fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Panlalaking Yeast Infection: Oo, Mayroong Ganito!

Kadalasan, nangyayari ang yeast infection sa mga kababaihan, kaya maaaring hindi mo na isiping mangyayari ito sa’yo dahil ika’y lalaki. Sa katunayan, ang mga lalaki ay maaaring magkaroon ng penile yeast infection, o kilala din bilang candida balanitis o balanitis thrush.

Ang impeksyon na ito ay galing sa fungi na tinatawag na “candida albicans”. Sa ngayon, mayroong maliit na dami sa iyong bibig, sa iyong sistemang pantunaw, o iba pang may mamasa-masang balat sa iyong katawan. Kadalasan, ang mga babae ay may mas maraming dami nito sa kanilang ari, kaya mas madalas silang nagkakaroon ng impeksyon rito.

Kahit na hindi naman talaga masama ang candida albicans, kapag sumobra ang dami ito sa isang lugar, ito ang nagiging dahilan ng impeksyon. Maaari itong mangyari sa kahit saang parte ng iyong katawan.

Mga Kadahilanan

Kung mayroon ka ng isa sa mga ito, mas may tsansa kang magkaroon ng penile yeast infection:

  • Hindi pagpapanatili ng kalinisan sa sarili
  • Hindi tuli
  • Matagal na pag-inom ng antibiotic
  • May diabetes
  • Sobra-sobra ang timbang
  • May problema sa immune system (tulad ng pagkakaroon ng HIV)

Mga sintomas

Kung sa tingin mo ay mayroon kang yeast infection, bantayan ang mga sintomas na ito:

  • Pamumula, pangangati, o parang nasusunog na pakiramdam sa ulo ng ari o sa foreskin
  • Mamasa-masang pakiramdam sa ulo ng ari
  • Namamaga o may mga puting parte sa balat
  • Mabahong inilalabas sa ari na mukhang keso
  • Nahihirapan banatin pabalik ang foreskin
  • Nahihirapang umihi
  • Problema sa pagkakaroon ng ereksyon

Bagaman nakikita na ang mga sintomas na ito, mas mabuti pa ring huwag gamutin mag-isa ito dahil halos katulad din ng mga senyales na ito ang ibang sexually transmitted infections (STI). Mas mabuting ipatingin ito sa doktor upang mas malinawan.

Mga Kumplikasyon

Para sa mga lalaki, ang simpleng yeast infection sa ari ay maaaring maging balanitis. Ang balanitis ay kundisyon kung saan namamaga ang foreskin sa ulo ng ari ng lalaki.

Ang kundisyong ito ay masakit at maaaring magdulot ng hirap sa pag-ihi. Kung mapapabayaan, maaaring magdulot din ito ng peklat sa foreskin o kaya’y pagdirikit sa ari.

Ang isa pang kumplikasyon ay ang tinatawag na “candidema” o “invasive candidiasis”, kung saan ang fungi ay pumapasok at sumasama sa dugo. Nangyayari ito kadalasan sa mga taong matagal bago magpagamot nito o sa mga taong may mahinang immune system.

Paggamot

Kadalasan, ang iyong doktor ay mag-rereseta ng antifungal cream o iba pang gamot na maaaring makapagpaalis ng impeksyon, depende sa kung gaano ito kalala. May ibang mga gamot din tulad ng steriod cream para sa pamamaga o kaya’y iniinom na gamot kung ang fungi ay nasa dugo na. Ang mas malakas na gamot ay nangangailangan ng reseta bago mabili, kaya mabuting ikunsulta ito sa iyong doktor.

Sa ilang mga kaso, bumabalik ang yeast infection pagkatapos gumaling ng ilang linggo. Ang iyong doktor ay bibigyan ka ng lingguhang gamot hanggang sa mawala na ito ng tuluyan.

Pagpigil

Maaari mong maiwasan ang pagkakaroon ng yeast infection sa pagsunod ng mga ito:

  • Paglilinis ng ari ng mabuti, lalo na sa loob ng foreskin kung hindi tuli.
  • Pagbabantay sa iyong timbang
  • Paggamit ng banayad na sabon.
  • Kung may diabetes, palaging bantayan ito
  • Gumamit ng condom kung pakiramdam mo ay may yeast infection ang iyong kapareha
  • Magsuot ng maluwag at komportableng panloob upang mabawasan ang mga lugar sa iyong katawan na nag-iipon ng basa o pawis.
  • Paglimita ng iyong mga kapareha.

Konklusyon

Bagaman madalang mangyari ito sa kalalakihan, malaking problema pa rin ang yeast infection lalo na kung ito’y mapapabayaan. Madali itong maiwasan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas mabuting kalinisan sa katawan at paggamit ng condom sa pakikipagtalik. Maaari rin itong magamot ng pangkaraniwang antifungal cream. Pero mas mabuting ipakunsulta muna ito sa iyong doktor upang mas maging sigurado sa gagawing paggagamot.

Pinagmulan:

https://www.healthline.com/health/mens-health/penile-yeast-infection

https://www.mayoclinic.org/male-yeast-infection/expert-answers/faq-20058464

https://www.webmd.com/men/can-men-get-yeast-infections#1

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon