fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Pagkalaglag: Mga senyales, sanhi, at paano ito haharapin

Ang pagkalaglag ay ang kusang pagkawala ng sanggol bago pa ang ika-20 linggo ng pagbubuntis. Karaniwang nangyayari ito sa unang tatlong buwan.

Mga 10-20% ng kumpirmadong pagbubuntis ay nagtatapos sa pagkalaglag. Medyo karaniwan man ito, hindi ibig sabihin na madali itong pagdaanan.

Maraming posibleng medikal na rason para sa pagkalaglag, at kadalasan walang kontrol ang babae dito. Makakatulong sa iyo ang pag-alam ng mga senyales, sanhi, at peligro para mas maintindihan ito at makakuha ng angkop na suporta at lunas.

Mga senyales at sintomas

Iba-iba ang senyales at sintomas para sa bawat tao. May ibang kaso na sa sobrang bilis at biglaan ang pangyayari, nalaglagan na pala ang tao bago pa niya malaman na siya’y buntis.

Ito ang mga karaniwang senyales at sintomas ng pagkalaglag:

  • Pagdurugo na magaan sa simula at pabigat nang pabigat ang daloy.
  • Matinding pananakit ng puson
  • Banayad hanggang matinding pananakit ng likod
  • Vaginal discharge na mukhang tisyu o white-pink na uhog
  • Contractions

Hindi lang pagkalaglag ang posibleng sanhi ng mga sintomas na ‘to. Karamihan sa mga babae na nakaranas ng kaunting pagdurugo sa unang tatlong buwan ay nagkaroon ng malusog na pagbubuntis. Makipag-ugnayan kaagad sa doktor kung nakakaranas ng alinman sa mga sintomas o kung sa palagay mo’y ika’y nalaglagan.

Diagnosis

Pwede kang ipasailalim ng iyong doktor sa mga pagsusuri tulad ng:

  • Pelvic exam para malaman kung bumuka ang iyong sipitsipitan.
  • Ultrasound para makita ang tibok ng puso ng sanggol.
  • Mga blood test para makita ang antas ng human chorionic gonadotropin (HCG), ang hormon sa mga buntis, at ikukumpara ito sa mga nakaraang resulta mo. Pwede ring tignan ng iyong doktor kung ikaw ba’y anemic kung nakaranas ng matinding pagdurugo.
  • Mga tissue test para masuri ang mga tissue na lumabas sa iyong katawan at matukoy kung ito ba’y sanhi ng pagkalaglag o ng ibang bagay.
  • Mga chromosome test kung nakaranas ng dalawa o higit pang pagkalaglag dati. Makakatulong ito para matukoy kung may kinalaman ba ang lahi mo o ng iyong partner.

Mga sanhi

May mga bagay na maaaring makataas ng tsansa ng pagkalaglag, at kadalasan hindi ito sanhi ng iyong ginawa o hindi ginawa.

Kapag buntis, ang katawan ay lumilikha at nagpapadala ng mga hormon at nutrisyon sa sanggol para lumaki ito nang mabuti. Karamihan ng mga pagkalaglag ay nangyayari sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis dahil hindi lumalaki ang sanggol nang maayos, hindi dahil sa mga problemang namana mula sa magulang. Mga kalahati ng kaso ay resulta ng problema sa mga chromosomes at sa paglaki ng embryo.

Mga problema sa genetics at chromosomes

Ang mga chromosomes ay naglalaman ng mga genes. Para lumaki ang isang fetus, isang set ng mga chromosomes ay manggagaling sa nanay, at isang set mula sa tatay.

Ang mga problema sa genetics at chromosomes ay maaaring magdulot ng:

  • Blighted ovum: Nangyayari ito kapag hindi nabuo ang embryo.
  • Intrauterine fetal demise: May nabuong embryo, pero tumitigil lumaki bago pa makaranas ng mga sintomas ng pagkalaglag.
  • Molar pregnancy: Ang parehong set ng mga chromosomes ay nanggaling sa tatay, at walang fetal development na naganap. Karamihan ng mga ganitong kaso ay may kaugnayan sa kakaibang paglago ng placenta.
  • Partial molar pregnancy: May isang set ng mga chromosomes mula sa nanay, pero doble ang set ng mga chromosomes na galing sa tatay. Karamihan ng mga ganitong kaso ay may kaugnayan sa problema sa placenta at fetus.

Mga risk factors

Sa ilang mga kaso, ang kalusugan at pamumuhay ng ina ay maaaring mag-ambag sa panganib para sa pagkalaglag. Ang mga halimbawa ng mga risk factors ay:

  • Napabayaang dyabetis
  • Thyroid disease na hindi nagamot
  • Mga impeksyon
  • Problema sa mga hormones
  • Kakaibang hugis ng matris
  • Problema sa sipitsipitan o cervix
  • Pagiging underweight o obese
  • Paninigarilyo
  • Pag-inom ng alak
  • Paggamit ng mga droga

Ang edad ay pwede ring risk factor; ang panganib ng pagkalaglag ay tumataas mula 35 taong gulang pataas. Ang mga babae na nakaranas na ng dalawa o higit pang magkakasunod na pagkalaglag ay may mas mataas na panganib.

Cervical insufficiency

Pwedeng makunan kapag mahina ang cervix ng ina. Ang tawag dito ay cervical insufficiency, kung saan hindi kayang suportahan ng cervix ang pagbubuntis. Ang ganitong klaseng pagkalaglag ay karaniwang nangyayari sa second trimester.

Maaaring malunasan ng mga doktor ang insufficient cervix sa pamamagitan ng pagtatahi paikot sa cervix para isara ito, at tatanggalin rin ang tahi kapag oras na para magpanganak. Ito ay karaniwang ginagawa sa ika-12 linggo ng pagbubuntis.

Ang ang HINDI nagdudulot ng pagkalaglag

Ang mga sumusunod na aktibidad ay hindi nagdudulot ng pagkalaglag:

  • Ehersisyo, kahit ang pagjo-jogging o pagbibisikleta
  • Pakikipagtalik
  • Pagtatrabaho, maliban kung ika’y na-e-expose sa mga mapanganib na kemikal o radiation

Karamihan sa mga gamot at minor na aksidente tulad ng pagkahulog ay hindi nagdudulot ng pagkalaglag.

Pag-iiwas

Hindi lahat ng pagkalaglag ay naaagapan. Pero may ilang bagay na pwedeng makatulong sa malusog na pagbubuntis at sanggol:

  • Pumunta sa iyong regular na prenatal checkup
  • Umiwas sa mga risk factors tulad ng pag-inom ng alak, paninigarilyo, at paggamit ng mga ilegal na droga
  • Siguraduhin na malusog ang timbang bago ang pagbubuntis at habang nagbubuntis
  • Umiwas sa mga impeksyon sa pamamagitan ng regular na paghuhugas ng mga kamay at pag-iwas sa mga lugar kung saan mataas ang panganib na mahawaan ng impeksyon
  • Uminom ng mga prenatal vitamins
  • Siguraduhin na 200 milligrams ng caffeine lang ang iinumin kada araw, o dalawang caffeinated na inumin lamang
  • Kumain ng mga masustansyang pagkain tulad ng mga prutas at gulay.

Mga uri

May iba’t ibang uri ng pagkalaglag, depende sa mga sintomas at yugto ng pagbubuntis:

  • Threatened miscarriage: Ang mga pangunahing senyales ay ang pagdurugo at pananakit ng puson. Ngunit, hindi lumalaki ang butas ng cervix kaya maaari pa ring matuloy ang pagbubuntis.
  • Inevitable miscarriage: Ang pagdurugo, pananakit ng puson, at paglawak ng cervix ay mga senyales na hindi maiiwasan ang pagkalaglag.
  • Incomplete miscarriage: May mga lumalabas na tisyung mula sa sanggol o inunan, pero posibleng may matira pa rin sa matris.
  • Complete miscarriage: lahat ng tisyung nililikha para sa pagbubuntis ay lumalabas ng katawan. Ito ay karaniwang nangyayari bago ang ika-12 linggo ng pagbubuntis.
  • Missed miscarriage: Namamatay o hindi nabuo ang embryo.
  • Septic miscarriage: May impeksyon sa loob ng matris.
  • Recurrent miscarriage: Tatlo o higit pang pagkalaglag ang nangyayari sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis.

Mga pinagmulan:

https://www.healthline.com/health/miscarriage#:~:text=A%20miscarriage%2C%20or%20spontaneous%20abortion,t%20within%20a%20person’s%20control.

https://www.webmd.com/baby/guide/pregnancy-miscarriage#1

https://www.plannedparenthood.org/learn/pregnancy/miscarriage

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/pregnancy-loss-miscarriage/symptoms-causes/syc-20354298

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon