fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Ano Ang Pinakamainam Na Edad Para Magbuntis?

best age to get pregnant

Sa katotohanan, ang mga babae ay puwede nang mabuntis habang sila’y nagdadalaga kapag nag-umpisa na sila reglahin, hanggang sa maabot nila ang menopos. Ang mga reproduktibong taon ng mga babae ay karaniwang mula sa edad na 12 hanggang 51.

Salamat sa mga kontrasepsyon, mas may kontrol na ang mga magkapartner kung gusto ba nila ng anak, kailan sila magkakaanak at ilan ang gusto nila.

Kung tatanungin mo ang mga tao kung ano ang “pinakamainam” na edad para mabuntis, iba’t ibang sagot ang iyong matatanggap. Ayon sa mga eksperto, ang mainam na panahon para magbuntis ay sa loob ng iyong late 20s hanggang early 30s.

Personal na kagustuhan at desisyon kung kailan mo nais mabuntis, pero may ilang bagay na dapat ring pag-isipan.

Wala mang isang tangina “pinakamainamn” na edad para magbuntis, pero kailangan mo rin isaisip ang iyong edad. Natural na bumababa ang iyong kakayahan mabuntis habang ika’y tumatanda. Wala namang mali o masama sa paghihintay nang ilang taon bago mag-umpisa ng pamilya, pero baka mahirapan o magkaroon ng kaunting komplikasyon dahil sa edad.

Paano nakakaapekto ang edad sa kakayahan mabuntis?

Ang mga babae ay pinanganak nang may halos 2 milyong selulang itlog, walang labis walang kulang. Isang selulang itlog ang nagagamit kada isang siklo ng regla, na nangyayari buwan-buwan. Habang tumatanda, ang dami at kalidad ng itong mga selulang itlog ay dahan-dahan bumababa. Tumataas rin ang panganib na magkaroon ng mga kondisyong nakakaapekto sa iyong kakayahan mabuntis habang ika’y tumatanda.

Maliban sa edad, ang paninigarilyo, mga paggamot sa kanser (tulad ng radiation at chemotherapy), at pelvic infection ay pwede ring makababa sa iyong tsansa na mabuntis.

Ang edad rin ba nakakaapekto sa kakayahan ng lalaki na makabuntis?

Ang edad ay nakakaapekto rin sa kakayahan ng lalaki makabuntis. Bumababa rin ito habang siya’y tumatanda, pero mas matagal itong mangyari, mga sa edad na 40 pataas.

Ang dami ng semilya at ng esperma ay bumababa rin pagkatungtong niya ng 40 taong gulang. Hindi na rin maganda ang daloy ng kanyang mga esperma sa edad na ito.

Mas mataas rin ang posibilidad na may bitbit na mga abnormalidad ang kanyang mga esperma, kumpara sa esperma ng mas batang lalaki.

Mas matagal ring mabubuntis ang babae kung ang lalaki ay may edad na, at mas mataas ang tsansa na makunan ang babae, anuman ang kanyang edad.

Puwede pa ring makabuntis at maging tatay ang mga lalaking higit sa 40 taong gulang, pero baka mas mahirap ito kaysa kung mas bata-bata pa siya.

Ano ang mga benepisyo ng pagbubuntis sa iba’t ibang edad?

Sa iyong 20s

Napakataas ng kakayahan at tsansa na mabuntis ng mga babae sa kanilang mga 20s.

Sa dekadang ito ang may pinakamarami kang selulang itlog na maganda ang kalidad. Maliban pa doon, napakababa rin ng tsansa makaranas ng mga panganib ng pagbubuntis.

Madaling mabuntis at maging buntis sa edad na ito. Maganda pa ang kondisyon ng iyong katawan bilang nasa gulang na, kaya mas madali para sa iyo buhatin ang dagdag na bigat sa iyong katawan.

Sa pisikal na asepto, ang iyong 20s ay baka ang pinakamainam na oras na magbuntis, pero baka hindi naman masyadong mainam para sa ibang aspeto ng iyong buhay.

Sa ganitong edad, sigurado naguumpisa ka pa lang sa iyong trabaho at kasal. Ang pagbubuntis at pagiging ina ay nangangailangan ng iyong oras at responsibilidad. Baka mawalan ka ng oras para matupad ang sarili mong mga hangad, gaya ng pag-unlad sa trabaho at oras para sa inyong dalawa lamang ng iyong partner.

Mahalaga rin isaisip ang iyong trabaho, pagiging handa na ba, mga hangad bilang indibidwal, mga pangarap niyo bilang magka-partner, at lalong lalo na kung kakayanin niyo ba ang mga gastusin. Malaking desisyon ito, kaya isipin nang mabuti. Huwag ipepresyur ang sarili!

Sa iyong 30s

Sa itong edad pakiramdam mo na siguro na may mga natupad ka nang ilang mga hangad mo. Maaaring nakatulong ito sa pagpaparamdam sa iyo na ikaw ay emosyonal at pinansyal nang handa para sa pagbubuntis at pagiging ina.

Habang nakadanas ka na ng mas maraming karanasan sa buhay at trabaho, may kaunting kawalan rin ito.

Dahan-dahang bumababa ang iyong kakayahan na mabuntis pagkaabot mo sa edad na 32. At lalo pa itong bumababa pagkadating mong 35 taong gulang. Maaari ring mas matagalan nang kaunti mabuntis kahit na maganda ang iyong kalusugan at wala kang kondisyon na nakakaapekto sa iyong kakayahan mabuntis.

Tumataas rin ang tsansa makunan, magkaroon ng mga abnormalidad, at ng mga komplikasyon pagkatapos umabot ng 35 taong gulang.

Hindi naman ibig sabihin kaagad na makakaranas ka ng mga komplikasyon kapag nabuntis ka sa iyong 30s. Siguradong tutulungan ka ng iyong doktor para masigurado na malusog kayo ng iyong sanggol, at maaaring ipasailalim ka sa karagdagang pagsusuri.

Sa iyong 40s

Maaaring maging hindi na regular ang iyong regla sa edad na ‘to bago ka magmenopos. Mas limitado na rin ang selulang itlog na mayroon ka, at hindi na rin kasing ganda ang kalidad kumpara sa noong ika’y nasa iyong 20s.

Sa perspektibong medikal, ang iyong 40s ay maaari ang pinakamahirap na yugto para mabuntis. Posible pa rin para sa karamihan ng babae na magkaroon ng malusog na pagbubuntis, pero tumataas nang husto ang tsansa ng mga komplikasyon sa ganitong edad. Mas mahirap mabuntis, at ang posibilidad na makunan o magkaroon ng mga abnormalidad ang sanggol ay mas mataas. Ipapasailalim ka ng iyong doktor sa karagdagang pagsusuri para maagapan ang anumang posibleng komplikasyon.

Bihirang irekumenda ng mga doktor na magbuntis sa iyong 40s, pero may ilang mga benepisyo dito. Mas maalam ka na, at mas handa na para sa pagbubuntis. Napakahalaga rin ng kumpiyansa sa sarili na alam mong handa ka maging isang ina! Mas malaki na rin ang iyong ipon at mas handa na ang iyong estadong pinansyal sa ganitong edad, kaya magkakaroon ka na rin ng mas maraming oras para tumutok sa pagiging ina.

Mga benepisyo ng paghihintay magsimula ng pamilya

Kapag naghintay ka ng ilang taon, may oras ka para:

  • Mag-ipon at patibayin ang estadong pinansyal
  • Umunlad sa trabaho
  • Patibayin ang relasyon ng inyong partner
  • Tuparin ang iyong mga personal na hangad
  • Tuparin ang inyong mga pangarap bilang magka-partner
  • Ihanda ang iyong sarili

Mga benepisyo ng pagkakaroon ng anak sa mas batang edad

Ang mabuntis sa mas batang edad ay:

  • Mas mabilis, dahil marami kang selulang itlog na maganda ang kalidad
  • Mas baba ang tsansa makaranas ng mga komplikasyon
  • Mas mabuti para sa kalusugan ng sanggol
  • Mas madali para sa iyong katawan tiisin ang pagbubuntis

Mga payo para mabuntis

Kung nadesisyunan mo na kung kailan mo gusto magkaroon ng sanggol, narito ang ilang mga payo para matupad ang pangarap mong maging ina:

  • Dapat katamtaman ang iyong timbang. Kapag ikaw ay sobra sa timbang o napakababa ng iyong timbang, makakaapekto ito sa iyong obulasyon at mahihirapan kang mabuntis kaagad.
  • Huwag manigarilyo. Nakakasira sa iyong selulang itlog ang paninigarilyo, at nakakataas rin ito sa tsansa na makunan ka kung sakali ika’y mabuntis.
  • Kumain ng mga masustansya. Kung matataba at mamantika ang iyong mga kinakain, makakadagdag ito sa iyong timbang at makakaapekto rin sa iyong kakayahan mabuntis.
  • Iwasan uminom ng alkohol. Kung regular na labis ang paginom ng alkohol, mahihirapan ka mabuntis at makakaapekto rin ito sa paglaki ng iyong sanggol.

Hindi pa handa mabuntis?

Okay lang kung hindi ka pa handa mabuntis o hindi pa sigurado kung nais mo ba talaga mabuntis. Ang desisyon na ito ay nakasalalay SA IYO. Sabihin rin sa iyong partner kung ano ang iyong napagdesisyunan. Huwag mong hahayaan ma-impluwensyahan ka ng mga sabi-sabi o opinyon ng ibang tao.

Ang paggamit ng kontraseptibo ay makasisiguro na hindi ka mabubuntis habang hindi ka pa handa. Maraming pagpipilian, kaya pumunta na sa iyong doktor na makakatulong mahanap ang pinakabagay sa iyo.

Kailan dapat pumunta sa fertility specialist?

Huwag kang mabigo kung nahihirapan mabuntis. Papayuhan ka ng iyong doktor kung paano magtagumpay. Inirerekumendang pumunta ka sa espesiyalista kung:

  • Ika’y 35 taong gulang o pababa at isang taon niyo nang sinusubukan
  • Ika’y higit 35 taong gulang  at anim na buwan niyo nang sinusubukan
  • Ika’y 40 taong gulang o pataas at nais mong magsimula ng pamilya

Baka ipasailalim kayo ng iyong partner sa ilang mga pagsusuri kung mayroon ba kayong kondisyon na hadlang sa iyo mabuntis.

Hindi lamang problema ng babae ang kahirapan mabuntis. Ang mga lalaki rin ay posibleng walang kakayahan makabuntis. Kaya mahalaga na pareho kayo ng iyong partner na sumailalim ng mga pagsusuri dahil posible na ang iyong partner ang may problema o kondisyon.

Mga huling paalala

Kung nais mong magbuntis sa iyong 20s, 30s, o 40s, ang mahalaga ay gusto mo talaga ang pinili mo. kung napagdesisyunan mo na ayaw mo magbuntis, OKAY NA OKAY rin ‘yun! Hindi ito makakabawas sa iyong pagkababae at sa iyong halaga bilang tao. Makinig sa iyong sarili, ikaw ang nakakaalam kung ano ang mabuti para sa iyo. Gawin mo kung ano ang makakapagpasaya sa iyo sa iyong buhay.

Mga pinagmulan:

https://www.healthline.com/health/pregnancy/best-age-to-get-pregnant#30s

https://www.healthline.com/health/womens-health/childbearing-age

https://www.parents.com/getting-pregnant/age/timing/conceiving-in-your-20s-30s-40s/

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon