Ang iyong katawan ay nakakaranas ng maraming pagbabago sa loob ng siyam na buwan ng pagbubuntis. Ang ilang mga pagbabago ay maaaring magpatuloy, o dumating lamang pagkatapos ng panganganak. Ang isa sa mga pinakakaraniwang pinoproblema ng mga bagong ina ay ang paglawlaw ng mga suso.
Mga sanhi ng paglawlaw ng mga suso
Karamihan sa mga kababaihan, nagpapasuso man sila o hindi, ay nakakaranas din ng paglawlaw ng mga suso pagkatapos manganak. Iyon ay dahil lumalaki ang suso sa panahon ng pagbubuntis.
Ang mga tisyu sa mga suso at mga milk-producing glands ay lumalaki bilang paghahanda sa pag-aalaga sa baby. Pagkatapos, lumiliit sila pabalik sa dating laki, kapag hindi na nagpapasuso ng baby. Maaari mong mapansin na ang iyong mga suso ay mas lumawlaw, kumpara sa bago ka nabuntis.
Babalik ba ang iyong mga suso sa dating kalagayan bago ka nabuntis?
Walang kasiguraduhan na babalik sila sa dating sukat at hugis. Maraming mga bagay na maaaring mag-ambag sa paglawlaw ng mga suso, kabilang ang:
- Edad
- Gravity
- Mataas na body mass index o timbang
- Mga hormones
- Biglang pagbaba ng timbang na sinusundan ng pagtaas ng timbang (o vice versa)
- Paninigarilyo
- Mas malaking sukat ng dibdib
- Lahi
Ano pwedeng gawin tungkol sa mga paglawlaw ng mga suso
Ang ilan sa mga bagay na nakalista sa itaas ay hindi mo kontrolado, gaya ng edad at lahi. Gayunpaman, may ilang mga bagay na maaaring makatulong na mapabagal ang paglawlaw ng mga suso.
Magsuot ng tamang sukat at uri ng bra
Hindi mababago ng bra ang iyong mga suso, ngunit maaari nilang panatilihing suportado ang iyong mga suso habang dumadaan ka sa pagbubuntis at lactation phase.
Pumili ng mga bra na kumportable at akma sa sukat mo. Baka gusto mo ring mamuhunan sa mga sports bra na nagbibigay ng tamang suporta kung plano mong mag-ehersisyo pagkatapos ng pagbubuntis.
Mag-ehersisyo nang regular
Ang paggawa ng mga ehersisyo para sa mga kalamnan sa dibdib, balikat, upper arms, at likod ay hindi nakakaapekto sa laki o hugis ng mga suso. Gayunpaman, ang pag-eehersisyo ng mga kalamnan na ito (lalo na ang dibdib) ay maaaring makatulong na gawing tila mas angat ang iyong mga suso kumpara sa dati (pero tandaan na wala rin itong kasiguraduhan).
Hindi ka obligadong magbawas ng timbang pagkatapos ng panganganak. Ang mas mahalaga kaysa sa pagbabago ng iyong hitsura ay ang paglalaan ng oras para alagaan ang sarili at ang iyong baby, at mag-adjust sa buhay bilang isang ina.
Huminto sa paninigarilyo
Ang tobacco ay nakakapangit sa balat at kutis. Ang paninigarilyo ay nakakasira sa collagen at elastin, na responsable para sa pagpapanatiling makinis ang balat.
Bigyang pansin ang iyong diyeta
Walang diyeta na maaaring pigilan ang balat mula sa pagtanda o baligtarin ang mga epekto ng gravity. Ngunit ang mga pagkaing puno sa antioxidants tulad ng berries, beans, at spinach ay mabuti para sa balat at buong katawan.
Mabuti ring uminom ng maraming tubig. Mananatiling maganda ang balat kapag hydrated, para hindi ito magmukhang tuyo at lawlaw.
Mga pinagmulan:
Lifestyle Desk. (August 3, 2021). It Isn’t Breastfeeding but Pregnancy That Causes Sagging! Five Ways to Get Back Your Breast Shape After Childbirth. News18. https://www.news18.com/news/lifestyle/it-isnt-breastfeeding-but-pregnancy-that-causes-sagging-five-ways-to-get-back-your-breast-shape-after-childbirth-4039328.html
WebMD Editorial Contributors. (May 25, 2021). What to Know About Sagging Breasts. WebMD. https://www.webmd.com/women/what-to-know-about-sagging-breasts
Targonskaya, A. (May 10, 2019). Breasts After Breastfeeding: 10 Tips on How to Bounce Back. Flo. https://flo.health/being-a-mom/recovering-from-birth/breasts-after-breastfeeding
Brown, M. (March 28, 2023). What to Know About Sagging Breasts After Pregnancy. Parents. https://www.parents.com/pregnancy/my-body/postpartum/how-to-prevent-sagging-breasts-after-pregnancy/
White, A. (July 11, 2018). Treating Saggy Breasts. Healthline. https://www.healthline.com/health/saggy-breasts