Minsan iisa lang ang itsura ng mga platonic relationship sa mga teleserye at pelikula. Kadalasang ipinapakita ang mga ito bilang mga sitwasyon kung saan may gusto ang bida sa isang tao, ngunit hindi ito nagiging romantiko, kaya napupunta siya sa “friend zone.”
Pero ito ang katunayan: ang absence ng romantic love ay isa sa mga pangunahing katangian ng isang platonic na relasyon, at ang mga ganitong koneksyon ay maaaring maging ilan sa mga pinakamagandang uri ng relasyon na mabuo sa iyong buhay.
Hindi lahat ng malalim at makabuluhang relasyon na ating nararanasan ay kailangang maging romantiko. Ang pag-ibig ay maaaring magkaroon ng iba’t ibang anyo, at isa sa mga anyo na iyon ay ang platonic love.
Ang platonic love ay hindi madalas na mapag-usapan, ngunit ang mga hindi romantikong relasyon na ito ay maaaring ilan sa pinakamalalim na nararanasan natin.
Ano ang platonic love?
Ang platonic love ay isang natatanging uri ng pag-ibig na hindi tungkol sa romansa o anumang pisikal, ngunit ito ay malalim, mahalaga, at makabuluhan. Ito ay higit pa sa regular na pagkakaibigan; ito ay tungkol sa pagkakaroon ng malakas, taos-pusong koneksyon, pagiging malapit sa isa’t isa, at malalim na pag-aaruga sa isang tao.
Ang salitang “platonic” ay nagmula sa sinaunang Greek philosopher na si Plato. Mayroon siyang ideya tungkol sa pag-ibig, na nagsasabing ang pinakamataas na uri ng pag-ibig ay tungkol sa mas malalim na antas ng koneksyon, hindi lamang sa pisikal, at pagpapahalaga sa karunungan at diwa. Kaya, ang ibig sabihin ng platonic love ay pagkakaroon ng emosyonal na ugnayan na hindi tungkol sa romansa o anumang pisikal.
Ngayon, ginagamit na ang terminong “platonic” upang ilarawan ang anumang relasyon na walang kinalaman sa pag-iibigan o pagnanasa. Maaari itong maging mga relasyon sa pagitan ng mga magulang at mga bata, mga guro at estudyante, mga katrabaho, at mga mabubuting kaibigan lamang.
Ano ang mga palatandaan ng platonic love?
Ang ilan sa mga karaniwang palatandaan ng platonic love ay:
- Talagang pinapahalagahan mo ang kaligayahan at kapakanan nila.
- Gagawin mo ang anumang makakaya mo upang mapasaya sila.
- Natutuwa ka na makasama mo sila.
- Pakiramdam mo ay sobrang malapit ka sa kanila emotionally.
- Komportable ka sa kanilang presensya.
- Pinahahalagahan mo ang magkabilang panig ng relasyon.
- Parang kilala mo sila inside out, hindi lang sa surface level.
- Tanggap mo sila nang buo, kasama ang lahat ng kanilang mga quirks at imperfections.
- Mayroon kang mapagmahal na damdamin para sa kanila.
- Gusto mong patibayin ang inyong koneksyon, ngunit hindi mo ito gustong gawing romantikong relasyon. Walang pagnanais para sa anumang sekswal sa pagitan ninyong dalawa.
- Nakikita mo ang taong ito bilang pangmatagalan at malaking bahagi ng iyong buhay, at nakatuon kang panatilihing matatag ang relasyon.
- Masaya ka sa inyong koneksyon, nang hindi na kailangang magdagdag pa ng sex o romansa.
Mga huling paalala
Ang platonic love ayang pakiramdam na sobrang malapit ka sa isang tao, ngunit hindi ito tungkol sa pag-iibigan. Ito ang uri ng koneksyon na nagdudulot ng kagalakan, pagkakaibigan, suporta, at sabik sa ating buhay. Ang mga relasyon na ito ay maaaring kasinghalaga at kasingkahulugan ng ating mga romantikong relasyon.
Mga pinagmulan:
Gillette, H. (April 12, 2022). This is Platonic Love. PsychCentral. https://psychcentral.com/relationships/platonic-relationship
Gonsalves, K. (April 26, 2023). What Is Platonic Love? 16 Signs & How It Relates To Friendship. MBGRelationships.
https://www.mindbodygreen.com/articles/platonic-love