Karaniwang nasa pagitan ng 21 hanggang 35 araw ang haba ng mga siklo ng regla. Pero alam mo, minsan ang ating mga siklo ay mahirap tantyahin o asahan. Maaari silang maging mas maikli o mas mahaba, na maaaring humantong sa pagkakaroon ng dalawang regla sa isang buwan.
Huwag ka munang mag-panic! Kadalasan, mayroong isang simpleng dahilan sa likod nito. Ngunit kung ito ay madalas na nangyayari, mabuting bigyang pansin ang anumang mga palatandaan at sintomas. Basahin ang mga susunod na bahagi upang maunawaan kung bakit maaari kang makaranas ng dalawang regla sa isang buwan.
Ano ang mga posibleng dahilan?
Kung ikaw ay nakakaranas ng maikling siklo ng regla, maaari kang magkaroon ng regla sa simula at katapusan ng isang buwan, na maaaring maging normal para sa iyong sitwasyon. Ngunit kung 28 araw talaga ang siklo mo, nakakabahala ang makaranas ng dalawang regla sa iisang buwan.
Ito ang dapat mong tandaan: ang hindi regular na pagdurugo ay maaaring magpahiwatig ng isang medical issue. Maaaring dahil ito sa ilang magkakaibang bagay:
1. Pagbubuntis – Minsan, maaaring mangyari ang pagdurugo sa panahon ng pagbubuntis, kaya magandang ideya na magpatingin sa doktor kung sa palagay mo ikaw ay buntis.
2. Mga Sexually Transmitted Infections (STIs) – Ang mga STIs ay maaaring magdulot ng spotting, kasama ng hindi pangkaraniwang discharge sa ari.
3. Miscarriage – Kung ikaw ay buntis at nakakaranas ka ng matinding pagdurugo, ito ay maaaring senyales na nakunan ka. Sa ganitong mga kaso, napakahalagang magpatingin kaagad sa iyong Ob-Gyn.
4. Mga Antas ng Hormones – Ang kawalan ng tamang balanse ng mga hormones o mga isyu sa obulasyon, na maaaring sanhi ng mga problema sa thyroid, mataas na antas ng prolactin, o polycystic ovary syndrome, ay maaaring humantong sa hindi regular na pagdurugo.
5. Timbang – Ang stress, labis na ehersisyo, o pagbabago sa timbang ay maaari ding maging sanhi ng pagkakaroon ng dalawang regla sa isang buwan.
6. Mga hormonal contraceptives – Kung gumagamit ka ng hormonal contraceptive method, huwag matakot kung makaranas ka ng kaunting pagdurugo o spotting sa pagitan ng iyong regla, lalo na sa mga unang buwan. Ito ay karaniwan, at mawawala rin kalaunan basta tama at tuloy-tuloy ang paggamit ng kontraseptibo.
7. Cervical o endometrial polyps – Ito ay mga non-cancerous growths sa iyong sipit sipitan o uterine lining na maaaring humantong sa dagdag na pagdurugo.
8. Mga pagbabago sa cervix – Ang mga bagay tulad ng ectropion, cervical intraepithelial neoplasia, o kahit na cervical cancer ay maaaring magdulot ng hindi inaasahang pagdurugo.
9. Mga isyu sa matris – Ang mga kondisyon tulad ng fibroids, adenomyosis, o labis na paglaki ng uterine lining (endometrium) ay maaari ding magresulta sa dalawang regla sa isang buwan.
Period ba o spotting lang?
Narito ang ilang mga pahiwatig na maaaring makatulong sa iyo na malaman kung ang hindi inaasahang pagdurugo ay regla lamang, nauugnay sa obulasyon, o posibleng higit pa:
Sa regular na pagdurugo o regla, kahit na maranasan ang dalawang beses sa isang buwan, kadalasang ikaw ay nakakagamit o nakakapuno ng isang tampon o napkin bawat ilang oras. Ang kulay ng dugo ay karaniwang bright red, dark red, brown, o pink.
Kapag ito ay spotting naman, ang pagdurugo ay karaniwang hindi sapat upang makapuno ng isang tampon o napkin. Ang kulay ng dugo ay kadalasan light brown, pinkish, o dark red blood, at karaniwan hindi tumatagal ng higit sa isang araw o dalawa.
Kailan ko dapat kontakin ang aking doktor?
Kung bigla kang nagkakaroon ng regla nang mas madalas kaysa karaniwan at hindi ‘to isang beses lang nangyayari, mabuting ikonsulta na ito sa isang healthcare provider.
Paminsan-minsan, maaaring maging mahina ang iyong regla kaysa sa nakasanayan, lalo na kung stressed ka, may mga pagbabago sa iyong diyeta, nagtatravel ka madalas, o nag-eehersisyo nang matindi. Ngunit kung napapadalas ang dalawang regla sa isang buwan, kumonsulta na agad sa healthcare provider.
Simulan ang pagsubaybay sa iyong siklo ng regla upang makita kung mayroong pattern o may kakaiba. Isulat sa kalendaryo tuwing nagsimula ang regla. Maaaring tumagal ng ilang buwan bago mapansin ang anumang mga pattern. Bigyang-pansin kung gaano kabigat ang iyong daloy, kung ilang araw ang iyong regla, at kung nakakaranas ka ng mga sintomas tulad ng pananakit ng puson.
Makakatulong ang pagkonsulta sa healthcare provider na malaman kung ano ang sanhi nito. Maaaring ipasailalim ka sa blood tests para suriin ang iyong mga antas ng hormones o ultrasound para matukoy kung mayroon kang mga cyst. Kapag nakita na ang sanhi, maaari nang magrekumenda ng angkop na lunas at paggamot.
Mga pinagmulan:
Shkodzik, K. (September 3, 2020). Two Periods in One Month: Are Multiple Periods a Reason to Worry? Flo.
https://flo.health/menstrual-cycle/health/period/two-periods-in-one-month
Nall, R. (October 17, 2023). Is it normal to get your period twice a month? MedicalNewsToday.
https://www.medicalnewstoday.com/articles/322252
Migala, J. (September 11, 2023). Health. https://www.health.com/condition/menstruation/two-periods-one-month