fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Paano malalaman kung delayed ang pagdadalaga?

How to spot delayed puberty in females

Ang pagdadalaga ay isa sa mga mahahalagang milestones ng mga babae. Nakakaranas sila ng iba’t ibang pagbabago, na maaaring maging kapana-panabik para sa kanila. Ang mga pagbabagong ito ay hindi nangyayari sa loob ng isang araw lamang, at ang buong proseso ay maaaring tumagal ng ilang buwan hanggang ilang taon.

Gayunpaman, may mga batang babae na maaaring makaramdam na tila “naiiwan” o “nahuhuli” sila dahil hindi nila naranasan ang mga pagbabagong pinagdadaanan ng kanilang mga kaedaran. Maaaring nakakaranas sila ng delayed na pagdadalaga, at narito ang lahat ng kailangan mong malaman tungkol dito.

Kailan itinuturing na delayed ang pagdadalaga?

Ang katawan ng mga batang babae ay dumaraan sa maraming pagbabago sa panahon ng pagdadalaga. Madalas kasama dito ang paglago ng buhok sa iba’t ibang parte ng katawan, paglaki ng mga suso, at pagtangkad, bukod sa iba pa. Ang mga ito ay karaniwang nagsisimula sa pagitan ng edad na 8-14 taong gulang.

Ngunit sa delayed na pagdadalaga, ang mga pagbabagong ito ay hindi nangyayari; at kung nangyari man, hindi normal ang pag-develop. Maaaring hindi lumaki ang mga suso sa edad na 13 o maaaring hindi magsimula ang regla sa edad na 16 o sa loob ng 5 taon mula nang lumaki ang mga suso.

Anong mga sanhi ng delayed na pagdadalaga?

Nasa lahi

Sa karamihan ng mga kaso, medyo nahuhuli lang ang pagsisimula ng pagdadalaga, kumpara sa karaniwan. Pero sa sandaling ito ay nagsimula, nagpapatuloy rin naman nang normal. Ang mga ganitong kaso ay tinatawag na constitutional delay, o ‘later bloomers.’

Ito ang pinaka-karaniwang sanhi ng delayed na pagdadalaga, at namamana ‘to sa pamilya. Ang mga late bloomer ay hindi karaniwang nangangailangan ng paggamot.

Mga medical conditions

Ang mga may chronic conditions ay maaaring mas huli magdalaga kumpara sa kanilang mga kaedaran. Ito’y dahil ang kanilang sakit ay maaaring hadlangan ang katawan na lumaki at mag-develop sa normal na bilis. Kabilang sa mga medical conditions na ito ay ang:

  • Diabetes
  • Cystic fibrosis
  • Sakit sa atay at bato
  • Mga autoimmune diseases, tulad ng Hashimoto thyroiditis o Addison disease
  • Turner syndrome, isang genetic disorder
  • Hypothyroidism
  • Inflammatory bowel disease (IBD)
  • Celiac sprue
  • Hypogonadism, kung saan ang mga ovary ay kulang o walang nililikhang hormones

Ang paggamot at pagkontrol sa mga kundisyong ito ay maaaring makabawas sa tsansa ng delayed na pagdadalaga.

Bukod sa mga sakit, mayroon ding mga gamot na maaaring magdulot ng hypogonadism, tulad ng chemotherapy o radiation treatment na nakakaapekto sa mga ovary.

Kakulangan ng taba sa katawan

Ang taba sa katawan ay may ambag rin sa paggawa ng mga hormones. Kaya kung masyadong kaunti ang taba sa katawan, ang pagdadalaga ay maaaring maantala. Ang kasong ito ay karaniwan sa mga batang babae na kulang sa nutrisyon, may eating disorder, o sobrang aktibo sa sports.

Paano natutukoy kung delayed ang pagdadalaga?

Ang doktor — karaniwang isang endocrinologist — ay magsasagawa ng physical examination, susuriin ang medical history ng pasyente, at magtatanong tungkol sa anumang mga gamot na iniinom o paggamot sumasailalim.

Ang mga blood test ay maaari gawin para suriin ang thyroid, pituitary, chromosomal, o iba pang mga problema, pati na rin ang bone age x-ray upang makita kung normal na ang pag-mature ng mga buto.

Paano ginagamot ang delayed na pagdadalaga?

Hindi palaging kinakailangan ng pag-gamot  sa mga late bloomer at sa mga walang problema sa kalusugan. Para sa mga batang babae na may masyadong mababang taba sa katawan, makakatulong ang pagkain ng mas marami at pagtaas ng timbang sa pagdadalaga. Samantala, ang mga batang babae na may primary ovarian insufficiency o permanenteng kakulangan ng gonadotropin ay maaaring bigyan ng mababang dosis ng estrogen sa loob ng apat hanggang anim na buwan. Maaari rin silang bigyan ng progestin pagkatapos ng 12-18 buwan.

Mga pinagmulan:

Delayed puberty in girls. (n.d.). MedlinePlus. https://medlineplus.gov/ency/article/007694.htm#:~:text=Delayed%20puberty%20in%20girls%20occurs,8%20to%2014%20years%20old 

Delayed Puberty in Girls: Information for Parents. (June 9, 2015). American Academy of Pediatrics. https://www.healthychildren.org/English/ages-stages/gradeschool/puberty/Pages/Delayed-Puberty-in-Girls-Information-for-Parents.aspx 

Grunwald, T. (September 2019). Delayed Puberty. Kids Health. https://kidshealth.org/en/teens/delayed-puberty.html 

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon