyong siklo ay hindi mas mahaba sa 32 araw.
  • Hindi ka magkakaroon ng vaginal sex nang walang proteksyon mula sa ika-walong araw hanggang ika-19 na araw ng bawat siklo.

Upang maiwasan ang pagbubuntis, dapat mong maiwasan ang pakikipagtalik, o gumamit ng condom sa mga araw 8-19 (tandaan, ang unang araw ng iyong siklo ay ang unang araw ng regla). Kung nais mabuntis, dapat mong subukan na makipagtalik sa pagitan ng ika-walong araw at ika-19 na araw, araw-araw man o kada ibang araw. Ang pamamaraan ng pamantayang araw ay pinakamabuti kung ang iyong mga siklo ay regular. Bago ka magsimula gamitin ang pamamaraang ito bilang pagpipigil sa pagbubuntis, mahalagang subaybayan ang iyong siklo sa loob ng hindi bababa sa anim na buwan upang kumpirmahin na ang iyong siklo ay laging na sa pagitan ng 26-32 na araw.

Sa tipikal na paggamit, ang pamamaraang ito ay 88 porsyentong epektibo (humigit-kumulang 12 sa bawat 100 babae na gumagamit ng pamamaraang ito ay nabubuntis sa isang taon).

Paraan Ng Saligang Temperatura Ng Katawan

Ang pamamaraang ito ay nakasalalay sa katunayan na sa panahon ng obulasyon, ang iyong saligang temperatura ng katawan ay bahagyang mas mataas kaysa sa iba pang oras ng buwan. Samakatuwid ito ay tinatawag na paraang ng saligang temperatura ng katawan dahil ito ay batay sa iyong temperatura kapag ikaw ay ganap na sa pahinga.

Kung nais mong gamitin ang paraan ng saligang temperatura ng katawan para maiwasan mabuntis, kumunsulta sa iyong tagapaybigay ng serbisyong pangkalusugan muna kung:

  • Kamakailan ay nanganak ka, o huminto sa pag-inom ng kontraseptibong pildoras o iba pang hormonal na kontraseptibo.
  • Ikaw ay nagpapasusong ina.
  • Ikaw ay papalapit na sa menopos.

Upang gamitin ang paraan ng pagkamayabong ng saligang temperatura ng katawan:

  • Kunin ang iyong saligang temperatura ng katawan tuwing umaga bago bumangon sa kama. Gumamit ng isang digital oral thermometer pangkuha ang saligang temperatura ng katawan para sa pinaka-eksaktong pagbasa. Ang ilang mga babae ay napansin na ang pagkuha ng temperatura sa ari o tumbong ay nagbibigay sa kanila ng mas eksaktong pagbabasa. Gayunpaman, siguraduhin na gagamitin ang iisang paraan lamang tuwing kukunin ang temperatura mo. Siguraduhin rin na nakakakuha ka ng hindi bababa sa tatlong oras na mahimbing na tulog bawat gabi upang matiyak ang eksaktong pagbabasa.
  • Itala ang iyong mga pagbabasa ng temperatura sa papel. Itala ang iyong pang-araw-araw na saligang temperatura ng katawan at maghanap ng pattern na lumabas. Ang iyong saligang temperatura ng katawan ay maaaring tumaas nang bahagya—karaniwang mas mababa sa 0.3 C—pagka-obyula mo. Maaari mong isipin na ang obulasyon ay naganap kapag ang bahagyang mas mataas na temperatura ay nanatili sa susunod na tatlong araw o higit pa.
  • Maingat na magplano ng pagtalik sa mga araw na hindi mayabong. Ikaw ay pinakamayabong sa dalawang araw bago tumaas ang iyong saligang temperatura ng katawan, ngunit ang semilya ay maaaring mabuhay hanggang sa pitong araw sa iyong katawan. Kung ikaw ay umaasa na maiwasan ang pagbubuntis, kailangan iwasan ang pagtalik nang walang proteksyon sa pagsisimula ng iyong regla hanggang tatlo o apat na araw pagkatapos tumaas ang iyong saligang temperatura ng katawan, bawat buwan. Kung ikaw ay nais na mabuntis, ito ang magandang panahon para magtalik.

Sa lahat ng paraan ng pagsubaybay sa pagkamayabong, mahalagang subaybayan ang iyong siklo nang ilang buwan bago gamitin ito bilang paraan maiwasan ang pagbubuntis. Ito ay magpapahintulot sa iyo na maging mas pamilyar sa iyong siklo ng regla, at maaaring dagdagan ang pagiging epektibo ng pamamaraang ito.

Mga Positibo

  • Maaari itong magamit kahit nagpapasuso.
  • Ito ay hindi gumagamit ng hormon.
  • Kung gusto mong mabuntis, makakatulong ito sa iyo na malaman kung anong mga araw dapat kang makipagtalik.
  • Walang mga epekto.
  • Tumutulong sa iyo na matuto nang higit pa tungkol sa iyong katawan at kung paano ito gumagana.
  • Libre ito—maliban sa gastos ng isang digital thermometer.

Mga Negatibo

  • Ang paggamit nito ay nangangailangan ng kasanayan.
  • Nangangailangan ito ng pagsubaybay palagi sa siklo ng regla.
  • Ito ay nangangailangan ng isang napakaregular na pamumuhay.
  • Bukas ito sa mga pagkakamali.
  • Maaari itong makagambala sa pagtatalik.
  • Hindi mapagkakatiwalaan dahil hindi nito isinasaalang-alang ang posibleng mga pagkakaiba-iba ng mga siklo
  • Hindi ka pinoprotektahan laban sa impeksyon sa HIV (AIDS) at iba pang mga STI.
  • Hindi nirerekumendang subukan kung katatapos mo lamang gumamit ng hormonal na kontraseptibo, dahil ang mga hormon ay nakakaapekto sa iyong siklo ng regla (kakailanganin mong gumamit ng iba pang kontraseptibo na walang hormon habang natututo kang subaybayan ang iyong siklo).
  • Nangangailangan ng pag-iwas sa pagtalik (o paggamit ng alternatibong paraan) sa loob ng hindi bababa sa isang linggo, bawat siklo.

Karaniwang Maling Pagkaunawa

  • Hindi ito makakasama sa mga lalaki na umiwas makipagtalik.
  • Hindi nangangailangan ng karunungang bumasa’t sumulat o mataas na antas ng edukasyon upang magamit nang tama at madalas ang pamamaraang ito. Gayunpaman, nangangailangan ito ng oras at sigasig.

Mga pinagmulan:

https://youngwomenshealth.org/

https://www.bedsider.org/methods/fertility_awareness

Please follow and like us:
error

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon