Ang pwerta ay natural na may malusog na balanse ng mabuting bakterya at yeast. Ang hormon estrogen ay tumutulong sa lactobacilli (isang bakterya) na lumago, at puksain ang nakakapinsalang mga organismo sa pwerta upang mapanatili kang malusog. Kapag ang balanse na ito ay nagulo, ang candida (isang fungus) ay maaaring lumago nang labis at magreresulta sa yeast infection.
Paano Ito Nakukuha
Kahit sino sa anumang oras ay maaaring magkaroon ng yeast infection. Pwede rin magkaroon nito ang mga lalaki sa kanilang ari at bayag, ngunit hindi ito masyadong karaniwan kumpara sa mga babae.

Kapag ang balanse sa kapaligiran ng iyong pwerta ay nabago, maaaring lumago nang labis ang yeast at humantong sa isang impeksyon. Ang ilan sa mga bagay na maaaring maging sanhi nito ay:
- Mga pagbabago sa hormon (tulad ng panahon ng regla, pagbubuntis, o menopos)
- Diyabetis
- Mga antibyotiko, cortisone, at iba pang gamot
- Mahinang resistensya
- Mga feminine douche at spray
Ang yeast infection ay hindi itinuturing na sexually transmitted infectionl (STI), gayunpaman, maaari kang magkaroon nito mula sa pakikipagtalik kapag ang iyong katawan ay may masamang reaksyon sa natural na genital yeast at bacteria ng kasosyo.
Mga Sintomas
Ang pangangati sa loob at paligid ng ari ay ang pinakakaraniwang sintomas ng yeast infection. Maaari ka rin makaranas ng:
- Pamumula at pamamaga ng ari, na tila mainit ang pakiramdam
- Pananakit o pangingirot ng ari kapag umiihi
- Pananakit o pangingirot kapag nagtatalik
- Pananakit at pagkahapdi ng ari
- Malapot, maputi, at walang amoy na vaginal discharge (mukhang cottage cheese)
Maaaring lahat o iilan lamang sa mga sintomas ang iyong maranasan, ngunit kung minsan may mga sintomas na may pagkakapareho sa iba pang mga kondisyon at STI. Ang tamang pagsusuri ay makakatulong na makakuha ng pinakamahusay na paggamot, kaya mabuti na kumunsulta sa iyong tagabigay ng serbisyong pangkalusugan kung sa palagay mong mayroon kang yeast infection o nakakaranas ng anumang sintomas.
Pano Ito Lunasan
Ang mga antifungal cream, ointment, at mga suppositori ay kadalasang nalulunasan ang yeast infection sa loob ng ilang araw. Ang iyong tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan ay maaari ring magreseta sa iyo ng tableta. Anuman ang ibibigay sa iyo na gamot, siguraduhin na susundan mo ang mga direksyon upang matiyak na ang yeast infection ay lubos na mawala.
Ang priksyon ay maaaring makadagdag sa pangangati o gawing mas mahirap malunasan ang impeksyon, kaya mas mahusay na magpahinga muna sa pakikipagtalik o magpasok ng anumang bagay sa loob ng iyong ari hanggang sa matapos ang paggagamot. Ang ilan sa mga gamot para sa ari ay naglalaman ng langis, na maaaring makasira ng mga condom. Ang yeast infection ay makati at nakakahikayat na magkamot, ngunit subukang pigilan ang iyong sarili na magkamot para mas madali magamot ang impeksyon.
Paano Ito Maiiwasan
Ang paggamit ng condom ay isa sa mga pinakamahusay na paraan upang maiwasan ang pagkakaroon at pagpasa ng yeast infection. Kahit na ito ay karaniwang nangyayari, narito ang mga paraan kung paano mo maiwasan ito:
- Magsuot ng preskong panty tulad ng gawa sa koton
- Iwasang magsuot ng mga damit na sobrang hapit
- Huwag mag-douche ng iyong pwerta
- Gumamit ng mga feminine hygiene products na walang halong pabango
- Iwasan magbabad sa mga mainit na tubig (gaya ng jacuzzi)
- Magpalit kaagad kapag basa o mamasa-masa ang damit
- Laging punasan ang ari mula sa harap papuntang likod pagkatapos magbanyo
- Regular na palitan ang iyong napkin o tampon kapag nireregla
- Sikapin na makakuha ng tamang paggamot para sa iyong diyabetis
- Gumamit lamang ng mga antibyotiko kapag kailangan
- Panatilihing malinis at tuyo ang iyong ari
- Panatilihing malinis ang katawan
Mga Pinagmulan:
https://www.webmd.com/women/guide/understanding-vaginal-yeast-infection-basics#1
https://www.plannedparenthood.org/learn/health-and-wellness/vaginitis/what-yeast-infection
https://www.webmd.com/women/guide/10-ways-to-prevent-yeast-infections
Hi po ung pekpek kopo kase is may buo buong white na parang cheese na namuo nung nakaraan papo ngayon po nangangati sya hinuhugasan kopo sya ng tubeg na mainit everytime na maghuhugas ako at after umihi ask kolang po if okay lang poba ung tubeg na mainit na panghugas kapag may yeast infection?
Hi, Charmaine! Mainam na ikonsulta ito sa doktor o malapit na health center para mapayuhan sa angkop na lunas.
Paano po pag ang vagina mo ay maputi sa loob dipo sya nagtatanggal parang white means po sya na buo I don’t know if yeast inferction po sya
Hi, Andra! Baka ang tinutukoy niyo po ay smegma. Basahin rin po ito: https://doitright.ph/tl/ano-ang-smegma/
hindi ka po ba dadatnan ng period pag may yeast infection ka ? 5days na po kasi akong delay at ng dapat may mens nako ng araw na yon dun ako nagsimulang mag ka yeast infection .
Hi, Yessamin! Posible po na may ibang sanhi ng pagdelay ng inyong regla.
Hello po. Tanong ko lang po kasi sobrang kati po kasi ng ari ko namamaga na po diko po alam kung panong kamot na gagawin kasi syempre po masilang parte po iyon ano kayang gamot ang pwede kong e take or anong ointment ang pwede kong ipahid ilang araw napo kasi sya yung mula sa loob hanggang sa labas yung kati palibot sa ari ko. Yeast infection napo ba ito?
Hi, Renalyn! Hindi po kami maaaring magreseta ng anumang gamot o ointment dahil hindi po kami mga doktor. Ang angkop na lunas ay depende sa sanhi, at doktor lang po ang maaaring magsuri at makapagtukoy ng inyong nararanasan. Mainam na ikonsulta na ito kaagad sa malapit na health center.
hello po.
bakit po kaya sumasakit ang masilang parte ng katawan ko na para po akong natatae pero hindi po sya kumakati?
Hi, Eljay! Maraming posibleng sanhi ng iyong nararanasan, gaya ng impeksyon o kondisyon. Doktor lang po ang makakasuri sa inyo at makakapagtukoy kung ano ang tiyak na sanhi. Mabuting makipag-ugnay na kaagad sa OB/GYN ukol dito o magpunta sa malapit na health center para makita ang sanhi at mapayuhan ka kung ano ang angkop na lunas para sa iyong sitwasyon.
masakit po pepe ko at mahapdi po pati pantog ko minsan po may dugo po na labas ako pwede gawin po
Hi, Ann! Maraming posibleng sanhi ng iyong nararanasan, gaya ng impeksyon o kondisyon. Doktor lang po ang makakasuri sa inyo at makakapagtukoy kung ano ang tiyak na sanhi. Mabuting makipag-ugnay na kaagad sa OB/GYN ukol dito o magpunta sa malapit na health center para makita ang sanhi at mapayuhan ka kung ano ang angkop na lunas para sa iyong sitwasyon.