Sa DoItRight.ph, hinihikayat namin ang sex positivity at sexual responsibility para ma-enjoy ng mga tao ang kanilang sekswalidad. Sa tingin nga namin, ang taong matino ang galawan pagdating sa pakikipagtalik ay mga bayani.
Isa sa mga paraan para masiguro ng mga lalaki ang responsable’t ligtas na pakikipagtalik ay ang pagpapa-vasectomy.
Ano ang vasectomy?
Ang vasectomy ay isang simpleng outpatient procedure kung saan pinuputol ang vas deferens o sperm duct.
Permanente ito, kaya bago ka magpa-vasectomy, mainam na magkaroon muna kayo ng karelasyon mo ng isang mahabang usapan. Nababago ng vasectomy ang buhay ng isang lalaki—at ang buhay ng pamilya niya—at napapabuti rin.
Bakit natin ito kailangan?
Para kay Paul Villanueva, 29, ang pagpapa-vasectomy niya ay para sa ikabubuti ng buhay niya at ng kanyang pamilya, lalo na ng dalawa niyang anak. “Ginusto kong bigyan ng magandang buhay ang asawa ko, mga anak namin, at sarili ko.” sabi niya.
Nabanggit niya rin na ginusto niyang maging “advocate of vasectomy.” Bagama’t mas maraming family planning methods para sa mga babae, (birth control pills, IUDs, injectables, tubal ligation,) minabuti ni Paul na siya ang gumawa ng hakbang para sa partner niya. “Gusto kong basagin yung stigma o pag-iisip na dapat babae lang ang nagpapa-ganyan.”
Si Dr. Edwin Bien naman, 60, ay nagpa-vasectomy para makaiwas sa mga komplikasyon sa kalusugan ng kanyang asawa. “Napakaaga kong nagkaanak. Tapos, magkakasunod na ‘yon.”
Nagkaroon ng mga komplikasyon ang pagbubuntis ng kanyang asawa para sa pangatlo nilang anak. “Kinausap ako ng OB-GYN namin. Sabi niya, ‘Bien, why don’t you become a hero for your family and be the one na mag-plano ng pamilya niyo?’ Kaya nag-decide akong magpa-vasectomy.”
Ang vasectomy ay permanente, kaya magandang siguraduhin munang gusto mo ‘tong gawin.
Paano isinasagawa ang operasyon?
Nung 2000s pa nagpa-vasectomy si Dr. Bien. “During that time,” kwento niya, “scalpel type of vasectomy pa, pero wala namang masyadong sakit. Binigyan ako ng anesthesia pagkatapos nila akong linisin. Tapos, ginawa na yung procedure.”
Sa scalpel (tradisyonal) na vasectomy, hinihiwa ang bayag bago gupitin ang vas deferens. “After about 10 minutes, I was done. Sinabihan akong magpahinga muna, at pagkatapos ng 30 minutes, umuwi na ‘ko.”
Samantala, no-scalpel vasectomy (NSV) naman ang ginawa kay Paul kung saan binubutasan nang maliit ang bayag imbis na hiwain. “Kung iko-compare natin yung pain,” sabi, “nasa 1/4 lang nung nagpatuli tayo.”
Ang NSV ay kalahating-oras lang ginagawa. Ito’y mabilis, at maaari mong makuha nang libre sa maraming healthcare centers. Ang Commission on Population and Development (PopCom) ay nag-oorganisa ng libreng vasectomy programs tuwing Nobyembre.
Maaapektuhan ba nito ang mga pang-araw-araw kong gawain?
Gaya sa kahit anong medikal na proseso, kakailanganin mong magpahinga ng ilang araw. Pero pagkatapos mong gumaling, makakabalik ka na sa nakagawian. Maaari nga ring mag-exercise!
“Two days after nung procedure, nagtutulak na ‘ko ng stretchers, wheelchairs, naga-admit na ng mga pasyente, at parang normal na ulit. Pumupunta ako sa gym at least twice a week. Mahilig din akong mag-bisikleta,” kwento ni Doc Bien.
Sumasang-ayon si Paul: “Napakabilis ng recovery. After two days, wala nang pain!”
Maaapektuhan ba nito ang lakas ko sa kama?
Ang vasectomy ay walang gagawin sa sex drive at performance mo. “Kung concerned kayo sa pag-function ni manoy, it still works great,” sabi ni Paul.
Ang tanging ginagawa ng vasectomy ay pinipigilan nito ang pagsama ng sperm cells sa iyong seminal fluid (ang likidong lumalabas kapag nagbulalas ka.) Sabi ng Johns Hopkins Medicine, makakalikha ka pa rin ng sperm cells, pero hindi na sila makakalabas ng katawan mo. Mamamatay sila’t gagamitin ng iyong katawan.
Sa madaling salita, hindi mo na kakailanganing mangamba na mabuntis mo ang partner mo, at maaari mo nang ma-enjoy ang pakikipagtalik nang walang alinlangan.
Bakit ito magandang contraceptive method?
Maraming dahilan para magpa-vasectomy bukod sa mga nabanggit nina Paul at Dr. Bien. Maaaring pinansyal o pangkalusugan, at pwede ring hindi niyo talaga balak magkaanak ng partner mo.
Anuman ang mga dahilan, dapat pag-isipan kung nais mo ba talagang magpa-vasectomy.
Para sa mga lalaking gaya nina Edwin Bien at Paul Villanueva, nasiguro nilang magkakaroon sila ng sapat na pera’t panahon para sa mga pamilya nila. Baka ‘yun din ang pinakamagandang tandaan.
“Vasectomy gave us peace of mind,” sabi ni Paul. “Napakaliit na bagay lang ‘to na magagawa natin para sa partners natin. Isa na rin itong paraan para mapakita sa pamilya natin na mahal natin sila; na willing tayong bigyan sila ng mas magandang buhay.”
“I encourage you: Be a hero for your family,” udyok ni Dr. Bien. “Walang mangyayaring masama. In fact, mas safe ka pa, at garantisadong may tiwala, dahil alam mong you are helping plan your family.”
May kasabihang hindi lahat ng mga superhero ay may kapa. Ang iba ay meron lamang titulong “Tatay,” “Asawa,” o “Boyfriend”.
At kung isa ka sa mga nag-iisip na magpa-vasectomy para sa pamilya mo, karapat-dapat ka ring tanghalin bilang superhero!
Mga Pinagmulan:
https://doitright.ph/what-every-guy-should-know-about-vasectomy/