ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Ano Ang Dapat Mong Malaman Tungkol Sa Hindi Nagagamot Na Gonorrhea

reproductive health, family planning, gonorrhea, sti

Ang gonorrhea ay isa sa mga pinaka-karaniwang uri ng sakit na naipapasa sa pagtatalik (STI), na may 78 milyong mga bagong kaso sa buong mundo bawat taon. Maaari itong maikalat sa pamamagitan ng hindi protektadong oral, vaginal, o anal na pagtatalik.

Kamakailan lamang, natuklasan na ang gonorrhea ay nagkakaroon na ng resistensya laban sa gamot, kaya mas mahirap itong gamutin sa kasalukuyan at sa ilang mga kaso ay imposible itong gamutin. Ayon sa bagong data mula sa World Health Organization (WHO), ang mga bakteryang naipapasa sa pagtatalik, na may kakayahang labanan ang lahat ng antibiotic na mayroon sa ngayon, ay mas lalong mahirap gamutin sa kasalukuyan.

“Ang bakterya na nagdudulot ng gonorrhea ay matalino. Sa tuwing gumagamit tayo ng isang bagong klase ng antibiotic upang gamutin ang impeksyon, ang bakterya ay umuusbong upang labanan ang mga ito, “sabi ni Dr Teodora Wi, Medical Officer, Human Reproduction ng WHO.

Ang gonorrhea ay nagiging isang superbug, na nangangahulugang ang mga gamot na karaniwang ginagamit upang gamutin ito ay wala nang bisa. Kung patuloy na lumakas ang resistensiya nito laban sa antibiotic, hindi maganda ang magiging resulta dahil ang sakit na ito ay nagdudulot ng pangmatagalang mga komplikasyon tulad ng pagkabaog, kung mapabayaan.

Paano mo malalaman kung nahawa ka?

Ang mga sintomas ay karaniwang nangyayari sa loob ng dalawa hanggang 14 araw pagkatapos makuha ang sakit, gayunpaman, may mga tao na nahawahan ng gonorrhea ang hindi nagkakaroon ng mga kapansin-pansin na sintomas. Kahit na ang isang tao ay walang mga sintomas, maaari pa ring maipasa ang impeksyon. Kung ang mga sintomas ay lumilitaw, para sa mga lalaki ang pinaka-karaniwang sintomas ay ang mainit o masakit na pakiramdam habang ang umiihi. Para sa mga babae, ang pinaka-karaniwang sintomas ay katulad ng yeast o impeksyon na dulot ng bakterya, at may kasamang likido na lumalabas sa ari o sakit habang umiihi. Kung ang impeksyon ay mapabayaan, maaari itong magresulta sa pagkabaog, pagkalaglag, at hindi nawawalang sakit at pamamaga sa mababang bahagi ng tiyan.

Ano ang sinasabi ng bagong pananaliksik?

Noong Hulyo, 2017, iniulat ng World Health Organization (WHO) na sa buong daigdig, halos 78 milyong katao ang nahahawaan ng gonorrhea bawat taon, at 97% ng 77 na mga bansa na lumahok sa sarbey mula 2009 hanggang 2014 ay nag-ulat ng pagkakaroon ng gonorrhea na lumalaban sa gamot. 66% ng mga bansa ang nag-ulat din ng paglaban ng gonorrhea kahit sa mga bagong uri ng gamot para sa impeksyon.

Kung ang isang tao ay nakakakuha ng lumalaban na uri ng gonorrhea ngayon, hindi ito nangangahulugang hindi ito magagamot, nangangahulugan lamang na mas mahirap itong gamutin. “Sa ngayon, ang lahat ng mga kaso ng gonorrhea ay ginagamot pa rin gamit ang ilang kumbinasyon ng mga magagamit na antibiotic,” sabi ni Dr. Xavier Didelot, senior lecturer sa departamento ng nakakahawang sakit at epidemiology sa Imperial College London. “Ngunit sa kasalukuyang bilis ng pagtibay ng resistensya ng gonorrhea, maaari tayong humantong sa sitwasyon kung saan hindi na gumagana ang mga antibiotic.’’

Ang pag-iwas ay mas mainam kaysa sa maghanap ng lunas!

Maaaring maiwasan ang gonorrhea sa pamamagitan ng mas ligtas na seksuwal na pag-uugali, tulad ng palagian at wastong paggamit ng condom. Sa kasalukuyan, ang paggamit ng condom ay ang pinakamahusay na paraan upang maiwasan ang pagkalat ng mga STI at kung hindi mo alam ang katayuan ng kalusugan ng iyong kapareha, mahalagang gumamit ng condom upang maprotektahan ka mula sa gonorrhea at maraming pang mga STI! Magandang ideya rin na magpasuri para sa mga STI at hikayatin ang mga seksuwal na kapareha na magpasuri.

Walang dapat ikatakot sa pagkalat ng lumalaban na gonorrhea. Ito ay isang paalala lamang na kailangang ugaliin ang pagkakaroon ng ligtas at protektadong pagtatalik.

Pinagmulan: http://www.who.int/mediacentre/news/releases/2017/Antibiotic-resistant-gonorrhoea/en/

Please follow and like us:
error

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon