Baka handa ka nang magkaanak o hindi ka na aktibo sa pakikipagtalik, kaya’t naiisip mong itigil na ang paggamit ng kontraseptibo. Anuman ang dahilan, mainam na gawin itong tama at ligtas.
Para sa ilang mga kontraseptibo, maaari mong biglang ihinto ang paggamit kahit kailan mo gusto. Ngunit para sa iba, kakailanganin mong magpunta sa iyong healthcare provider.
Pills
Maaari mong ihinto ang pag-inom ng pills kahit kailan mo gusto. Hindi na kailangang ubusin ‘yung pills, ngunit mas mabuti kung tatapusin mo ang buong pakete. Sa ganoong paraan, hindi magugulo ang iyong cycle at maaari mong asahan na reglahin ka ilang araw ng paghinto ng pills
Injectables
Ang mga contraceptive injectable ay nagbibigay ng proteksyon sa nagtatagal ng tatlong buwan. Kung gusto mong itigil ang paggamit nito, huwag ka lang magpaturok ng susunod na dosis.
Tandaan na maaaring mas matagal bago bumalik sa normal ang iyong menstrual cycle at tsansa na mabuntis. Para sa ilan, bumabalik ang kanilang regla pagkatapos ng anim na buwan mula sa huling turok, ngunit maaaring tumagal ito kaysa doon.
Copper IUD
Ang copper IUD ay maaaring magbigay ng hanggang 10 taon ng proteksyon. Ngunit maaari mo itong ipatanggal kahit hindi pa umaabot ng ganoong katagal.
Magpa-appointment sa iyong healthcare provider para ligtas na maalis ang iyong IUD. Ang proseso ay tumatagal lamang ng ilang minuto.
Maaari kang mabuntis kaagad kapag naalis na ito, at maaaring makaranas ka ng kaunting pananakit ng puson at spotting sa loob ng ilang araw.
Anuman ang nakikita mo sa internet, huwag subukang alisin ang iyong IUD nang mag-isa. Baka malagay mo lang ito sa alanganin na posisyon, na maaaring humantong sa matinding pananakit.
Implant
Tulad ng IUD, kailangan mong pumunta sa iyong healthcare provider para maalis ang iyong implant. Maaari kang mabuntis kaagad kapag naalis na ang implant.
Mga huling paalala
Normal para sa iyong katawan na makaranas ng ilang pagbabago pagkatapos itigil ang paggamit ng kontraseptibo.
Ang ilang mga kontraseptibo ay nagbibigay ng iba pang mga benepisyo maliban sa proteksyon, tulad ng pagpawi sa ilang mga sintomas ng PMS, pagkontrol sa pagtubo ng taghiawat at buhok sa iba’t ibang parte ng katawan, at pagpapagaan sa daloy ng regla. Maaari mong asahan na babalik ang lahat ng mga bagay na iyon pagkatapos ihinto ang paggamit ng kontraseptibo.
Alalahanin rin ang iyong tsansa na mabuntis kapag itinigil na ang paggamit ng kontraseptibo. Ngunit gaano man katagal o kaikli ang paggamit mo ng kontraseptibo, hindi ito nakakaapekto sa iyong pagkamayabong at tsansa na mabuntis.
Mga pinagmulan:
WebMD Editorial Contributors. (March 9, 2023). Stopping the Pill? 10 Ways Your Body May Change. WebMD. https://www.webmd.com/sex/birth-control/stopping-pill-10-ways-body-changes
Your Guide to Going Off of Birth Control. (June 16, 2021). Cleveland Clinic. https://health.clevelandclinic.org/your-guide-to-going-off-of-birth-control/