Ano Ito
Ang emergency contraception ay mga contraceptive methods na ginagamit upang maiwasan ang pagbubuntis pagkatapos ng unprotected sex. Pinakamainam na gamitin ang mga ito sa loob ng 3-5 araw (depende sa gagamitin), ngunit mas mabisa ang mga ito kapag mas maaga mong gamitin ito pagkatapos ng pakikipagtalik.
Ang emergency contraception ay nagpapababa ng tsansang mabuntis ng isang babae kung gamitin sa loob ng unang ilang araw pagkatapos ng hindi protektadong pakikipagtalik. Dapat itong gamitin bilang huling paraan kapag nabigo ang ibang kontraseptibo o hindi ginamit sa panahon ng hindi planadong pakikipagtalik.
Maaaring gumamit ng emergency contraception kung:
- Walang kontraseptibong ginamit
- Mali ang paggamit sa kontraseptibo
- Tama ang paggamit ng kontraseptibo, ngunit naobserbahan na nabigo pala ito
- Nabutas, napunit, natanggal, o nagamit nang hindi tama ang condom
- Tatlo o higit pang combined oral contraceptive pills ang magkasunod na nakaligtaan
- Mahigit tatlong oras na ang lumipas mula noong karaniwang oras ng pag-inom ng progestin-only pills
- Mahigit apat na linggo kang huli para sa depo injectable contraceptive
- Nabigo ang withdrawal at naganap ang ejaculation sa pwerta o bukasan ng pwerta
Ang Copper IUD
Ang pagpapalagay ng copper IUD sa loob ng limang araw ng pagkatapos ng hindi protektadong pakikipagtalik ay nagpapababa ng iyong mga tsansang mabuntis ng higit sa 99.9%. Kaya, ito ang pinakaepektibong emergency contraception na magagamit. Ang pagiging epektibo rin nito ay hindi apektado ng timbang.
Ang copper IUD bilang emergency contraception ay maaaring irekumenda para sa mga kababaihan na nagnanais ring gumamit ng long-acting reversible contraceptive method. Nagbibigay ito ng mabisang proteksyon mula sa hindi palanadong pagbubuntis, hanggang sa 10 taon. Pagkatapos ipalagay bilang emergency contraception, maaari rin itong ipagpatuloy bilang regular na kontraseptibo hanggang sa kailanganin itong palitan, magpasya kang alisin ito, o gusto mong sumubok ng ibang kontraseptibo.
Paano Ito Gumagana
Ang copper IUD ay nakakagulo sa paggalaw ng mga esperma at pinipigilan ang mga ito na matagpuan ang egg cell. Maliban pa diyan, maaari nitong hadlangan ang napertilisang egg cell mula sa paglakip sa matris, na binabawasan ang posibilidad ng pagbubuntis.
Ang paggamit ng copper IUD bilang emergency contraception ay hindi nagwawakas ng pagbubuntis tulad ng ginagawa ng pagpapalaglag; sa halip, pinipigilan nito ang pagbubuntis. Kung buntis ka na, hindi ito magiging epektibo at maaaring malagay ang iyong kalusugan sa panganib kapag pinilit na ipalagay.
Paano Ito Gamitin
Ang mga copper IUD ay maaari lamang ipasok ng isang healthcare provider sa loob ng limang araw pagkatapos ng hindi protektadong pakikipagtalik. Makipag-ugnayan sa iyong Ob-Gyne o lokal na health center sa sandaling napagtanto na kailangan mo ng emergency contraception.
Sa iyong appointment, ilalagay ng healthcare provider ang IUD sa iyong matris, at iyon lang ang kailangan mong gawin. Sa IUD, mayroon ka nang epektibong emergency contraception, pati na rin pangmatagalang kontraseptibo.
Kung hindi ka maka-iskedyul ng appointment para sa pagpapalagay ng IUD sa loob ng limang araw, maaaring gawin ang Yuzpe Method sa loob ng 72 oras (o tatlong araw) pagkatapos ng hindi protektadong pakikipagtalik. Bagama’t mas epektibo ang copper IUD, ang paggawa ng Yuzpe Method ay mas mahusay kaysa sa walang aksyong nagawa.
Sino Ang Maaaring Gumamit Nito
Sinumang babae na nasa reproductive age ay maaaring gumamit ng emergency contraception upang maiwasan ang pagbubuntis. Walang medikal na dahilan kung bakit hindi mo ito magagamit, at walang limitasyon sa edad. Karaniwan, kung pasado kang gumamit ng copper IUD bilang regular contraceptive method, maaari mo rin itong gamitin bilang emergency contraception.
Ang copper IUD bilang emergency contraception ay hindi inirerekumenda pagkatapos ng sexual assault dahil maaaring may mataas na panganib ng mga sexually transmitted infections (STIs) tulad ng chlamydia at gonorrhea. Hindi rin ito angkop bilang emergency contraception kung ang isang babae ay buntis na.
Ayon sa World Health Organization (WHO) Medical eligibility criteria para sa paggamit ng mga kontraseptibo, ang pagpapalagay ng IUD ay may potensyal na mapataas ang panganib ng pelvic inflammatory disease (PID) sa mga babaeng may mas mataas na panganib ng STIs. Ang posibilidad ng mga STI ay nag-iiba batay sa indibidwal na aktibidad at lokal na pagkalat ng STI. Samakatuwid, bagama’t karamihan sa mga kababaihan na may mas mataas na panganib sa STI ay karaniwang maaaring magpalagay ng IUD, ang mga talagang may napakataas na posibilidad ng mga STI ay dapat na sumailalim muna sa naaangkop na pagsusuri at paggamot, bago magpasyang magpalagay ng IUD.
Mga huling paalala…
Ang pagpili ng kontraseptibo — bilang emergency contraception man o hindi — ay nangangailangan ng maingat na pagsasaalang-alang. Ang mga bagay tulad ng lifestyle, medical history, at minsan pati mga personal goals ay kailangang masuri upang malaman kung aling paraan ang pinakaangkop sa iyo. Bago gumawa ng desisyon, pinakamahusay na kumunsulta sa isang healthcare provider upang gabayan ka sa bawat opsyon.
Mga pinagmulan:
WHO. (November 9, 2021). Emergency Contraception. World Health Organization. https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/emergency-contraception#:~:text=When%20inserted%20within%20120%20hours,form%20of%20emergency%20contraception%20available.
CDC. (March 27, 2023). Classifications for Emergency Contraception. Centers for Disease Control and Prevention. https://www.cdc.gov/reproductivehealth/contraception/mmwr/mec/appendixj.html
Planned Parenthood. (n.d.). How do IUDs work as emergency contraception? Planned Parenthood. https://www.plannedparenthood.org/learn/morning-after-pill-emergency-contraception/how-do-iuds-work-emergency-contraception
Robinson, K. (January 22, 2021). Using a Copper IUD for Emergency Contraception. WebMD. https://www.webmd.com/sex/birth-control/features/iud-emergency-contraception#1-1