fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Mahigpit o maluwang na puwerta: Problema ba talaga?

tight or loose vagina

Maraming sabi-sabi at maling paniniwala pagdating sa usapin ng puwerta. May ilan na naniniwala na ang pag-abot ng orgasmo o kung gaano kasarap ang pakikipagtalik para sa lalaki at babae ay depende sa higpit ng puwerta. May iba rin na nag-aakalang mahigpit ang puwerta ng mga babaeng hindi pa nakakaranas ng vaginal penetration. Habang ang mga may karanasang sekswal naman daw ay pinaniniwalaang maluwag ang puwerta. Totoo nga ba ang mga sabi-sabi na ‘to? Magpatuloy magbasa para sa kaalaman tungkol dito.

Mayroon bang “maluwag” na puwerta?

Ang puwerta ay gawa sa mga napaka-elastikong mga muscle tissue na siksik kapag naka relaks. Wala talagang “maluwag” na puwerta — ito’y gawa-gawa lamang. Pero may mga panahon sa buhay ng isang babae na maaaring pansamantalang mabago ang hugis at sukat ng kanyang puwerta.

Ang panganganak ay isa sa mga mahahalagang pangyayari na maaaring makaapekto sa natural na higpit ng puwerta. Baka maiba ang pakiramdam nito, pero siguradong babalik ito sa dating kondisyon bago manganak — dahil ito’y isang muscle!

Hindi “nalalaspag”, masyadong nababanat, o tuluyang nawawalan ng higpit. Kahit ang mga menstrual cups, tampons, o madalas na penetrative sexual activities ay hindi nakakapagpabago sa sukat ng puwerta o sa sexual pleasure.

Mabuti ba ang “mahigpit” na puwerta?

Hindi lubos na mabuti ang pagkakaroon ng “mahigpit” na puwerta — at siguradong hindi ito nagbibigay ng impormasyon sa sexual status ng isang babae.

Ang puwerta ay natural na lumalawak at humahaba para sa panganganak at natural na nagre-relaks kapag napukaw bilang paghahanda para sa penetrasyon. Kapag ang isang babae ay stressed, nababalisa, o hindi napukaw o interesado, hindi magrerelaks, lalawak, at lilikha ng natural na lubrikasyon ang puwerta.

Masakit at hindi komportable ang penetrasyon kapag mahigpit ang puwerta. Ang masakit na pakikipagtalik ay tinatawag na dyspareunia (dis-puh-ROO-nee-uh) sa medical terms. Posibleng senyales rin ito ng kondisyon o maliit na problema sa kalusugan.

Narito ang mga posibleng dahilan ng pakiramdam na mahigpit ang puwerta.

Kakulangan sa pagpukaw o lubrikasyon

Ang puwerta ay naglilikha ng natural na lubrikasyon kapag napukaw. Tumutulong ito gawing mas suwabe at komportable ang penetrasyon. Kapag masakit ang penetrasyon, baka masyado itong maagang ginawa o hindi sapat ang lubrikasyon. Ang solusyon dito ay ang patagalin ang foreplay at ang paggamit ng water-based lubricant tulad ng EZ Lubricating Jelly!

Mga impeksyon

Hindi nakakaapekto sa hugis at higpit ng puwerta ang mga impeksyon, pero maaari itong magsanhi ng pananakit habang nakikipagtalik.

Pinsala o trauma

Madalas na masakit ang pakikipagtalik kapag mayroong pinsala o trauma sa balakang o ari. Mainam na hintaying lubos na gumaling bago gumawa ng anumang sekswal na aktibidad.

Ang mga nakaranas ng sexual assault ay maaaring mahirapan sa anumang sexual encounter. Maaaring makatulong dito ang pagsasailalim sa therapy.

Congenital abnormality

May mga babaeng ipinanganak na mayroong makapal o matigas na hymen. Nagiging masakit ang pakikipagtalik kapag natutulak ito ng ari ng lalaki o ng sex toy. Kahit na mapunit ito, posibleng masakit pa rin ito kapag natatamaan.

Vaginismus

Ang vaginismus ay isang kondisyon kung saan ang mga vaginal muscles ay kusa o patuloy na humihigpit kapag sinusubukan ang vaginal penetration. Hindi ito nakakaapekto sa sexual arousal, pero pwede itong humadlang sa penetrasyon o gawing masakit ang pakikipagtalik.

Kadalasang nakakatulong ang mga sex therapy, counseling, vaginal dilators, at physical therapy sa paglunas ng vaginismus.

Paano nagbabago ang puwerta?

Ang puwerta ay maaaring dumaan sa mga pagbabago buong buhay. Pero dalawang bagay lamang ang maaaring magsanhi sa malalaking epekto sa pagiging elastiko nito: ang edad at panganganak. Ang iba pa — madalas na pakikipagtalik o kakulangan nito — ay hindi nagreresulta sa permanenteng pagbabago sa puwerta.

Edad

Ang mga babae sa kanilang 40s ay maaaring nagsisimula nang makapansin ng mga pagbabago sa pagiging elastiko ng kanilang puwerta. Ito’y dahil bumababa ang kanilang antas ng estrogen habang sila’y papalapit na sa perimenopausal stage.
Ang mga vaginal tissue ay nagiging mas manipis, mas tuyo, mas mababa ang pagiging acidic, at hindi na kasing elastiko tulad ng dati. Mas halata ang mga pagbabagong ito pagdating sa menopausal stage.

Panganganak

Ang puwerta ay natural na lumalawak para sa panganganak. Umuunat ang mga vaginal muscles para makadaan ang sanggol sa birth canal at makalabas sa bukasan ng puwerta.

Pagkatapos ng vaginal delivery, maaaring maramdaman na tila bahagyang mas maluwag ang puwerta kumpara sa dati. Normal lang ito na karanasan, at kaya nitong kusang bumalik sa dating kondisyon. Maaari ring gumawa ng mga ehersisyo na nakakapagpalakas sa pelvic floor muscles bago, habang, at pagkatapos magbuntis para makatulong sa pakiramdam ng “maluwag” na puwerta.

Pakikipagtalik

Ang puwerta ay nasa tatlo hanggang apat na pulgada ang haba kapag hindi napukaw. Parang hindi ito mainam para sa penetrasyon. Maliban sa paglikha ng lubrikasyon, ang puwerta ay humahaba at lumalawak rin kapag napukaw.

Ang itaas na bahagi ay humahaba, na tumutulak sa cervix at matres paloob ng katawan. Nakakaiwas ito sa pagtama ng ari ng lalaki o sex toy sa cervix at sa pagsanhi ng pananakit (pero may ilang mga babae na natutuwa rin kapag nastimulate ang kanilang cervix).

Kahit na ang puwerta ay may natural na kakayahang gawin ang mga bagay na ito, malaki pa rin ang porsyento ng mga kababaihan na nakakaranas ng pananakit sa penetrasyon sang puwerta. Ang pakikipagtalik ay dapat pleasurable, at hindi masakit. Wala dapat nagtitiis sa sakit dahil sa pakiramdam na masyadong mahigpit. Nalulunasan ang karamihan sa mga kondisyon na nagsasanhi sa ganitong pakiramdam. Mainam na kumonsulta sa doktor kapag patuloy na nakakaranas ng pananakit at higpit.

Mga pinagmulan:

https://www.thiloyarmay.org/en/tight-or-loose-is-that-a-problem/

https://www.healthline.com/health/womens-health/loose-vagina

https://www.healthline.com/health/tight-vagina

https://www.psychologytoday.com/us/blog/all-about-sex/201109/the-rare-truth-about-tight-and-loose-women

https://helloclue.com/articles/cycle-a-z/vaginal-tightness-tips-myths-what-you-need-to-know-about-pelvic-floor

https://www.healthline.com/health/vaginismus

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon