ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Makati Ang Ari Mo, Siz?

Got An Itchy Cooch

Hindi talaga komportable kapag nangangati ang ari, lalo na ang pwerta at bulba (ang labia, clitoris, at pagbubukas ng pwerta) ay napaka-sensitibong mga parte.

Karamihan sa mga sanhi ng pangangati ng ari ay hindi kailangan ikabahala. Karaniwan itong maranasan ng mga babae at madalas nawawala rin nang kusa.

Marami ang posibleng dahilan ng pangangati, at kung minsan ito ay bunga ng isang lingid na kondisyon o impeksyon. Mas mabuting suriin ito kaagad ng doktor kung ito ay malala o sa palagay mo ay isang kondisyon ang sanhi nito. Ang paggamot nang sarili ay baka makalala lang sa sitwasyon lalo na kapag hindi mo tukoy ang sanhi ng pangangati.

Mga posibleng sanhi ng pangangati ng ari

Narito ang ilan sa mga posibleng sanhi ng pangangati ng ari at ng mga paligid nito.

Mga kemikal

Malamang ginagamit mo ang ilan sa mga ito araw-araw. Ang pagdikit masyado ng mga kemikal sa ari ay maaaring magsanhi ng isang reaksiyong alerdyi at gawing makati ang ari. Karaniwang mga kemikal na nakakasanhi ng iritasyon ay:

  • Sabon
  • Mga bubble bath o bath bomb
  • Mga feminine spray at wash
  • Mga douche
  • Mga cream
  • Mga ointment
  • Mga sabon panlaba
  • Mga fabric conditioner
  • Mga tissue at wet wipes na may pabango

Para sa mga may diyabetis o nakakaranas ng kawalan ng pagpipigil sa ihi (urinary incontinence), ang ihi ay maaari ring maging sanhi ng pangangati at iritasyon sa ari.

Mga pagbabago sa hormon

Ang pagbaba ng antas ng estrogen, na madalas na nangyayari sa panahon ng menopos at pagpapasuso, ay nagiging sanhi ng pagnipis ng vaginal lining (kapaligiran ng pwerta). Kapag nangyari ito, humantong ito sa pagkatuyo ng pwerta at nagiging sanhi ng pangangati at iritasyon.

Ang antas ng estrogen ay tumaas muli kapag ang mga nagpapasuso na ina ay tumitigil na.

Sakit sa balat

Ang pangangati sa parte ng ari ay maaaring mula sa mga sakit sa balat tulad ng eksema (eczema) at soryasis (psoriasis).

Ang eksema, o atopic dermatitis, ay pagpantal-pantal na karaniwang nakakaapekto sa mga may hika o alerdyi. Ang mga pantal ay mapula-pula, makati, at makaliskis. Maaari rin itong kumalat sa ari sa ilang mga kaso.

Ang soryasis ay medyo pangkaraniwan. Nagdudulot ito ng makaliskis, makati, at pulang mga patse sa anit at kasukasuan. Minsan pwede rin ito magkaroon sa ari.

Mga sexually transmitted infection

Ang gonorrhea, chlamydia, genital warts (kulugo sa ari), genital herpes (buni sa ari), at trichomoniasis ay ilan sa mga STI na maaaring maging sanhi ng pangangati sa ari. Ang iba pang mga sintomas na maaari din nilang ipakita ay berde o dilaw na vaginal discharge (likido mula sa pwerta) at pananakit o pangingirot sa pag-ihi.

Yeast infection

Ang pwerta ay likas na may mahusay na balanse ng yeast at iba pang mabubuting bakterya. Pinapanatili ng mga bakteryang ito na malusog ang pwerta at hindi dapat maging sanhi ng anumang problema; maliban kung ang paglago ng yeast ay sumobra.

Ang yeast infection ay resulta ng labis na pagdami ng yeast sa pwerta. Ito ay isang pangkaraniwang kondisyon na maaaring makaapekto sa maraming babae, lalo na sa mga kakatapos uminom ng siklo ng mga antibyotiko. Sinisira ng mga ganitong uri ng mga gamot ang mabuting bakterya na bumabalanse sa paglago ng yeast.

Ang pangangati ng pwerta at tila nasusunog na pakiramdam na sinamahan rin ng puti at malapot na vaginal discharge ay mga sintomas ng yeast infection.

Bacterial vaginosis

Ang bacterial vaginosis (BV) ay isa ring karaniwang sanhi ng pangangati ng ari.

Ang kawalan ng tamang balanse ng mabuti at masamang bakterya sa pwerta ay siya ring nagsasanhi ng BV.

Ang BV ay hindi palaging nagpapakita ng mga sintomas, ngunit kung mayroon man, kadalasan ay kasama rito ay ang pangangati, at abnormal at mabahong vaginal discharge. Maaaring manipis at kulay-abo o puti. Minsan mabula-bula rin ito.

Vulvar cancer

Sa mga bihirang kaso, ang kanser sa bulba (vulvar cancer) ay ang sanhi ng pangangati ng ari. Ang ganitong uri ng kanser ay nangyayari sa bulba (vuvla), ang panlabas na bahagi ng ari ng babae. Kasama dito ang panloob at panlabas na labia, klitoris, at pagbubukas ng pwerta.

Ang kanser sa bulba ay hindi palaging nagpapakita ng mga sintomas, ngunit maaaring kasama rito ang pangangati, abnormal na pagdurugo, o pananakit sa bulba

Ang maagang pagsusuri ay ang susi sa matagumpay na paggamot. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang regular na nagpapasuri sa doktor.

Lichen sclerosus

Ang lichen sclerosus ay isang bihirang kondisyon na nagdudulot ng pangangati at mga puting patse sa ari. Ang mga sanhi ng lichen sclerosus ay hindi pa malinaw, ngunit ang mga babaeng postmenopausal ay mas malamang na magkaroon ng ganitong kondisyon.

Pubic lice

Ang mga maliliit at tila talangka na mga kuto ay nagsasanhi rin sa pangangati ng ari. Karaniwan silang kumakapit sa buhok sa maselang bahagi ng katawan, ngunit maaari ring kumalat ang mga ito sa iba pang mga bahagi ng katawan na tinutubuan ng magaspang na buhok.

Kailan dapat pumunta sa doktor

Huwag magpasiya kaagad na yeast infection ang sanhi ng iyong pangangati. Maaaring ito nga ang dahilan, ngunit ang pagsuri at paggamot sa sarili ay maaaring mapalala ang sitwasyon at mapahirap ang pagpuksa nito. Ang pinakamahusay na paraan upang malaman kung ano ang sanhi nito at kung ano ang maaari mong gawin ay ang pagpunta sa doktor para magpasuri.

Pumunta kaagad sa doktor kung ang pangangati ay sapat na lala upang makaabala sa iyong pagtulog at pang-araw-araw na gawain, at kung magpatuloy ito nang higit sa isang linggo. Abangan din ang iba pang mga sintomas na ito:

  • Mga paltos sa ari
  • Pananakit o pamamaga ng ari
  • Ang pamumula ng ari
  • Hirap sa pag-ihi
  • Kakaibang vaginal discharge
  • Pananakit o pangingirot sa panahon ng pagtalik

Ang alinman sa mga ito ay isang siguradong senyales na dapat nang pumunta sa doktor kaagad.

Paano maiwasan ang pangangati

Mahirap bale-walain ang pangangati ng ari, ngunit madali lang ito iwasan. Karamihan sa mga sanhi ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng kalinisan at gawi sa pamumuhay. Ang mga simpleng hakbang na madali mong magawa sa bahay ay makakatulong upang maiwasan ang mga impeksyon at pangangati ng ari:

  • Gumamit ng maligamgam na tubig upang hugasan ang iyong ari. Kung hindi ka komportable sa paggamit lamang ng tubig, siguraduhin na ang iyong sabon ay banayad at walang pabango.
  • Iwasan ang mabangong sabon, bubble bath, bath bomb, at lotion.
  • Iwasan ang mga vaginal spray at douche.
  • Magpalit sa bago at tuyo na damit pagkatapos ng paglangoy o pag-eehersisyo.
  • Magsuot ng panty na gawa sa cotton at magpalit araw-araw.
  • Kumain ng yogurt na may mga mabubuting bakterya. Ang mga ito ay maaaring makatulong sa pag-iwas sa yeast infection.
  • Gumamit ng condom tuwing magtatalik.
  • Laging magpunas ng ari mula sa harap papunta sa likod pagkatapos gamitin ang banyo.

Mga pinagmulan:

https://www.healthline.com/health/vaginal-itching

https://www.healthline.com/health/vaginal-health/reasons-vaginal-itch-happens-when-you-dont-have-a-yeast-infection#contact-dermatitis

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon