fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Paano Nakakasira ng Sex Life ang Toxic Masculinity

Tayo’y nasa panahon ng kamalayan at masusing diskusyon sa iba’t ibang aspeto ng ating buhay. Isa sa mga regular na paksa online ay ang toxic masculinity. Sa mga usapan online, napupuna at nakukwestyon ang mga makalumang pananaw at paniniwala na dala ng toxic masculinity. Sa pag-usbong ng kamalayan natin bilang isang lipunan, mahalagang suriin natin kung paano nakakaapekto ang toxic masculinity sa buhay ng mga tao, lalo na sa sex life.

Madaling isipin na wala itong kinalaman sa sex life ng isang tao, pero diyan tayo nagkakamali. Silipin natin kung anu-ano ang naidudulot ng toxic masculinity sa ating mga sekswal na karanasan.

Ano ang toxic masculinity?

Ang “toxic masculinity” ay mga paniniwala ng ilang mga kalalakihan tungkol sa kanilang pagkalalaki. Ilang halimbawa nito ang paniniwala na mas malakas o mas matalino ang mga lalaki kaysa sa mga babae, at hindi dapat umiyak o maging emosyonal ang isang lalaki dahil nakakabawas ng kalalakihan ang mga ito.

Ang toxic masculinity ay makikita sa mga paniniwala na lamang ang mga lalaki sa mga babae dahil sa kanilang kasarian. Dahil sa ganitong paniniwala, madaling magkaroon ng mga mapanakit o mapaminsalang pag-uugali.

Paano ito nakakaapekto sa sex life ng isang tao?

Maraming negatibong naidudulot ang toxic masculinity sa sekswal na aspeto ng buhay, at maaari nitong maapektuhan ang iyong mga relasyon, anuman ang iyong kasarian.

Maaari itong makabuo ng paniniwalang mas may karapatan ang mga lalaki.

Isa sa mga hindi kaaya-ayang paniniwalang dulot ng toxic masculinity ay sa lalaki umiikot ang pakikipagtalik. Sa kaso ng ibang mga magkarelasyon, ang sexy time ay natatapos kapag nag-climax na ang lalaki. Madaling mapapabayaan ang pangangailangan ng babae sa relasyon kung ang kagustuhan lamang ng lalaki ang mapupunan.

Minamaliit nito ang halaga at mga pangangailangan ng mga babae.

Pwedeng ma-objectify o matrato bilang mga bagay lang ang mga babae. Kung malaki ang pagtingin ng isang lalaki sa kanyang sarili, maaaring katawan na lamang ng kanyang partner ang bigyan na ng halaga, hindi ang katauhan at damdamin.

Nakakasagabal ito sa sekswal na kasiyahan.

Ang sekswal na kasiyahan ay isa pang bagay na pwedeng maapektuhan ng toxic masculinity. Madaling mawawalan ng saysay ang pagtatalik kung ang pagnanasa lamang ng lalaki ang bibigyang-pansin. Maaaring mabalewala ang pangangailangan at damdamin ng babae, na sagabal sa pagbuo ng masiglang sexy time at masusing relasyon.

Ano ang dapat nating gawin dito?

Importanteng gumawa ng mga hakbang tungo sa positibong pagbabago, lalo na ang mga lalaki. Bilang mga lalaki, mahalagang unawain natin na hindi tayo nakakalamang sa mga babae dahil lang sa kasarian natin. Malaki rin ang maitutulong ng pagkakaroon ng kamalayan sa ating mga ikinikilos tungo sa mga babae. Kailangan nating magkaroon ng bukas na pag-iisip at laging tandaan na pantay-pantay ang bawat tao.

Para naman sa mga may karelasyon, importanteng bigyan natin ng halaga ang damdamin ni partner at tugunan din natin ang kanilang mga pangangailangan, sa labing-labing man o sa ibang aspeto ng relasyon.

Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, makakalikha tayo ng mas inklusibo at malusog na relasyon. Aayos din at mas lalawak ang mga pananaw natin sa marami pang bagay.

Sa patuloy na pag-usbong ng kamalayan natin, ang pagharap sa toxic masculinity ay hindi lamang natin responsibilidad bilang mga lalaki kundi kundi bilang mga bahagi na rin ng lipunan.

Sa pagbasag sa mga tabinging paniniwala tungkol sa pagkalalaki, maaari tayong magbigay-daan para sa tunay at matiwasay na mga relasyon. Higit pa rito, lalong magiging sexy ang sexy time.

Mga Pinagmulan:

  • Dr. Sanchari Sinha Dutta, Ph. D. (2022, March 28). Impact of masculinity on Men’s Health. News. https://bit.ly/42MdQed 
  • Johnson, J. (2020, June 22). Toxic masculinity: Definition, common issues, and how to fight it. https://bit.ly/3OQj1UR
Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon