Pagkatapos ng siyam na buwan ng pagbubuntis, muli kang kinakaharap ng mga iba’t ibang sintomas.
Ang iyong katawan ay dumaan sa maraming pagbabago sa pagbubuntis, at iba pang mga hamon sa panahon ng labor at panganganak. Kaya kakailanganin ng sapat na panahon para magpahinga at makabawi ng lakas.
Ang postpartum recovery ay hindi pang ilang araw lamang. Maaaring abutin ka ng ilang linggo o buwan bago ka lubos na gumaling. Narito ang ilan sa mga pinakakaraniwang sintomas na maaari mong maranasan sa panahong iyon.
Pananakit ng puson
Malamang na makakaranas ka ng pananakit ng puson. Ito ay tinatawag na “afterpains,” at ito ay sanhi ng pagbalik ng iyong matris sa dati nitong hugis at laki bago ang pagbubuntis. Ang mga afterpains ay madalas na tumatagal ng 7-10 araw, at karaniwang pinakamalakas sa ika-2 o ika-3 araw pagkatapos manganak. Maaaring mas masakit pa ito kapag pinapasuso mo ang iyong baby.
Anong gagawin
Sa karamihan ng mga kaso, ang paglalagay ng heating pad o bote ng mainit na tubig ay nakakatulong sa pagpawi ng pananakit. Mayroon ding mga nonsteroidal anti-inflammatory na gamot na ligtas para sa mga babaeng nagpapasuso. Mas mabuting tanungin ang iyong OB-GYN bago uminom ng anumang gamot para sa pananakit.
Pananakit ng perineum
Ang perineum ay ang lugar sa pagitan ng vulva at anus. Maaari itong mamaga o mapunit sa panahon ng panganganak. Maaaring masakit ito sa loob ng 7-10 araw habang gumaling ka, at nananatiling masakit sa loob ng ilang linggo.
Anong gagawin
Palaging panatilihing malinis ang iyong perineal area. Maaaring gumamit ng spray bottle upang banlawan ang iyong perineum ng maligamgam na tubig pagkatapos gumamit ng banyo. Ang mainit na sitz bath o pag-upo sa isang ice pack sa loob ng 10 minuto ng ilang beses sa isang araw ay maaari ring makatulong sa pagpawi ng sakit.
Tawagan kaagad ang iyong doktor kung ang sakit ay tila hindi nabawasan, nilalagnat ka, o nakakita ka ng nana o dugo.
Pananakit at pamamaga ng mga suso
Balak mo mang magpasuso o hindi, normal na ang iyong mga suso ay mamaga, sumakit, at tumigas ilang araw pagkatapos ng panganganak. Ngunit ang pagpapasuso ay makakatulong sa pagpapagaan sa mga sintomas na ito.
Ang matinding paglaki ng dibdib ay dapat umimpis sa loob ng ilang araw. Kung nagpapatuloy ang pananakit, maaaring ito ay dahil hindi nakakasuso nang maayos ang iyong baby.
Anong gagawin
Ang paglalagay ng cold compress ay maaaring makatulong na mapawi ang sakit. Kapag nagpapasuso, dahan-dahang imasahe ang iyong mga suso para sa mas magandang daloy ng gatas. Makipag-ugnayan sa isang lactation consultant o isang maternity nurse kung nahihirapan mag-latch nang maayos ang iyong baby
Mga tahi
Ang mga tahi mula sa cesarean birth (C-section) ay maaaring gumaling sa iba’t ibang antas. Maaaring tumagal ng 5-10 araw bago gumaling ang mga tahi sa balat. Samantala, ang pinagbabatayan na mga tahi sa layer ng kalamnan ay maaaring tumagal ng hanggang 12 linggo bago gumaling.
Normal na makaranas ng ilang pamamanhid at pangangati sa paligid ng mga tahi. Ngunit mas mabuting ‘wag kamutin o kalikutin ito upang maiwasan ang impeksyon.
Anong gagawin
Inumin ang iyong mga pain reliever ayon sa direksyon ng iyong doktor. Iwasang magbuhat ng mabibigat na bagay sa unang ilang linggo pagkatapos ng C-section, at hintayin ang go signal ng iyong doktor kung kailan ka makakapagsimula sa mga pisikal na aktibidad. Mag-ingat sa mga palatandaan ng impeksyon tulad ng pamumula, nana, dugo, at lagnat.
Pagdurugo
Normal na makaranas ng postpartum bleeding (lochia), normal delivery o C-section man. Ang iyong katawan ay naglalabas ng labis na dugo, tissue, at uhog na kinailangan nito upang lumaki at mapangalagaan ang baby.
Fresh blood at mabigat ang daloy ng pagdurugo sa unang 3-10 araw, saka ito hihina. Sa kalaunan ay magiging pinkish ang kulay nito, at pagkatapos ay magiging puti o madilaw-dilaw. Asahan na makaranas ng kaunting pagdurugo at spotting sa loob ng hanggang anim na linggo.
Anong gagawin
Gumamit lamang ng mga napkin. Ang mga tampon ay maaaring magpasok ng bakterya at magdulot ng mga impeksyon sa iyong nagpapagaling na vaginal canal. Maaari kang gumamit ng mga panty liner sa kalaunan habang ang pagdurugo ay unti-unting gumagaan.
Kung nakakapuno ng dalawang napkin sa loob ng isang oras, at ganun pa rin para sa susunod na dalawang oras, dapat kang kumunsulta kaagad sa isang doktor. Maaaring ito ay isang senyales ng postpartum hemorrhage, na isang uri ng pagdurugo na nangangailangan ng medikal na atensyon sa lalong madaling panahon — ngunit huwag mag-panic! Kung nakakaranas ka ng mga ganitong sintomas, gawin ang mga kinakailangang hakbang upang matiyak na magamot ka ng isang eksperto.
Almoranas
Ang almoranas ay mga namamagang ugat sa loob at paligid ng tumbong o anus. Maaaring nabuo mo ang mga ito sa panahon ng pagbubuntis o panganganak, habang iniiri ang iyong baby. Ang pananakit at pagdurugo pagkatapos ng pagdumi ay kadalasang nararanasan kapag ikaw ay may almoranas.
Anong gagawin
Upang mapawi ang pamamaga at pananakit, maglagay ng ice pack sa loob ng 20 hanggang 30 minuto, ilang beses sa isang araw kung kinakailangan. Makakatulong din ang sitz bath sa mainit o may yelong tubig.
Mayroon ding mga over-the-counter na gamot tulad ng witch hazel at hemorrhoids ointment. Maaaring ring uminom ng mga pampalambot ng dumi upang maiwasan ang pagtitibi, ngunit laging kumunsulta muna sa doktor bago uminom ng anumang uri ng gamot.
Kung ang iyong almoranas ay nagpapahirap sa iyong umupo nang kumportable, makakatulong ang paggamit ng isang hugis-donut na unan (‘yung may butas sa gitna) para mas komportable kang makakaupo.
Pagtitibi
Karaniwan ang pagtibi pagkatapos ng panganganak. At maaaring tumagal ng ilang araw bago maging regular ang iyong pagdumi.
Maaari kang ma-constipated dahil sa iyong mga pain-relievers na iniinom o kung binigyan ka ng anesthesia para sa isang pamamaraan. Pero minsan, baka dala lang ito ng takot mo! Marahil ay natatakot ka na ang iyong perineum o almuranas ay lumala.
Anong gagawin
Uminom ng maraming tubig at kumain ng mga fiber-rich food tulad ng whole grains, sariwang prutas, at mga gulay. Kumunsulta sa doktor kung ‘di pa rin dumudumi sa loob ng apat na araw pagkatapos ng panganganak.
Mga pinagmulan:
Postpartum Pain Management. (n.d.). Newton-Weslley Hospital. https://www.nwh.org/patient-guides-and-forms/postpartum-guide/postpartum-chapter-2/postpartum-care-pain-management
Recovering from Delivery (Postpartum Recovery). (n.d.). Family Doctor. https://familydoctor.org/recovering-from-delivery/
Vann, M. (November 10, 2010). How to Manage Pain After Pregnancy. Everyday Health. https://www.everydayhealth.com/pain-management/pain-after-pregnancy.aspx
Pallarito, K. (September 15, 2021). Postpartum Symptoms and Solutions. What To Expect. https://www.whattoexpect.com/first-year/postpartum-symptoms.aspx#symptoms