Ang mga oral contraceptive pills ay may maraming side benefits bukod sa proteksyon mula sa pagbubuntis. Nakakatulong ang mga ‘to na pagandahin ang kutis, ma-regulate ang siklo ng regla, mapawi ang mga sintomas ng PMS, at marami pang iba. Ngunit ano ang mangyayari sa lahat ng mga benepisyong ito kapag huminto ka sa pag-inom ng mga pills?
Maaari kang mabuntis sa lalong madaling panahon
Hindi mo kailangang “linisin” o “ipahinga” ang iyong matris, o hintayin na ilabas ng iyong system ang mga pills.
Para sa karamihan ng mga kababaihan, mag-oovulate na sila sa loob ng 1-2 buwan. At nangangahulugan ito na maaari kang mabuntis kaagad pagkatapos ihinto ang pag-inom ng pills.
Maaaring magandang balita iyon para sa mga nagsisikap na mabuntis. Ngunit kung wala kang planong magbuntis, gumamit kaagad ng condom o ibang kontraseptibo pagkatapos ihinto ang mga pills.
Maaaring maging irregular ang iyong cycle
Ang pag-regulate ng siklo ng regla ay isa sa pinakamalaking benepisyo ng paggamit ng mga pills.
Karaniwang makaranas ng mga hindi regular na siklo at hindi matatantya ang pagregla kapag itinigil mo ang mga pills, lalo na kung irregular na talaga ang iyong siklo kahit noon pa.
Maaaring mas mabigat at mas masakit ang iyong regla
Nakakagaan ng regla at nakakapawi ng pananakit ang pag-inom ng pills. Kung nakakaranas ka ng mabigat na daloy at matinding pananakit sa panahon ng iyong regla, asahan na babalik sila kapag huminto ka sa pills.
At, oo, kasama rin iyan ang premenstrual syndrome. Ang mga pills ay nakakatulong na balansehin ang iyong mga hormones sa kabuuan ng iyong siklo ng regla. Kung wala ito, mararanasan mo muli ang mga karaniwang sintomas ng PMS.
Hindi bababa ang iyong timbang
Kung itinigil mo ang pag-inom ng pills para lamang magbawas ng timbang, hindi ito magiging epektibo. Ayon sa mga pag-aaral, ang mga pills ay hindi nakakaapekto sa pagtaas ng timbang. Mas malamang na mawalan ka ng timbang kung kumain ka ng mas malusog na diyeta at nakikibahagi sa pisikal na aktibidad.
Maaaring magsimulang lumitaw muli ang tigyawat at hindi ninanais na buhok
Tumutulong ang mga pills na i-regulate ang hormonal imbalance na nagdudulot ng acne breakouts at pagtubo ng buhok sa mga hindi gustong lugar. Kapag itinigil ang pills, maaari mong mapansin ang muling pagtubo ng hindi gustong buhok at paglitaw ng mga tigyawat, lalo na kapag paparating na ang regla.
Mga pinagmulan:
WebMD Editorial Contributors. (March 9, 2023). Stopping the Pill? 10 Ways Your Body May Change. WebMD. https://www.webmd.com/sex/birth-control/stopping-pill-10-ways-body-changes
Villines, Z. (November 26, 2019). What happens if you stop taking birth control pills mid pack?. MedicalNewsToday. https://www.medicalnewstoday.com/articles/327130
Felton, K. (August 21, 2022). 9 Things That Might Happen to Your Body When You Quit Birth Control Pills. Health. https://www.health.com/condition/birth-control/stopping-birth-control