fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Gustong Laktawan Ang Regla? Ito Ang Puwede Mong Gawin

skipping periods

Itaas ang kamay kung hinangad mong laktawan regla mo! Tingin namin karamihan naman sa ating mga babae ginusto ito kahit isang beses sa ating buhay. Buti na lang, may madali at ligtas na paraan para gawin ito. Oo, narinig ang ating mga hangad, siz!

Ligtas ba talaga ito?

Siguro napaisip ka na kung ano bang mangyayari sa katawan mo kapag hindi ka niregla, pero ayon sa mga doktor at eksperto ligtas ang paglalaktaw sa regla, at halos walang epekto sa iyong kalusugan. Sa katunayan, puwede mong laktawan ito nang ilang sunod-sunod na buwan. Hindi rin ito makakaapekto sa kabuuang bisa ng mga kontraseptibo.

Mga benepisyo

May ilang mga babae na nilalaktawan ang kanilang regla gamit ang kontraseptibo dahil nakakagaan ng buhay, lalo na kung bumibiyahe o nasa bakasyon. Ang iba naman pinipiling hindi reglahin dahil sa kanilang menstrual disorder, pati na rin para sa pag-iwas sa:

  • Anemia
  • Mga migraine o matitinding pananakit ng ulo bago o habang nireregla
  • Pagdami ng taghiawat
  • Mga mood swing
  • Mabigat na daloy ng regla
  • Pananakit ng puson

Mas mababawasan rin ang gastos mo sa mga napkin kung hindi ka masyado rereglahin.

Paano laktawan ang regla

Mangangailangan ka ng mga hormonal na kontraseptibo para malaktawan ang regla mo. Tandaan, walang kontraseptibo na tuluyang mapipigilan kang reglahin habang buhay. Isa pa, ang mga pamamaraan na ito ay maaaring magsanhi sa breakthrough bleeding at spotting sa pagitan ng iyong mga regla. Sundan nang mabuti ang tamang paggamit ng mga kontrasepsyon para mabawasan ang posibilidad na maranasan ang mga ito.

Gamit ang mga pill

Ang mga combined oral contraceptive pill (COC) ay ang karaniwang ginagamit na pamamaraan para laktawan ang regla. Naglalaman sila ng dalawang hormon (estrogen at progestin), at karaniwang 28 sa isang pakete — 21 mga aktibong pill na may hormon, at 7 na hindi aktibong pill.

Para malaktawan ang iyong regla gamit ang mga pill, kailangan mong inumin ang mga 21 aktibong pill lamang. Uminom ng isang aktibong pill araw-araw sa pare-parehong oras. Magsimula kaagad sa panibagong pakete pagkatapos ng pang-21 na pill. Ibig sabihin kailangan mo lang inumin ang mga aktibong pill hanggang handa ka na reglahin muli.

Karaniwang hindi inirerekumenda ang mga pill sa mga babaeng nagsisigarilyo, higit sa 35 taong gulang, o may altapresyon. Kung pasok ka sa alin mang deskripsyong ito, mabuting kumonsulta sa iyong healthcare provider bago gumamit ng kahit anong kontraseptibo.

Gamit ang mga injectable

Ang mga kontraseptibong injectable ay isa sa mga pinakamabisang paraan para laktawan ang iyong regla.

Maaari kang makaranas ng mabigat na daloy ng pagdurugo sa simula. Masasanay rin ang iyong katawan kalaunan, at mawawala rin ang pagdurugo. Halos 75% ng mga babae ay hindi dinadatnan ng regla pagkatapos ng isang taon ng paggamit ng injectable, pero karaniwang nararanasan ang breakthrough bleeding.

Ang mga injectable ay pinapaturok kada-90 araw (tatlong buwan). Kailangan mo lang pumunta sa iyong healthcare provider para magpaturok ng injectable, at okay ka na. Kailangan mo na lang bumalik pagkatapos ng 90 na araw para sa susunod na turok.

Napakahalaga ang tamang araw ng pagpapaturok para masiguro ang tuloy-tuloy na bisa ng injectable. Tandaan kung kailan ka nagpaturok, at kung kailan ang susunod na turok.

Ano ang pinakamabuting paraan?

Kung nais mong bawasan ang pagreregla mo sa isang taon, puwede ang mga pill. Ngunit, kung nais mong matagalan kang hindi reglahin, mas mainam nang injectable. Ang pinakamainam na paraan para malaman kung ano ang nababagay sa iyo ay ang pagpunta sa iyong doktor para pagusapan ito. Magrerekumenda sila sa iyo base sa iyong pamumuhay, kalusugan, at medical history.

Mga pinagmulan:

https://www.medicalnewstoday.com/articles/322753

https://www.healthline.com/health/birth-control/skip-period-birth-control

https://www.webmd.com/sex/birth-control/birth-control-stop-period#1

Please follow and like us:

2 thoughts on “Gustong Laktawan Ang Regla? Ito Ang Puwede Mong Gawin

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon