ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Tansong IUD

copper IUD, intrauterine device, Securit T IUD, Trust IUD, family planning, reproductive health

Sa Isang Tingin:

  • Maliit na instrumento gawa sa plastik at tanso na pinapasok sa matris upang maiwasan ang pagbubuntis.
  • Tumatagal hanggang sampung taon.
  • Hindi gumagamit ng hormon.
  • Kailangan pumunta sa tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan.
  • Hindi halata.
  • Matipid.
  • 99% mabisa.

Ano Ito

Ang tanso na IUD (intrauterine device) ay isang maliit na piraso ng plastik na nakabalot sa tanso at nilalagay ng tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan sa loob ng matris mo. Tumatagal nang ilang taon ang bisa ng proteksyon ng mga IUD—umaabot nang lima hanggang sampu, depende sa uri na kinuha mo. Kung nais mong mabuntis, maaari mong ipatanggal ang IUD anumang oras, kung saan ang pagkamayabong ay bumabalik kaagad.

Sa Pilipinas, mayroong isang uri ng IUD.

Copper T

Isang IUD na hugis T at may tanso sa magkabilang braso at katawan nito. Ito ang pinakapangunahing IUD na magagamit. Pinoprotektahan nito ang mga kababaihan mula sa pagbubuntis nang hanggang sampung taon, at kadalasan ang pinaka-matipid na IUD.

Ang mga IUD ay mabisa na kaagad mula sa sandaling naipasok ito. Kumportable sila at hindi maramdaman ng babae kapag na sa loob na. Kung nararamdaman mo ang iyong IUD pagkatapos ng pagpasok, maaaring senyas ito na wala ang IUD sa tamang lugar. Bihirang mangyari, pero posible. Huwag subukang ayusin ito nang sarili, at mag-iskedyul nang bumisita sa iyong tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan. Hanggang sa mabisita mo siya, huwag umasa sa IUD upang maprotektahan laban sa pagbubuntis, kaya gumamit ng isa pang uri ng proteksyon, tulad ng condom.

Paano Ito Gumagana

Ang tanso sa mga IUD ay nakakagulo sa paggalaw ng mga esperma at pinipigilan ang mga ito na matagpuan ang selulang itlog. Kataka-taka pakinggan, ngunit sobrang mabisa.

Paano Gamitin Ito

Maaari mong ipalagay ang IUD anumang oras ng buwan, ngunit karamihan sa mga tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan ay mas nais na ipasok ito habang ikaw ay nireregla; maaaring ang pinaka komportableng oras ay sa kalagitnaan ng pagreregla mo (Iyon ay kapag ang iyong serviks—ang pagbubukas sa iyong matris—ay pinaka bukas).

Kapag naipasok na nang maayos ang IUD, gugupitin ng tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan ang mga tali, pero mag-iiwan ng sapat na haba para kapag ito ay aalisin na at para matingnan mo kung na sa tamang lugar ang IUD (Hindi naman nakalawit sa ari ang mga tali).

Maaaring makaramdam ng pananakit ng puson kapag nakapasok na ang IUD, ngunit mawawala rin ito sa pahinga at gamot pang-alis ng pananakit. May ilan na maaaring makaramdam din ng pagkahilo. Ilang linggo pagkatapos ng pagpasok, maaaring makaranas ng konting pagdurugo o pananakit ng puson din, ngunit ang mga ito ay mawawala din.

Kapag ipinasok na ang IUD, inirerekomendang tingnan kung na sa tamang posisyon ito isang beses kada buwan. Ang pinakamainam na oras gawin ito ay pagkatapos ng iyong regla dahil bahagyang bumubuka ang iyong serviks, kung kailan ang IUD ay may pinakamalaking posibilidad na mabago ang puwesto. Gayunpaman, bihira na ang IUD ay magalaw. Upang tingnan ang iyong IUD, gawin ang mga sumusunod na direksyon:

  1. Hugasan ang iyong mga kamay gamit ang maligamgam na tubig at sabon.
  2. Mag-iskuwat (tulad ng pagupo sa inidoro).
  3. Ipasok ang isang malinis na daliri sa iyong ari hanggang sa maramdaman mo ang iyong serviks. Medyo matigas ang pakiramdam ng serviks, tulad ng dulo ng ilong.
  4. Pakiramdaman ang mga tali ng IUD. Kung naramdaman mo ang mga ito, ang iyong IUD ay na sa tamang puwesto. Kung hindi mo maramdaman ang mga tali o nararamdaman mo ang dulo ng IUD sa iyong serviks, ang iyong IUD ay wala sa tamang puwesto. Kapag na sa ganitong sitwasyon, huwag subukang ayusin ito nang sarili. Mag-iskedyul na kaagad ng bisita sa iyong tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan, at pansamantalang gumamit ng iba pang paraan ng proteksyon laban sa pagbubuntis.

Mga Positibo

  • Madali at mabilis na proseso ng pagpasok.
  • Pangmatagalan.
  • Ang pagkamayabong ay naibalik kaagad pagkatapos alisin.
  • Napaka-epektibo.
  • Hindi naglalaman ng mga hormon, o nakakahadlang sa iba pang gamot.
  • Hindi kailangan isipin araw-araw ang proteksyon laban sa pagbubuntis, o sa tuwing magtatalik.
  • Maaaring ipaalis ang IUD anumang oras.
  • Tiyak na pangmatagalang proteksyon nang walang masyadong iisipin o gagawin.
  • Ligtas para sa mga naninigarilyo, at mga may hypertension at diyabetis.

Mga Negatibo

Ang pagkabahala sa mga negatibong epekto ay normal, ngunit para sa karamihan sa mga kababaihan, hindi sila namomorblema. Kung nakakaranas ka ng mga negatibong epekto, mawawala rin sila sa paglipas ng panahon.

Ang pinakakaraniwang reklamo:

  • Mas maraming dugo sa regla
  • May konting pagdurugo sa pagitan ng mga pagregla (lalo na sa mga unang ilang buwan pagkatapos ng pagpasok)
  • Pananakit ng puson at likod

Hindi gaanong karaniwang mga problema:

  • Pag-alis o pag-iba ng puwesto ng IUD
  • Pagtulak ng IUD sa uterine lining
  • Impeksyon (karaniwang dahil sa hindi malinis na pamamaraan ng pagpasok)

Karaniwang Maling Pagkaunawa

  • Hindi nagiging sanhi ng kanser, ulser at mga depekto sa kapanganakan.
  • Hindi nagiging sanhi ng pagiging hindi komportable o ng kirot sa mga kababaihan habang nakikipagtalik.
  • Hindi lumilipat sa puso o utak.
  • Ang mga babaeng hindi pa nanganganak ay maaaring gumamit ng IUD.
  • Hindi nakakadagdag sa panganib na makunan ang babae kapag siya ay nabuntis pagkatapos tanggalin ang IUD.

Produkto

Securi-T IUD

Uri

Intrauterine Contraceptive Device

Nilalaman

Ang bawat plastik na hugis T ay may humigit-kumulang na 176mg tanso sa patayong braso nito. Bilang karagdagan, ang bawat pahalang na braso ay may tinatayang 66.5mg tanso na manggas. Ang kabuuang sukat ng tanso sa instrumento ay 380mm2.

Indikasyon

Ang Trust IUD (Model TCu 380A) o Securit-T IUD (Model TCu 380A) ay ginagamit bilang isang epektibong pamamaraan para sa pagpaplano ng pamilya.

Ipinapasok ng isang bihasang doktor o propesyonal na tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan.

Pinagmulan:

https://www.plannedparenthood.org/learn/birth-control/iud/non-hormonal-copper-iud

Please follow and like us:
error

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon