Bagamat hindi ito napag-uusapan, ang napaagang bulalas ay nakaaapekto sa maraming relasyon.
Ano ang napaagang bulalas?
Ang napaagang bulalas o premature ejaculation (PE) ay nangyayari sa bawat tao sa isang punto sa kanilang buhay; ito ay maituturing lamang na problema kung madalas itong mangyari. Ito ay maaaring mangahulugan na ang lalaki ay nagbubulalas bago ang pagpasok sa ari ng babae, o pagkatapos lamang ng ilang segundo o minuto sa pakikipagtalik. Ayon sa pananaliksik karamihan ng mga mag-asawa, tumatagal lamang nang (average) 5 hanggang 9 na minuto sa pakikipagtalik. Sa mga termino ng sex therapy, ang ibig sabihin ng PE ay ang orgasmo ng lalaki ay mas maaga kaysa sa gusto niya o ng kanyang kapareha; wala siyang kontrol; at hindi niya kayang baguhin ang reaksyon ng kanyang katawan.
Ano ang sanhi ng mabilis na orgasmo ng lalaki?
Walang nakakaalam ng eksaktong sanhi ng napaagang bulalas. Bagaman ito ay dating itinututiring na sikolohikal lamang, napag-alaman ng mga doktor ngayon na ang ito ay kinasasangkutan ng kumplikadong interaksyon ng sikolohikal at biyolohikal na mga kadahilanan.
Mga sikolohikal na sanhi
Kung wala ka o may kaunting karanasan sa pagtatalik, nagkaroon ng maagang mga karanasang seksuwal, o nakaranas ng pang-aabusong seksuwal — ang mga ito ay maaaring maging sanhi ng PE. Kung ikaw ay mayroong mababang pagtingin sa iyong sarili o nakararanas ng depresyon – ang mga ito ay maaari ring magdulot ng PE. Ang mga lalaking nababahala sa pagpapanatili ng pagtayo at pagtigas ng kanilang ari sa panahon ng pakikipagtalik ay maaaring magkaroon ng reaksyong pagmamadali sa pagbulalas, na mahirap baguhin. Maraming mga lalaki na may PE ay mayroon ding mga problema sa pagkabalisa (anxiety) — na maaaring may kinalaman sa seksuwal na pagganap o nauugnay sa iba pang mga isyu. Kung nagkaroon ka ng kasiya-siyang seksuwal na ugnayan sa iba pang mga kapareha na kung saan ikaw ay bihira o hindi nakaranas ng PE, posible na mga interpersonal na isyu sa pagitan mo at ng iyong kasalukuyang kapareha ang nag-aambag sa problema.
Mga biyolohikal na sanhi
May ilang mga biyolohikal na kadahilanan na maaaring mag-ambag sa PE, tulad ng: abnormal na antas ng hormon, abnormal na antas ng mga kemikal sa utak na tinatawag na neurotransmitters, pamamaga at impeksyon ng prostate o urethra, mga minana na katangian.
Paano ito mapipigilan at ano ang maaari mong gawin?
Ang pagsasanay at pagpapahinga ay makatutulong sa iyo na harapin ang problema sa PE. May mga lalaki na sinusubukang ibaling ang kanilang atensyon sa mga di-seksuwal na mga bagay (tulad ng pag-iisip ng pangalan sa mga manlalaro ng baseball at kanilang mga tala) upang maiwasan ang sobrang pananabik. Maraming mga kapaki-pakinabang na pamamaraan ang maaari mong subukan.
Ang “stop and start” na pamamaraan
Sa pamamaraang ito, pinasisigla ang lalaki hanggang sa maramdaman niyang malapit na siyang magkaroon ng orgasmo. Itigil ang pagpapasigla sa loob ng 30 segundo at pagkatapos ay muli itong simulan. Ulitin ang gawaing ito hanggang sa nais na ng lalaki na magbulalas.
Ang “squeeze” (pagpisil) na pamamaraan
Sa pamamaraang ito, pinasisigla ang lalaki hanggang sa maramdaman niya na malapit na siyang magbulalas. Sa puntong iyon, ang lalaki o ang kanyang kapareha ay malumanay na pipisilin ang dulo ng titi (kung saan nagtatagpo ang glans (ulo) at ang shaft (katawan) ng ilang segundo. Itigil ang seksuwal na pagpapasigla sa loob ng mga 30 segundo, at pagkatapos ay muling simulan ito. Maaaring ulitin ang gawaing ito hanggang sa nais ng magbulalas ng lalaki.
Mga condom
May mga condom na makakatulong sa pag-antala ng bulalas tulad ng tinatawag na “climax control” na mga condom. Ang mga condom na ito ay naglalaman ng mga nakamamanhid na sangkap tulad ng benzocaine o lidocaine o gawa sa mas makapal na latex upang maantala ang bulalas. Kabilang sa mga halimbawa ang PREMIERE Cruise Control.
Tandaan!
Nagbibigay lamang ito ng pangkalahatang ideya tungkol sa PE, at hindi naglalayong maging kapalit sa wastong gamot o lunas. Kung ikaw (o isang taong kilala mo) ay may suliranin, kumbinsihin siyang kumunsulta sa isang doktor o isang therapist. Ang PE ay may lunas at hindi ito isang permanenteng suliranin.
I-click ang mga nasa ibaba para sa higit pang kaalaman tungkol sa PE.
Mga pinagmulan: https://www.womenshealthmag.com/sex-and-love/premature-ejaculation
http://www.nytimes.com/health/guides/disease/premature-ejaculation/overview.html?mcubz=1