fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Paglilinaw sa 7 na sabi-sabi tungkol sa kanser sa suso

Ang kanser sa suso ay isa sa mga pinaka pinag-uusapan na klase ng kanser. Pero kahit madalas siyang pag-usapan, maraming saliksik, at may mga mabisang lunas para dito, marami pa ring mga sabi-sabi at maling paniniwala ukol dito. Nakakatakot na nga ang magkaroon ng kanser, at lalo pang nakakadagdag sa takot ay ang mga maling sabi-sabi.

Narito ang mga paliwanag sa ilang mga pinaka karaniwang sabi-sabi ukol sa kanser sa suso.

Sabi-sabi 1: May kanser ka sa suso kapag may nakapa na bukol

Hindi naman lahat ng bukol sa suso ay kanser na kaagad. Karaniwan, sila’y benign, o hindi cancerous. At posible ring magkaroon ng kanser sa suso kahit walang nakakapang bukol.

Iminumungkahi na gawin ang mga self-breast exams kada buwan para mapanatiling malusog ang mga suso at agad na mapansin ang mga kakaibang sintomas, pati na rin ang mammogramphy dahil hindi naman lagi nagsasanhi ng bukol ang kanser sa suso.

Sabi-sabi 2: Hindi nagkakaroon ng kanser sa suso ang mga lalaki; mga babae lamang

Iba man ang istraktura ng dibdib ng mga lalaki kumpara sa mga suso ng mga babae, maaari pa rin magkaroon ng kanser sa suso ang mga lalaki.

Para sa mga lalaki, ang kanser sa suso ay karaniwang lumalabas bilang matigas na bukol sa ilalim ng utong at areola. Mas maraming lalaki ang namamatay dahil sa kanser sa suso, kumpara sa mga babae, dahil hindi ito masyadong alam o pinag-uusapan. Dahil dito, hindi agad-agad nasusuri at nagagamot. 

Sabi-sabi 3: Malamang magkakaroon ka rin ng kanser sa suso kapag nasa lahi niyo ito

Ang mga babaeng may lahi ng kanser sa suso sa kanilang pamilya ay may mas mataas na panganib, pero 5-10% lamang ng kaso ng kanser sa suso ay pinaniniwalaang genetic. Karamihan ng mga nagkakaroon ng ganitong kanser ay walang kapamilya na nagkaroon ng kanser sa suso. Ibig sabihin nito na may kinalaman rin ang mga risk factors gaya ng pamumuhay, kapaligiran, at edad.

Sabi-sabi 4: Nakakasanhi ngsa kanser sa suso ang paggamit ng mga deodorants at antiperspirants

Isa sa mga napakatagal nang sabi-sabi tungkol sa kanser sa suso ay ang sabi-sabi na sanhi raw ito ng mga deodorants at antiperspirants.

Ayon sa isang teorya, sinisipsip daw ng mga lymph nodes ang aluminum at iba pang kemikal sa produkto, saka napupunta sa mga selula ng suso.

Sabi naman ng isa pang teorya, ang mga antiperspirants daw ay pumipigil sa kilikili na magpawis at ang mga lymph nodes na magpakawala ng mga toxins; kaya nagsasanhi ng kanser sa suso.

Ngunit, walang matibay na ebidensya na may koneksyon ang kanser sa suso at ang paggamit ng mga antiperspirants.

Sabi-sabi 5: Nakakasanhi ng kanser sa suso ang mga bra na may underwire

Isa rin sa mga sikat na sabi-sabi ay ang paggamit daw ng mga bra — lalo na ‘yung mga may underwire — ay nakakapigil sa pagdaloy ng mga lymph node fluids, saka bumabara ang mga toxins na nagsasanhi ng kanser sa suso.

Ang pagsuot ng mga bra na masyadong maliit o masikip ay hindi komportable at maaaring magsanhi sa pananakit at pamamaga, pero walang saliksik na nagpapatunay na nagsasanhi ng kanser sa suso ang mga bra.

Sabi-sabi 6: Nakakasanhi ng kanser sa suso ang pagpipisil o kapag natamaan ang suso

Hindi nagsasanhi ngs kanser kapag ang mga suso o utong ay natamaan, pinisil, o kinurot. Pero maaari itong maging dahilan ng pamamaga at pasa, na masakit kapag nahahawakan.

Sabi-sabi 7: Nakakasanhi ng kanser sa suso ang mga mobile phones

Walang saliksik na nagpapakita ng koneksyon ng radiation ng mga mobile phones at kanser sa suso. Ngunit, iminumungkahi pa rin ng mga tagagawa na ilayo ang mga gadyet sa katawan kapag maaari.

Mga pinagmulan:

https://www.breastcancer.org/symptoms/understand_bc/myths-facts

https://breastcancernow.org/information-support/have-i-got-breast-cancer/breast-cancer-causes/10-common-breast-cancer-myths-dispelled

https://www.nationalbreastcancer.org/breast-cancer-myths/

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon