fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Ano Ba Ang ‘Sex Positivity’?

Ngayon, mas bukas at komportable na ang mga tao sa mga usapin ukol sa sex. Nababawasan na ang hiya sa paksa at mas natatanggap na ito. Dahil dito, mas nakikilala na ang mga benepisyo ng sex at paano magtalik nang ligtas, at ang mga tao ay mas komportable na sa kanilang katawan at sarili.

Ang sex positivity ay ang pagtanggap sa sekswalidad ng tao. Maaari nating masabi na sex positive ang isang tao kung siya’y komportable sa sariling sekswalidad at pagkakakilanlan, at nirerespeto rin nya ang sekswalidad ng ibang tao.

Napapakita ang sex positivity sa iba’t ibang paraan, pero ang masasabi natin ay ito ang pananaw sa sekswalidad ng tao na ang mga may pahintulot na aktibidad ay malusog at dapat tinatamasa, at hinihikayat ang pagtamasa sa kalugurang sekswal at eksperimentasyon. Ibig sabihin nito ay wala dapat ikahiya sa sex, basta ang mga indibidwal na kasali sa aktibidad na sekswal ay may pahintulot at tinatamasa ang sandali.

Paano maging sex positive

Para yakapin ang iyong sekswalidad at maging sex positive na indibidwal, pagnilay-nilayan mo kung ano ba ang gusto mo sa sex. Anong klaseng pagtatalik ang nais mo? Ano ang mga nais mong subukan sa sex? Mas mayayakap mo ang iyong sekswalidad at mas madidiskubre ang iyong sarili kapag pinag-isipan mo ang mga tanong na ‘to. May iba na maaaring nakakaramdam ng kaunting hiya kapag ginagalugad ang kanilang sekswalidad at katawan, at may iba naman na maaaring madiskubre nila na mababa o wala silang pagnanasang sekswal — at okay lang ito!

Ang asexuality ay ang pagkakaroon lamang ng kaunting atraksyong sekswal sa iba at mababa o walang pagnanasang sekswal. Kahit na hindi interesado sa sex ang mga asexual na indibidwal, puwede pa rin sila maging sex positive. Maaari silang manatiling suportado ang sekswalidad at kagustuhang sekswal ng ibang tao, kahit na sila mismo ay hindi interesado sa anumang aktibidad na sekswal.

Kasama rin sa pagiging sex positive ay ang pagtuligsa sa sex-related shaming at sex negativity, o ang kabaligtaran ng sex positivity. Habang ang sex positivity ay kinikilala ang karapatan ng bawat tao na gumawa ng sariling desisyon para sa kani-kanilang buhay sekswal, ang sex negativity naman ay ang pagpapahiya sa ibang tao dahil sa kanilang aktibidad na sekswal at mga ninanais, dahil sa pagiging biktima ng sexual abuse (victim-blaming), o dahil sa pakikipagtalik bago makasal.

Ilang mga halimbawa ng sex positive na kilos at pag-uugali:

  • Pagiging bukas sa mga diskusyon ukol sa sex, mga hangad, at mga hangganan kasama ang iyong partner.
  • Paggalugad sa iyong katawan, pagdiskubre kung ano ang nais mo sa kama o ano ang nakakapukaw sa iyo, at pagiging bukas sa pagsubok ng iba’t ibang bagay.
  • Pagiging maalam at paggawa ng mga safe sex practices, gaya ng paggamit ng condom at kontrasepsyon.
  • Pagiging maalam sa sintomas ng sexually transmitted infections (STI) at paano sila nakakahawa, at pagsasailalim sa pagsusuri para sa STI tuwing kinakailangan.
  • Pag-intindi na may mga pagkakataon na hindi palaging nasa mood rin ang iyong partner para makipagtalik.
  • Pagtanggap sa mga kagustuhang sekswal ng ibang tao kahit na naiiba kayo.

Ano ang HINDI sex positivity

Alam na natin na ang sex ay healthy at natural na bahagi ng buhay ng tao, pero hindi ibig sabihin nito na ang sex ay parte ng buhay ng bawat tao.

Hindi dahil lamang na natutuwa ka sa sex, ay sex positive ka na kaagad. May mga taong natutuwa at natatamasa ang sex, pero hinuhusgahan at pinapahiya naman ang ibang tao dahil sa kung paano sila makipagtalik. Isang halimbawa nito ay ang paghuhusga sa mga homosexual couple at kung paano sila magtalik. Hindi kaugalian ng sex positivity ang panghuhusga at pagpapahiya ng ibang tao base sa kanilang aktibidad na sekswal.

Habang may iba’t ibang paraan para maging sex positive, may mga paraan rin ng hindi pagiging sex positive.

Pagpilit sa lahat ng tao na gustuhin ang sex

Hindi agad ibig sabihin na ika’y sex positive dahil lamang na-e-enjoy mo ang sex, at pwede ka rin maging sex positive kahit hindi mo na-e-enjoy ang sex. Ang bawat indibidwal ay may karapatan na magdesisyon kung interesado ba o hindi sa sex, at lahat ng kanilang dahilan ay balido, kahit na minsan hindi natin lubos na maintindihan kung bakit.

Ang pagpapakita sa ibang tao ng mga kaligayahan ng sex, interesado man sila o hindi, ay isang ugali ng hindi pagiging sex positive. Kung nais mo talaga ipalaganap ang sex positivity, dapat irespeto mo ang mga desisyon ng iba sa sarili nilang mga gusto at sex life.

Pagnanais na makipagtalik kahit kanino, kahit kailan, palagi

Kung nais mong gumawa ng mundo kung saan lahat ng tao ay nahihikayat gumawa ng kani-kanilang desisyon para sa kanilang sekswalidad at sex life, dapat nirerespeto mo rin ang desisyon ng ibang tao kung ayaw nila makipagtalik, kung wala sila sa mood makipagtalik, at kung hindi sila interesado sa casual sex. Balidong desisyon rin ang pagtanggi makipagtalik sa isang tao. Ang sinumang hindi makatanggap sa iyong pagtanggi ay hindi rin nirerespeto ang iyong pahintulot at hangganan.

Pag-sexually objectify sa ibang tao

Ang tunay na sex positive na indibidwal ay HINDI itinuturing ang ibang tao bilang bagay o laruan para lamang sa sarili nilang katuwaan. Kung sa pananaw lamang ng atraksyong sekswal ang pagtingin mo sa ibang tao, malinaw na mayroon kang kailangan ayusin sa iyong sarili. Anuman ang suot o kilos ng isang indibidwal, wala kang karapatan na ilabas ang iyong pagnanasa sa kanila.

Pakiramdam na may karapatan kang makipagtalik sa ibang tao

Ang mas malala pa sa pag-objectify ng ibang tao ay ang pakiramdam na may utang silang sex sa iyo. Ang tawag dito ay sexual entitlement, at akala ng ibang tao ay pagpapakita ito ng pagiging sex positive. Hindi lahat ng tao ay nais makipagtalik sa iyo, at dapat irespeto mo iyon. Huwag mong pilitin ang ibang tao na makipagtalik sa iyo — hindi ‘yan sex positive!

Maraming mga babae ang nakakaranas ng pagpilit na sila ay dapat nasa mood rin tuwing nais magtalik ng kanilang partner, lalo kung sila’y nasa  relasyon o kasal. Ang sexual entitlement ay ang ugat ng karahasang sekswal. Ang pagtuligsa sa rape culture ay ang pagtuligsa rin sa ideya na mayroong taong may utang sa sex sa iyo.

Dapat nating ituring ang iba bilang mga indibidwal na tao; mga tao na may kanya-kanyang pangangailangan, kagustuhan, at karapatan gumawa ng sariling desisyon.

Mga pinagmulan:

https://www.srhweek.ca/sexual-health/sex-positivity/

https://flo.health/menstrual-cycle/sex/pleasure/what-does-sex-positive-mean

https://aidsaction.org.au/news/blog/249-what-is-sex-positivity.html

https://everydayfeminism.com/2016/08/10-things-sex-positivity-is-not/

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon