fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Anong gagawin kapag nagpositibo ang resulta ng pregnancy test

What to do after a positive pregnancy test result

Malaking pagbabago sa buhay ang malaman mong buntis ka, at maaaring magdulot ito ng iba’t ibang emosyon. Anuman ang eksaktong nararamdaman mo, malamang na iniisip mo kung ano ang dapat mong gawin pagkatapos magpositibo ang resulta ng pregnancy test. Narito ang listahan ng mga susunod na hakbang na dapat mong gawin sa ganitong sitwasyon.

Kumpirmahin ang iyong mga resulta

Ang mga home pregnancy test kit ay lubos na tumpak kapag ginamit nang tama. Ngunit walang masama sa pagkuha ng pangalawang test upang kumpirmahin ang iyong mga resulta, tama ba?

Ang mga blood test ay mas tumpak kumpara sa mga home pregnancy test kit. Maaaring hilingin ng iyong healthcare provider na magpa-blood test ka para kumpirmahin kung ikaw ay talagang buntis.

Hayaang mag-sink in ang balita

Ang positibong resulta ng pregnancy test ay maaaring magparamdam sa iyo ng iba’t ibang emosyon. Sabik, nerbiyos, saya, takot — walang tama o mali sa mga emosyon na ‘to. Normal lang na mabigla kapag natanggap mo na ang balita. Bigyan ang iyong sarili ng oras at espasyo para mag-react sa anumang paraan na natural sa’yo.

Kung mayroon kang partner o asawa, maglaan ng oras upang maupo at pag-usapan ang iyong pagbubuntis. Maging tapat tungkol sa iyong nararamdaman at kung ano ang iyong mga takot at alalahanin. Malamang, ganun rin ang nararamdaman niya.

Ngunit kung nakakaranas ng matinding mood swings mo, pagkabalisa, o pagsiklab ng depresyon, pinakamahusay na kumunsulta kaagad sa isang mental health professional. Maaaring mas seryoso ang iyong kinakaharap kaysa sa pag-aadjust sa balita.

Sumunod sa prenatal care

Ang unang prenatal visit ay kadalasang nangyayari sa ikawalong linggo ng pagbubuntis. Gayunpaman, maaaring magpatingin na rin sa doktor nang mas maaga kung mayroon kang medical condition, nakunan dati, o nakakaranas ng pananakit ng tiyan o iba pang hindi pangkaraniwang sintomas.

Asahan ang mga sumusunod na bagay sa iyong unang appointment:

  • medical at social history, reproductive at gynecologic history, at family history
  • physical exam
  • ultrasound (to date the pregnancy)
  • lab tests

Maghanap ng healthcare provider

Mahabang panahon ang pagbubuntis, at kailangan mo ng tamang prenatal care mula sa OB-GYN o midwife. Ang iyong desisyon ay depende sa iyong mga pangangailangan sa panahon ng pagbubuntis at panganganak.

Kung plano mong magpa-epidural o mayroon kang pre-existing na medical condition, maaaring mas mabuting magpatingin ka sa isang OB-GYN. Para sa mga gusto ng low-intervention vaginal delivery o plano na manganak sa bahay lamang, pwedeng humingi ng gabay mula sa isang midwife.

Pangalagaan ang sarili

Sa unang ilang linggo ng pagbubuntis, malamang na hindi mo mapapansin ang iba’t ibang pisikal na pagbabago. Ngunit sa loob, nagsisimula nang mabuo ang mga organo at bahagi ng katawan ng baby.

Para malusog ang baby at pagbubuntis, kailangan mong tiyakin na ang iyong katawan ay nasa pinakamabuting kalagayan. Narito ang ilan lamang sa mga bagay na maaari mong gawin:

  • Uminom ng prenatal vitamins
  • Kumain ng maraming prutas, gulay, whole grains, at umiwas sa matatabang putahe
  • Uminom ng maraming tubig
  • Limitahan ang iyong pag-inom ng caffeine sa hindi hihigit sa 200 mg sa isang araw
  • Iwasan ang alak, nicotine, at ilegal na droga.
  • Iwasan ang hilaw na isda, unpasteurized na gatas o mga dairy products, at mga cold cuts
  • Iwasang linisin ang litter box ng iyong pusa (kung mayroon man)

Kung gusto mong mag-ehersisyo habang buntis, kumunsulta sa iyong healthcare provider tungkol sa kung anong uri ng mga pisikal na aktibidad ang ligtas para sa iyo.

Alamin kung ano ang aasahan

Ang iyong katawan (at baby) ay dadaan sa maraming pagbabago linggu-linggo. Ang pagkakaroon ng kamalayan sa mga pagbabagong iyon at kung ano ang aasahan ay makakatulong na mapawi ang pagkabalisa at ihanda ka para sa kung ano ang darating. Mahalaga rin na malaman kung anong mga sintomas ang hindi karaniwan para malaman mo kung oras na para tawagan ang iyong healthcare provider.

Gumugol ng oras sa pag-browse sa mga magazine, aklat, online resources, at maaaring makinig pa sa mga podcast para malaman ang tungkol sa kung ano ang mga pwedeng mangyari sa susunod na ilang buwan. Anuman ang basahin, pakinggan, o panoorin, siguraduhin na ang manunulat o host ay may wastong mga kredensial. Ito ay napakahalaga pagdating sa mga payo na may kinalaman sa kalusugan. Gusto mong iwasan ang mga fake news at maling sabi-sabi.

Maghanap ng suporta

Napakahalaga ng suporta para sa sinumang nagbubuntis. Maraming magpartner ang naghihintay ng ika-13 linggo bago ipahayag ang kanilang pagbubuntis dahil doon ay labis na bumaba ang panganib ng pagkalaglag. Samantala, may iba rin naman na sabik na ibalita kaagad sa kanilang malapit na pamilya at mga kaibigan sa ikaanim hanggang ikawalong linggo.

Higit sa lahat, ikaw dapat ang madedesisyon kung kailan mo gustong ibalita ang iyong pagbubuntis. Walang tama o maling paraan, o maganda o pangit na oras upang ipahayag ito. Gawin lamang ito kapag handa ka na.

Mga pinagmulan:

Weiss, R. (January 9, 2022). What Happens After You Get a Positive Pregnancy Test?. VeryWellFamily. https://www.verywellfamily.com/youre-pregnant-now-what-2759711 

Lindberg, S. (May 11, 2020). Your Pregnancy Test Is Positive: What Next?. Healthline. https://www.healthline.com/health/pregnancy/positive-pregnancy-test-what-next 

Alpert, Y. (June 16, 2021). I Got a Positive Pregnancy Test—Now What?. The Bump. https://www.thebump.com/a/positive-pregnancy-test-now-what 

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon