ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Mga Aprodisyak: Napapabuti Ba Talaga Nila Ang Buhay Sekswal?

Aphrodisiacs: Are They Really Sex Life Hacks?

Maraming tao ang gumagamit ng mga aprodisyak dahil sa pag-asa na mapapalakas nito ang pagnanais na sekswal. Ito ay isang mainit na paksa na sinaliksik ng mga eksperto at pinagtatalunan ng maraming tao. Sa huli, lahat naman tayo ay nagkakasundo sa isang bagay: nais nating magkaroon ng mas nakalulugod na pagtalik.

Kung epektibo man o hindi, maraming mga nabibiling natural at parmasyutikong gamot na pinaniniwalaang nakakabuti ng buhay sekswal. Nasubukan mo na ba ang alinman sa mga ito?

Tsokolate

Naniniwala ang mga tao na ang mga tsokolate, mas mabuti kapag hindi bababa sa 70 porsyento na dark chocolate, ay mabisang aprodisyak dahil sa mga nilalaman nito.

Tinutulungan ng cocoa na mag-relaks ang mga kalamnan at bitawan ang mga tensiyon sa isip, habang ang phenylethylamine ay nakakasabik at nakakagaan ng loob.

Hindi pa sapat ang mga saliksik upang mapatunayan ang kakayahan ng mga tsokolate bilang isang aprodisyak, ngunit lagi na rin sila nauugnay sa pag-ibig at araw ng Puso — sino nga ba nagpasimuno nito???

Alak

Ang pinakamahalagang detalye upang matawag na romantiko ang inyong date! Ang alkohol (sa tamang dami) ay maaaring makarelaks at mailagay sa tamang kondisyon ang sinumang tao.

Ang isang o dalawang baso ng alak ay sapat, dahil ang sobrang alak ay maaaring mabawasan ang pagpukaw at pagganap na sekswal. Bukod dito, hindi rin magandang ideya na makipagtalik kapag lasing ka.

Sa inyong susunod na date, magbukas ng isang bote ng alak para sa malugod na pag-uusap —  at malay mo ano ang maaaring susunod na mangyayari?

Talaba

Hindi nakakagulat na ang mga talaba ay itinuturing na mga aprodisyak; kahawig nila ang maselang bahagi ng katawan ng babae at paghigop ng malambot at mamasa-masang laman ay maaaring nakakaakit o nakaka-turn-on. Higit pa doon, ang mga talaba ay may mga nilalaman na sinasabing nakakadagdag sa libog.

Ang mga talaba ay siksik sa zinc, na tulong sa paggawa ng hormong testosterone, paggawa ng semilya, at paglakas ng resistensya.

Ang amino acid tyrosine ay matatagpuan din sa mga talaba, at ito ay may malaking bahagi sa paggawa ng dopamine, na nauugnay sa kasiyahan.

Kung kakain ka na ng mga talaba sa ngalan ng seks, sinasabi na namin ngayon na hindi mo talaga kailangan kumain ng marami! Kinakailangan rin ng masasarap na pagkain at isang kaaya-aya at romantikong kapaligiran upang talagang itakda ang tamang kondisyon para sa napakasayang pagtalik.

Presa (strawberry)

Ang hugis ng puso at pulang kulay nito ay naging isang simbolo ni Venus, ang diyosang Roman ng pag-ibig.

Bukod sa pagiging cute, ang prutas na ito ay puno ng Vitamin C na nakakabuti sa daloy ng dugo sa buong katawan.

Hindi pa napatunayan ng mga eksperto kung ang mga presa ay talagang mabisang aprodisyak, ngunit ano ang mas seksi pa kaysa sa pag-aalaga sa kalusugan?

Sili

Nakakainit talaga ito ng date! Ngunit kaya niya rin ba gawin ito sa buhay sekswal?

Ang capsaicin sa mga sili, ang responsable para sa anghang, ay pinasisigla ang mga dulo ng nerbyo sa dila at nagiging sanhi ng nakakakiliting sensasyon.

Ang pagkain ng mga sili ay maaari ring hikayatin ang pagpapakawala ng mga endorphin, ang natural na opiates ng katawan, pain reliever, at pangpagaan ng loob.

Ang pagtaas ng bilis ng iyong pulso, pagpawis ng katawan, pamumula ng mga pisngi, at pagpintog ng mga labi ay mula sa pagkain ng mga sili, na maaaring gawing mas mainit ang inyong date — literal. Sa pagtaas ng mga endorphin, ang sapat na pagkain nito ay makakahikayat sa iyo na makondisyon para sa pagtalik.

Balut

Hindi ito ang pinaka-nakakaakit o pinakaseksi na putahe, ngunit ang mga titos ng Maynila (o Pateros) ay sasabihin na ang balut ay mahusay para sa pagtaas ng sex drive.

Ang kumakalat na sabi-sabi ay maaari itong magpainit sa katawan, at ang kaltsyum (calcium) at protina (protein) na nilalaman ng balut ay maaaring mapalakas ang enerhiya at tagal (stamina).

Ang pinaniniwalaang aprodisyak na ito ay hindi pa masyadong nasasaliksik, ngunit nakaka-interesante kung paano ito nasali.

Damiana

Ang mga dahon ng palumpong ng damiana ay madalas na ginagamit bilang aprodisyak o medikal na paggamot mula noong mga sinaunang siglo. Sa katunayan, ito’y nasa tuktok ng listahan pagdating sa pagpapalakas ng pagnanasang sekswal.

Ang mga nilalaman ng damiana ay nagpapasigla sa mga nerbiyo (nerve), maselang bahagi ng katawan, sirkulasyon ng dugo, at metabolismo. Bukod doon, maaari rin nitong gawing mas sensitibo ang mga erogenous zone ng katawan, na nakakataas rin ng kasiyahang sekswal.

Para sa mga lalaki, ang damiana ay makakatulong na mas madaling tumigas ang ari, at mapanatili itong matatag sa mas mahabang panahon. Para sa mga babae, maaari itong dagdagan ang kasiyahang sekswal at gawing mas madali at mas matindi ang mga orgasmo.

Patuloy na ginalugad ng mga mananaliksik ang mga aprodisyak na ito, lalo na ang mga nangangailangan pa ng karagdagang pagsisiyasat kung epektibo ba talaga. Sa kabila nito, sinusunod pa rin ng mga tao ang hangad ng kanilang puso sa paggamit ng anumang katalista para sa pag-ibig, at umaasa na lalo pang lumigaya ang kanilang buhay sekswal.

Kung plano mong subukan ang alinmang aprodisyak, mabuti na tanungin muna ang iyong tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan kung pwede ba o hindi.

Mahalagang tandaan din na ang mga aprodisyak ay hindi mahiwagang gayuma na kayang malutas agad ang anumang problema na nauugnay sa seks. Kailangan din ng oras, walang katapusang pagsisikap, paglalambing, pagaalaga, at matamis na mga salita upang mapanatili ang lakas ng relasyon!

Mga pinagmulan:

https://www.healthline.com/nutrition/aphrodisiac-foods#section4

https://news.abs-cbn.com/ancx/food-drink/features/02/10/19/a-beginners-guide-to-aphrodisiacs

https://www.huffpost.com/entry/the-truth-about-7-foods-that-claim-to-be-aphrodisiacs_n_59bc090ce4b086432b06cc97

https://medium.com/@mt.space/damiana-can-help-with-diabetes-and-sex-life-at-the-same-time-d12d2a6a98c5

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon