Ang iyong katawan ay gawa rin sa tubig. Ito ay nasa dugo, mga kalamnan, mga lamang loob, at mga buto. Napakahalaga ng tubig sa iyong katawan, pero minsan sobra ang nananatili sa katawan. Ang tawag dito at water retention. Nagsasanhi ito sa pamamaga at pagmamanas. Pakiramdam mo rin na mabigat ang iyong katawan at hindi masyado makagalaw nang maayos tulad ng karaniwan.
Ibig sabihin ba nito “mataba” ako?
Ang water retention ay sobrang tubig lamang na nanatili sa iyong katawan. Hindi ito taba, at hindi ito nakakadagdag ng taba. Hindi po permanente sa katawan ‘yung sobrang tubig, at madali lang maalis sa ilang paraan.
Mga sanhi
Maraming posibleng magdulot para sa iyong katawan na magpanatili ng tubig. Ito ay:
Iyong diyeta. Ang labis na sodium sa iyong kinakain ay puwedeng magdulot ng water retention. Ang sodium ay matatagpuan sa asin at mga processed food gaya ng tsitsiriya, delata, mga cracker, fast food, at soft drinks. Tignan ang antas ng sodium sa pagkain at inumin bago ito buksan.
Iyong pamumuhay. Kapag masyadong matagal kang nakatayo o nakaupo, maiipon ang dugo sa iyong mga binti. Dahil dito, maaari ring manatili ang tubig sa iyong katawan.
Kung palagi kang nakatayo dahil sa iyong trabaho, mapapansin mo na nagmamanas ang iyong mga binti pagkatapos. Puwede rin ito mangyari kapag matagal kang nakaupo sa eroplano. Kung hindi ka rin aktibo o wala kang pisikal na aktibdad, maaari ring magmanas ang iyong mga binti.
Iyong mga hormon. Nakakadulot rin ng water retention ang mga pagbabago sa antas ng mga hormon. Normal para sa mga babae na maging bloated ilang araw bago sila reglahin, pero mawawala rin ito matapos ang ilang araw.
May ilang mga kondisyon na may kinalaman sa mga hormon tulad ng problema sa thyroid at Cushing’s Syndrome na maaari ring magdulot ng water retention.
Iyong mga gamot. May ilang mga gamot na puwedeng magsanhi ng water retention. Ang mga ito ay:
- Mga gamot sa alta presyon
- Mga over-the-counter pain reliever, gaya ng ibuprofen
- Mga antidepressant
- Gamot sa chemotherapy
- Gamot sa diyabetis
Kausapin ang iyong doktor kung may ginagamit ka sa mga gamot na ito at nababahala ka sa water retention.
Iyong puso. Hindi nakakatibok nang maayos ang mahinang puso. Maaaring magdulot ito sa water retention, at magmanas ang mga binti at paa.
Iyong ugat. Hindi rin makakadaloy nang maayos ang dugo sa katawan kung may problema sa iyong ugat. Puwede ring magmanas ang iyong mga binti.
Kung napansin mo na iisang paa o binti lang ang nagmamanas, baka deep vein thrombosis (DVT) na iyan, kung saan may namuong dugo sa ugat. Ang ilan pang sintomas ay pananakit, pangiinit, at pamumula. Maaaring mamuo ang dugo habang nagpapagaling pagkatapos ng operasyon o habang nasa mahabang biyahe sa eroplano. Pumunta sa doktor kaagad kung nakakaranas ka ng sintomas ng DVT.
Iyong pagbubuntis. Mas naiipon ang labis na tubig sa katawan kapag buntis. Nakakadagdag rin dito ang pagbabago sa mga hormon at dagdag na bigat na dala ng katawan. Nagdudulot ito ng pagmamanas sa mga binti, lalo na kapag mainit ang panahon o pagkatapos tumayo nang matagal. Nawawala rin naman ito pagkatapos manganak.
Kung lumala ang pagmamanas at pamamaga, baka senyales na ito ng pre-eclampsia. Ito ay uri ng alta presyon na mapanganib sa ina at anak.
Pumunta kaagad sa doktor kung malala ang pagmamanas habang buntis, at sinamahan pa ng pananakit ng ulo, pagsusuka, pananakit sa ilalim ng tadyang, o problema sa paningin.
Mga sintomas
Ang mga sintomas ng water retention ay:
- Bloating, lalo na sa may puson
- Pagmamanas ng mga binti at paa
- Tila makintab at namamaga ang balat
- Naninigas ang mga kasukasuan
- Mga indentasyon sa balat
- Pabago-bago ang timbang
Mga solusyon
Ang water retention ay madali lang mapuksa sa pamamagitan ng kaunting pagbabago sa pamumuhay at nakasanayan. Ito ay ilang mga payo.
Bawasan ang maaalat na pagkain. Huwag hayaang lumagpas sa 2,300 milligrams ng sodium/asin ang kinakain araw-araw. Tignan ang nutrition facts sa likod ng pakete, at umiwas sa mga processed food hanggat sa maaari.
Dagdagan ng potassium at magnesium ang iyong diyeta. Nakakatulong ang mga ito na mabalanse ang sodium sa iyong katawan. Kumain ng saging, abukado, kamatis, kamote, madadahong gulay, mani, at whole grain.
Kumilos. Kumilos ka at maglakad-lakad nang onti para mabawasan ang labis na tubig sa iyong katawan, lalo na sa mga binti. Makakatulong rin ang pag-angat sa iyong mga binti.
Karaniwan maranasan ang water retention. May ilang mga bagay na nagdudulot nito tulad ng diyeta, mga hormon, siklo ng regla, at genetika. Malaking tulong na sa pag-iwas at pagpuksa sa water retention ang maliliit na pagbabago sa pamumuhay at nakasanayan. Kung madalas ka makaranas ng water retention and nakakaapekto na ito sa pang-araw-araw mong gawain, mabuting kumonsulta na sa doktor ukol dito.
Mga pinagmulan:
https://www.healthline.com/health/water-retention#remedies
https://www.healthline.com/nutrition/6-ways-to-reduce-water-retention
https://www.medicalnewstoday.com/articles/187978
https://www.webmd.com/diet/why-am-i-retaining-water#1