fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Paano Palakasin ang Kumpiyansa sa Kama

Mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na kumpiyansa sa lahat ng ating ginagawa, sa trabaho man o sa mga personal na aktibidad. Sa kama, ang tiwala sa sarili ay nakakatulong sa maraming paraan. Maaari nitong buksan ang pinto tungo sa pinakamasarap na pagsisiping ninyo ng partner mo. Heto ang iilang paraan para mapatibay ang iyong kumpiyansa sa kama at kung bakit makakabuti ang ito.

Maging komportable ka sa iyong katawan

Ang kumpiyansa ay tungkol sa pagkakaroon ng tiwala sa iyong sarili, kaya mainam na tanggapin mo ang katawan mo kung nais mong patibayin ang iyong sekswal na kumpiyansa. Pwede kang humarap sa salamin at pahalagahan mo ang anumang makikita mo. Ipaalala mo na rin sa iyong sarili na karapat-dapat kang makaranas ng kasiyahan. Hindi mo kailangang magkaroon ng matigas na abs o mga naglalakihang braso para maging sexy. Tandaan mong sa kahit anong oras, may kakayahan kang maging sexy. Kapag komportable ka na sa katawan mo, magiging madali na lamang ang pagbabahagi nito sa iyong karelasyon.

Bumuo ng matibay na komunikasyong sekswal

Ang kakayahang matukoy kung nasa mood ba ang iyong partner ay maaaring makatulong sa pagpapalakas ng iyong kumpiyansa sa pakikipagtalik, at ang pagkakaroon ng malinaw na komunikasyong sekswal ay makakatulong naman dito. Kung kayo ng partner mo ay may klaro at komportableng paraan ng pagpapahiwatig ng pagnanasa, matutukoy mo kung kailan ka dapat maghandang sumabak sa pagtatalik. May mga magkarelasyong gumagamit ng code words o partikular na kilos gaya ng kindat, himas sa leeg, o mapang-akit na bulong. May mga iba namang komportable sa direktang pag-uusap. Anuman ang mapagkasunduan niyong paraan ni partner, makakatulong ito sa pagpapahiwatig na kayo’y magtatalik mayamaya, at dapat mo nang isiping sexy ka.

Humanap ng magandang timing

Isa pang maidudulot ng pagkakaroon ng klarong komunikasyong sekswal ay ang pagpapadali ng pagtukoy sa mga bagay na nakaka-turn on sa partner mo. Dahil dito, magiging madali para sa iyo na ilagay sa mood ang partner mo. Ang kakailanganin mo na lang ay pumili ng magandang timing. Mainam na maintindihan mo kung kailan madaling ma-turn on si partner. Kung napapansin mong mabilis siyang ma-turn on pagkatapos ng isang nakakapagod na araw sa trabaho, dapat mo nang tandaan ‘yon para sa susunod na pagkakataong uuwi siya mula sa opisina. Sa pagpili ng tamang timing para sa mga sekswal na aktibidad, masisiguro mong matutuwa si partner, at ito’y magpapalakas ng iyong kumpiyansa sa pakikipagtalik.

Mag-practice

Narinig na nating lahat ang kasabihang “practice makes perfect”. Sa pamamagitan ng paulit-ulit na paggawa ng mga sekswal na aktibidad (mag-isa man o kasama ang iyong kapareha), matutuklasan mo ang mga bagay na makakapagdala sa iyo ng kasiyahan at ang mga bagay na nagpapainit sa iyong kapareha. Pwede mong gamitin ang kaalamang ito para patibayin ang iyong tiwala sa sarili. Panatilihin niyo ni partner ang pagkakaroon ng ligtas na pagtatalik, at tandaan mo ang lahat ng mga bagay na maaaring magpangiti, mangiliti, o magpaungol sa kanya. Sa kalaunan, maiintindihan mo rin kung saan at kailan mo siya dapat haplusin.

Kung gusto mong matuto tungkol sa pagpapalakas ng iyong kumpiyansa sa kama, panoorin ang Episode 4 ng The Naked Truth Show kung saan tinatalakay ng influencer/content creator na si Macoy Dubs (bilang Gina G) at sexologist na si Dr. Rica Cruz ang iba’t ibang paraan para magkaroon ng tiwala sa sarili pagdating sa sex.

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon