Ang pakikipag-usap tungkol sa kontrasepsiyon ay isang bagay na madalas iwasan ng mga mag-asawa o magkasintahan, ngunit napakahalaga na talakayin ang paksang ito bago makipagtalik.
Maaari mayroon kang matibay na opinyon tungkol sa kung anong paraan ng kotrasepsiyon ang nais mong gamitin, ngunit maaaring iba ang opinyon ng iyong kapareha. Ang pagkakaunawaan pagdating sa isang mahalagang desisyon tulad ng kontrasepsiyon ay isang mahalagang bagay upang maging maayos ang isang relasyon.
Paano mo malalampasan ang iyong hiya pagdating sa paggamit condom? Una sa lahat, makatutulong na malaman kung ano ang hitsura ng condom, kung paano ito ginagamit, at kung ano ang pakiramdam na humawak nito. Bumili ng isang kahon ng condom upang maging pamilyar dito. Hindi mo nais na mailang at mahiya sa hitsura at pakiramdam ng condom sa gitna ng aksyon…
Ang susunod na bagay na dapat komportable ka ay ang pagbubukas ng paksa ng condom sa iyong kapareha. Magsanay ng mga pambukas na linya. Kung sa palagay mo ay tutol ang iyong kapareha, pag-aralan ang maaari mong maging tugon nang mas maaga. Narito ang ilang mga posibilidad:
Sinasabi ng iyong kapareha: “Hindi ito kumportable.”
Maaari mo itong sagutin sa pamamagitan ng pagmumungkahi ng ibang tatak o laki. Ang pagsusuot ng condom ay nangangailangan rin ng pagsasanay.
Sinasabi ng iyong kapareha: “Nakakawalang gana ito.”
Sabihin na ang pagkakaroon ng hindi ligtas na pagtatalik ay mas nakakawalang gana para sa iyo. Ang hindi napapanahong pagbubuntis o sakit ay mas mahirap na usapin.
Sinasabi ng iyong kapareha: “Kung mahal natin ang bawat isa, dapat tayong magtiwala sa bawat isa.” Sabihin mo na dahil mahal ninyo ang isa’t isa nais mong siguraduhin na ligtas at protektado ang bawat isa.
Sinasabi ng iyong kapareha: “Kinakabahan ka ba na mahawahan ng saki?” Ang natural na tugon: “Minsan hindi alam ng mga tao kung mayroon silang impeksyon, kaya mas mahusay na maging ligtas.”
Sinasabi ng iyong kapareha: “Hindi ako masisiyahan sa pagtatalik kung gumagamit tayo ng condom.” Sabihin mong hindi ka masisiyahan sa pagtatalik maliban kung ligtas ito. At bukod dito, ang ilang mga condom ay may kakayahang dagdagan ang kasiyahan sa pagtatalik.
Sinasabi ng iyong kapareha: “Hindi ko alam kung paano ito gamitin.”
Madali ang isang ito: “Magsimula tayong matuto.”
Tamang oras
Matapos mong maging pamilyar sa condom at sanayin ang iyong mga dapat gawin, pumili ng tamang oras upang buksan ang paksa sa iyong kapareha. Ang isang magandang panahon upang gawin ito ay bago ang pakikipagtalik. Kapag nasa kalagitnaan ng aksyon, maaari tayong mapilitang gumawa ng isang bagay na pagsisisihan kalaunan.
Subukang buksan ang paksa sa seryosong paraan. Maaari mong banggitin na bumili ka ng ilang condom at sinuri mo ang mga ito. O imungkahi na bumili ang iyong kapareha ang kanyang paboritong tatak (magdala rin ng condom na gusto mo, upang makatiyak ka). Imungkahi na subukan ang iba’t ibang uri ng condom upang mahanap kung alin ang pinakamahusay para sa inyong dalawa.
Linawin na hindi ka makikipagtalik nang walang condom. Kung may nagbabanta sa iyo o nagsasabing mas gugustuhin nilang makipaghiwalay kaysa magsuot ng condom, oras na para magpaalam ka sa kanila. Sabihin sa taong ito na hindi ka nakikipagtalik sa isang taong hindi ka nirerespeto o ang kanilang sarili upang gumamit ng proteksyon.
Narito ang ilang mga tip para sa paggamit ng condom:
- Suriin ang petsa ng pagkawalang-bisa (maaaring matuyo at masira ang condom kung ito ay luma na). Huwag gumamit ng condom kung tila malutong o malagkit – itapon at kumuha ng isa pa.
- Pumili ng mga condom na gawa sa latex, na sinasabing mas epektibo sa pagpigil sa mga STI. (Kung ang isa sa inyo ay may alerdyi sa latex, gumamit ng condom na gawa sa polyurethane.)
- Kung gumagamit ka ng mga pampadulas, palaging gumamit ng pampadulas na gawa sa tubig. Ang losyon, petroleum jelly, o langis ay maaaring makasira sa condom.
- Buksan ang pakete ng condom gamit ang iyong mga kamay, hindi ang iyong mga ngipin, at buksan ito nang mabuti upang hindi ito mapunit.
- Pumili ng condom na may sisidlan (reservoir) sa dulo upang dito mapunta ang semilya pagkatapos ng bulalas. Bahagyang hilahin ang tuktok ng condom at ilagay ito sa tuktok ng iyong ari (o ng iyong kapareha). Ito ay magtatanggal ng nakulong na hangin, na maaaring maging sanhi ng pagputok ng condom.
- I-rolyo pababa ang condom hanggang sa ganap na maisuot – kung baliktad na nailagay, itapon ito at magsimula sa isang bagong condom.
- Tanggalin kaagad sa ari ang condom pagkatapos ng bulalas, bago lumambot ang ari. Hawakan ang condom sa (puno) base ng ari (ang bahagi na pinakamalapit sa katawan ng lalaki) habang siya ay umaatras upang maiwasan ang pagtapon ng semilya.
- Panatilihin ang tamod sa loob ng condom. Dahil ang mga condom ay maaaring magbara sa banyo, itali ito o ilagay sa isang plastic bag (upang hindi ito maging panganib sa kalusugan ng iba) at itapon ito.
Siyempre, ang pinakamahusay na paraan upang maiwasan ang pagbubuntis at ang mga STI ay ang pag-iwas (hindi pagkakaroon ng pagtatalik). Ngunit kung magpasya kang makipagtalik, ang paggamit ng condom ay makapagbibigay sa iyo ng proteksyon. Ang paggamit ng condom nang tama sa lahat ng oras ay ang pinakamahusay na proteksyon laban sa mga sakit na naipapasa sa pagtatalik (STI).
Pinagmulan: https://kidshealth.org/en/teens/talk-about-condoms.html