fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Ano ang Endometriosis?

Endometriosis

Nakakaranas ka ba ng…

  • Matinding pananakit ng puson (dysmenorrhea) na hindi nalulunasan ng pahinga, gamot, o hot compress?
  • Maraming pagdurugo kapag regla o pagdurugo sa pagitan ng mga regla?
  • Pananakit o pagdurugo habang nagtatalik, kahit na hindi ka nireregla?
  • Hindi regular na pagdumi o problema sa tiyan?
  • Pananakit ng bandang ibabang bahagi ng likod anumang araw sa iyong siklo ng regla?

Kung madalas na nakakaranas ng isa o dalawa sa mga sintomas na ito, mainam na makipag-ugnay na sa iyong OB/GYN ukol dito para matukoy kung ikaw ba’y mayroon o walang endometriosis.

Ang endometriosis ay isang kondisyon kung saan ang endometrium (uterine lining) ay lumalago sa labas ng matres, tulad sa mga obaryo, mga fallopian tube, bituka, at iba pang bahagi sa bandang balakang.

Source: Mandal, A. (February 26, 2019). What is Endometriosis? News Medical Life Sciences. https://www.news-medical.net/health/What-is-Endometriosis.aspx

Sa endometriosis, ang “ligaw” na endometrium ay kumakapal, nalulusaw, at dumurugo rin kapag ika’y niregla — pero dahil wala itong lagusan palabas ng iyong katawan, na nanatili ito sa loob ng katawan at maaaring magsanhi ng:

  • Iritasyon
  • Pagpepeklat
  • Pagdidikit ng mga tisyu ng organo sa balakang at ng mga karatig tisyu
  • Matinding pananakit kapag nireregla
  • Kahirapan mabuntis

Pananakit ng puson at balakang ang pangunahing sintomas ng endometriosis, pero ang tindi nito ay hindi basehan kung gaano kalala ang kondisyon. May ilan na hindi gaano kalala ang kondisyon pero nakakaranas ng matinding sakit, at may ilan naman na kaunti lang ang nararamdamang sakit pero malala na ang kondisyon. Posible rin na wala kang maranasang sintomas!

May iba pang kondisyon na nagsasanhi rin sa pananakit ng balakang at puson, at minsan napagkakamalang pelvic inflammatory disease (PID) or ovarian cyst ang endometriosis. Ito ang dahilan kung bakit napakahalagang regular magpasuri sa gynecologist. Ang tama at maagang dyagnosis ay ang susi sa angkop na lunas.

Ano ang mga posibleng paggamot sa endometriosis?

Nakakasagabal talaga minsan sa araw-araw na gawin ang sakit ang iba pang sintomas ng endometriosis. Habang wala pang gamot para sa endometriosis, mayroong mga lunas na puwedeng makatulong sa mga sintomas nito.

May mga gamot at operasyon na puwedeng makabawas sa sintomas at posibleng komplikasyon. Bawat babae ay may kanya-kanyang reaksyon sa mga ito, pero ang angkop na lunas para sa iyo ay depende sa makita at dyagnosis ng iyong doktor. Ang mga puwedeng lunas ay:

Mga painkiller

Ang mga over-the-counter gamot sa sakit gaya ng ibuprofen ay maaaring epektibo sa ilang mga babae, pero para sa ilan hindi ito sapat para mapuksa ang pananakit.

Hormonal therapy at kontrasepsyon

Maaaring makatulong ang karagdagan hormon sa paglunas ng pananakit at mapigilan ang paglala ng endometriosis. Ang hormone therapy ay nakakatulong sa katawan makontrol ang antas ng mga hormon na responsable sa pagtubo ng tisyu.

Ang mga hormonal na kontraseptibo gaya ng mga oral contraceptive pill at injectable ay nakakatulong sa pagpigil ng buwanang pagtubo at paglago ng mga ligaw na endometrial tissue, kaya nakakabawas sa pananakit at iba pang sintomas.

Operasyon

Huling opsyon ang operasyon kung hindi nakakatulong ang ibang lunas sa iyong kondisyon.

Puwedeng sumailalim sa conservative surgery ang mga babaeng nais mabuntis o mga babaeng nakakaranas ng matinding sakit na hindi nalulunasan ng hormonal na gamot. Sa ganitong operasyon, aalisin ng doktor ang mga ligaw na endometrium.

Ang hysterectomy naman ay ang huling opsyon kapag hindi talaga umeepekto ang ibang lunas sa kondisyon. Sa ganitong operasyon, tinatanggal nang buo ang matres, serviks, mga obaryo, pati na rin ang mga peklat at bakas ng ligaw na endometrium. Hindi na maaaring mabuntis pagkatapos ng hysterectomy, kaya pag-isipan nang mabuti bago magdesisyon na sumailalim sa ganitong operasyon, lalo na kung nais bumuo ng sariling pamilya.

Ano ang mga posibleng komplikasyon ng endometriosis?

Isa sa mga pangunahing komplikasyon ng endometriosis ay ang kahirapan mabuntis. Ang mga gamot ay puwede lang makatulong sa mga sintomas, pero hindi sa pagbubuntis. Gayunpaman, marami rin namang mga babae na may mild hanggang moderate na endometriosis na nabubuntis. May mga nabubuntis pagkatapos ng conservative surgery, habang ang iba naman ay baka kailangan ng fertility treatment o in vitro fertilization para mapataas ang tsansa na mabuntis.

Kahit na hindi mo nais mabuntis, mabuti pa ring kumonsulta at magpasuri sa doktor para sa iyong kondisyon.

Mga pinagmulan:

https://www.scarleteen.com/article/bodies_disability/endometriosis_why_you_shouldnt_ignore_severe_period_pains

https://www.healthline.com/health/endometriosis

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/endometriosis/symptoms-causes/syc-20354656

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon