fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Paglilinaw sa 5 na sabi-sabi tungkol sa pagbubuntis

Maraming pinaniniwalaang pamahiin at sabi-sabi ang mga Pilipino. Halos lahat ng bagay ay may pamahiin — pati ang pagbubuntis hindi nakawala sa ganitong kultura!

Hindi biro ang pagbubuntis. At higit pa riyan, ang mga buntis ay madalas na nabobomba ng iba’t ibang (at kadalasang magkasalungat at nakakalito) mga payo mula sa mga kaibigan at kapamilya.

Narito ang ilan sa mga pamahiin na madalas marinig ng mga moms-to-be.

Sabi-sabi 1: Magiging kambal ang anak kapag kumain ng kambal na saging

Ang mga kambal na saging — o, ayon sa ibang pamahiin, kambal na pula ng itlog — ay hindi nagsasanhi ng mga kambal na sanggol.

May dalawang paraan kung paano nagkakaroon ng kambal. Ang mga identical twins ay nabubuo kapag ang isang embryo ay nahati sa dalawa pagkatapos ng pertilisasyon. Ang isa pang paraan ay kapag ang dalawang esperma ay nakapertilisa ng dalawang magkahiwalay na selulang itlog. Ito naman ay nagreresulta sa fraternal twins.

Sabi-sabi 2: Ang itsura ng sanggol ay nakadepende sa pinaglilihiang pagkain

Ang sabi-sabi ay kapag kumain ng chocolate o anumang pagkain na maitim ang kulay, maitim rin daw ang kutis ng sanggol. Kapag kumain naman daw ng mapuputing pagkain tulad ng gatas, magiging maputi rin daw ang sanggol.

Paglilihi, o mga food cravings o pagkahumaling sa mga bagay, ay walang epekto sa itsura ng sanggol. Ang kutis at itsura ng iyong sanggol ay depende sa lahi mo at ng ama ng sanggol.

Sabi-sabi 3: Iwasan ang pagsusuot ng mga kuwintas o pagbalot ng twalya sa leeg

Sa pangalawa o pangatlong trimester, posibleng pumulupot ang umbilical cord sa leeg ng sanggol. Pero hindi dahil sa pagsusuot mo ng kuwintas o pagbabalot ng twalya sa leeg.

Ang tanging sanhi nito ay ang paggalaw ng sanggol, at walang kinalaman sa anumang bagay maliban dito.

Kung nangangamba sa kondisyon ng sanggol, mabuting regular na magpunta sa doktor bago manganak para masiguro na hindi ito mangyari.

Sabi-sabi 4: Malalaman ang kasarian ng sanggol base sa iyong itsura habang nagbubuntis

Marami kang mararanasan na pagbabago sa iyong katawan habang ika’y buntis. At isa sa mga sikat na sabi-sabi ay ang itsura mo daw habang nagbubuntis ay magbibigay ng pahiwatig kung ano ang kasarian ng iyong sanggol.

Kapag mayroon ka daw mga dark spots o hyperpigmentation, lalaki daw ang iyong sanggol. Kapag blooming ka daw — o karaniwang tinatawag na “pregnancy glow” — baka babae ang iyong sanggol.

Kahit gaano kasikat ang sabi-sabi na ‘to, ang tanging paraan para malaman ang kasarian ng baby ay sa pamamagitan ng ultrasound at iba pang pagsusuri.

Sabi-sabi 5: Dapat kumain para sa dalawang tao

Oo, pang dalawang tao ka na kakain, pero tandaan na napaka liit lang ng pangalawang tao!

Hindi tamang dahilan ang pagbubuntis para doblehin ang kain o ang kinokonsumong calories araw-araw. Kailangan mo lang ng dumagdag ng 200-300 calories araw-araw.

Ang labis at hindi masustansyang pagkain ay maaaring magsanhi ng gestational diabetes at labis na pagdagdag ng timbang. Maaari ito maging mapanganib para sa iyo at iyong sanggol, o gawing mas mahirap ang labor.

Mas mabuting pagtuunan ang pagkakaroon ng masustansya at balanseng diyeta kaysa sa pagbilang ng calories. Tanungin ang iyong doktor kung ano-ano ang mga pagkain na mabuting kainin habang nagbubuntis.

Mga pinagmulan:

https://www.cordlife.ph/en/blog/pregnancy-myths

https://www.anmum.com/ph/en/pregnancy/nutrition/paglilihi-usog-and-other-filipino-pregnancy-myths

https://www.makatimed.net.ph/news-and-exhibits/news/6-pregnancy-superstitions-debunked

https://cnnphilippines.com/lifestyle/2018/12/10/pregnancy-myths-real.html

https://www.britannica.com/story/9-bizarre-myths-about-pregnancy

https://www.pregnancybirthbaby.org.au/common-myths-about-pregnancy

https://ph.theasianparent.com/pamahiin-debunking-5-pinoy-pregnancy-myths

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon