Mas kilala ng mga Pilipino ang salitang ‘raspa’ kumpara sa pormal nitong pangalan na ‘Dilation and Curettage’ o D&C. Ito , ay isang pamamaraan kung saan ang loob ng matris ay “nililinis”. Madalas itong binabanggit kapag nakakaranas ng mabibigat na daloy ng regla o kapag nakunan.
Bakit ito ginagawa?
1. Upang Magbigay Lunas: Kapag ginawa ang D&C para gamutin ang isang kondisyon, hindi lang kumukuha ng maliit na sample ng tissue. Kailangang alisin ng mga doktor ang mga nilalaman sa loob ng iyong matris. Ito ay maaaring gawin para:
– Pigilan ang anumang impeksyon o mabigat na pagdurugo pagkatapos makunan sa pamamagitan ng pagkuha ng mga natirang tissue sa iyong matris.
– Alisin ang isang tumor na nabuo sa halip na isang normal na pagbubuntis (kilala bilang isang molar pregnancy).
– Itigil ang labis na pagdurugo pagkatapos ng manganak sa pamamagitan ng pag-alis ng natirang inunan sa matris.
– Alisin ang cervical o uterine polyp, na hindi naman cancerous (benign) sa karamihan ng mga kaso.
Minsan, sinasama ang D&C sa isa pang pamamaraan na tinatawag na hysteroscopy. Dito, magpapasok ng isang tool na may ilaw at camera sa iyong matris upang suriin kung may mga abnormalidad o polyp, at kukuha rin ng mga sample ng tissue kung kinakailangan. Minsan, maaari pa silang gumawa ng hysteroscopy at biopsy bago ang D&C.
2. Para Masuri ang Kalusugan ng Matris: Minsan, bago sumailalim sa D&C, maaaring magrekomenda ang iyong doktor ng tinatawag na endometrial biopsy o sampling. Ginagawa nila ito upang suriin kung ano ang nangyayari sa iyong matris. Maaaring ipagawa ang biopsy kung:
– Ikaw ay nakakaranas ng kakaibang uterine bleeding.
– Dinudugo ka kahit menopause ka na.
– May nakitang ilang abnormal na endometrial cells habang nagpapasuri para sa cervical cancer.
Dito, kukuha sila ng isang maliit na piraso ng tissue mula sa iyong uterus lining (o endometrium) at dadalhin ito sa lab para masuri. Nakakatulong ito matukoy ang iba’t ibang kondisyon tulad ng makapal na lining ng matris na maaaring magdulot ng problema, mga polyp ng matris, o maging ang kanser sa matris. Kung kailangan nila ng higit pang impormasyon, saka pumapasok ang D&C sa usapan.
Anong Nangyayari sa Isang D&C?
1. Saan Ito Ginagawa: Maaaring gawin ito sa opisina ng iyong doktor o sa ospital. Karaniwan mabilis lang ito, at tumatagal ng 10 hanggang 15 minuto, ngunit maaaring kailanganin mong manatili sa klinika, o ospital nang hanggang limang oras.
2. Pagsisimula: Bago ang D&C, tatanungin ka ng doktor tungkol sa kasaysayan ng iyong kalusugan at magpapapirma ng consent form kung pwede ka sumailalim sa D&C. Ito ang pinakamagandang oras na magtanong tungkol sa mangyayari. Tiyakin ring banggitin kung:
– Pinaghihinalaan mong buntis ka.
– Ikaw ay sensitibo o allergic sa anumang gamot, iodine, o latex.
– Mayroon kang kasaysayan ng mga blood clotting issues o umiinom ka ng blood-thinning na gamot..
3. Anesthesia: Dahil kakailanganin mo ng anesthesia, kakausapin ka ng doktor tungkol sa kung anong uri ang nababagay sa iyong sitwasyon. Narito ang iba’t ibang klase:
– Kung general anesthesia ang kailangan, tulog ka sa buong proseso.
– Sa spinal o epidural anesthesia, wala kang mararamdaman mula sa baywang pababa.
– At kung ito ay local anesthesia, ikaw ay gising, at manhid lang sa paligid ng iyong cervix.
4. Paghahanda: Bago ang mismong D&C, maaaring kailanganin mong magsuot ng hospital gown, at umihi para walang laman ang iyong pantog.
5. Bago ang Mismong D&C: Kailangan mong humiga sa iyong likod at ilagay ang iyong mga paa sa mga stirrups, tulad ng sa isang pelvic exam. Ang doktor ay magpapasok ng isang speculum, ang sipit sipitan ay iipitin ng clamp, at habang walang mga tahi o hiwa na kasangkot, lilinisin ang sipit sipitan gamit ang isang antiseptic solution.
6. Ang Mismong D&C: Ang D&C ay may dalawang bahagi:
Dilation: Ang bahaging ito ay ang pagbubukas sa ibabang bahagi ng iyong matris (ang sipit sipitan) upang maipasok ang instrumentong gagamitin. Minsan, maaari silang gumamit ng slender rod o mga gamot upang ihanda ang sipit sipitan at tulungan itong lumawak.
Curettage: Kabilang dito ang pagkaskas ng lining ng iyong matris at pagdukot ng anumang nilalaman ng matris gamit ang instrumento na hugis kutsara na tinatawag na curette. Maaari rin silang gumamit ng cannula upang sipsipin ang anumang natitira sa loob ng matris, na maaaring magdulot ng kaunting cramping. Pagkatapos, nagpapadala ang doktor ng sample ng tissue sa lab para masuri ito.
7. Mga Karagdagang Hakbang: Minsan, maliban sa D&C, maaaring kailangan sumailalim sa iba pang karagdagang pamamaraan. Tulad ng isang hysteroscopy, kung saan ang isang tool na may camera ay ipapasok sa iyong matris upang mas mabuting tingnan ang loob. Maaari rin nilang tanggalin ang mga polyp o fibroid tumors kung may makita ang doktor.
8. Pagkatapos ng lahat: Kasunod ng D&C, maaari kang makaranas ng ilang bagay. Ang mga karaniwang bagay ay:
– Pananakit ng puson
– Kaunting spotting o pagdurugo
Kung nakakaranas ng mabigat o matagal na pagdurugo, lagnat, pananakit ng puson, o mabahong discharge pagkatapos ng D&C, tawagan ang iyong doktor.
9. Pagpapahinga at pagpapagaling: Kakailanganin mo ng sasakyan pauwi pagkatapos ng D&C, lalo na kung general anesthesia ang binigay sa’yo. Maaari kang manghina at maduwal, o masuka. Karamihan sa mga kababaihan ay maaaring makabalik sa kanilang mga regular na gawain sa loob ng isa o dalawang araw. Tanungin rin ang iyong doktor tungkol sa anumang mga dapat gawin at hindi dapat gawin. Asahan ang kaunting pananakit ng puson at spotting, na normal at karaniwan namang nararanasan pagkatapos ng D&C. Maghanda ng napkin at pain reliever para sa susunod na ilang araw.
10. Mahalaga ang Timing: Ang iyong susunod na regla ay maaaring dumating nang mas maaga o mas delayed pagkatapos ng D&C. Upang panatilihing malusog ang sarili at maiwasan ang anumang hindi gustong bacteria sa iyong matris, umiwas muna makipagtalik at gumamit ng tampon hanggang sa sabihin ng doktor mo na pwede na ulit gawin ang mga bagay na ‘to.
11. Ang Follow-Up: Mag-iskedyul ng follow-up checkup sa iyong doktor at anumang karagdagang procedure kung kinakailangan. Kung nagpadala sila ng sample tissue para sa biopsy, itanong rin kung kailan pwedeng asahan ang mga resulta. Karaniwang nakukuha ‘to sa loob lamang ng ilang araw.
Mga pinagmulan:
Mayo Clinic Staff. (October 19, 2021). Dilation and curettage (D&C). Mayo Clinic. https://www.mayoclinic.org/tests-procedures/dilation-and-curettage/about/pac-20384910
Stuart, A. (November 7, 2022). D and C (Dilation and Curettage). WebMD. https://www.webmd.com/women/d-and-c-dilation-and-curettage