fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Ano ang Retrograde Ejaculation?

Pagdating sa usapin ng kalusugang sekswal, maraming topics ang hindi masyadong napag-uusapan. Kabilang na rito ang retrograde ejaculation, isang kundisyon na hindi alam ng maraming lalaki na pwede silang makaranas nito.

Bago natin talakayin ang retrograde ejaculation, pasadahan muna natin ang ejaculation o pagbulalas. Sa madaling salita, ang ejaculation ay ang paglabas ng semilya kasabay ng orgasm. Palabas lang dapat ng ari ang daloy ng semilya. May maliit na muscle malapit sa pantog na nagsisilbing gate. Pinipigilan nito ang pagtungo ng semilya sa pantog, at sinisiguro nito na palabas lamang ang direksyon ng semilya.

Ano ito?

Sa kaso ng retrograde ejaculation, ang muscle na ito ay humihina. Dahil dito, maaaring makapasok sa pantog ang semilya imbis na mailabas sa pagbubulalas.

Bagama’t hindi masakit ang kundisyon na ito, ang retrograde ejaculation ay maaaring humantong sa infertility o pagkabaog, kaya mainam na malaman ang mga sintomas at posibleng dahilan nito.

Ano ang mga sintomas nito?

Ang retrograde ejaculation ay hindi naman nakakaapekto sa iyong abilidad na tigasan o makaranas ng orgasm. Pero pwede nitong bawasan ang dami ng semilyang mailalabas mo. Heto ang mga senyales nito:

  • Mga orgasm kung saan wala o kakaunti lamang ang nailalabas na semilya.
  • Malabong ihi. (Gawa ito ng paghalo ng semilya sa iyong ihi.)
  • Para sa mga nagnanais bumuo ng pamilya, hindi madaling mabuntis ang partner. 

Kung mapapansin mo ang alinman sa mga bagay na ito, bumisita ka na kaagad sa isang doktor.

Ano ang mga sanhi nito?

Ang retrograde ejaculation ay pwedeng magmula sa iba’t ibang dahilan. Karamihan sa mga ito ay may medikal na aspeto.

  • Pinsala sa nerves dala ng mga surgical procedure gaya ng mga surgery sa prostate, lower spine, pantog, o pelvis.
  • Nerve damage na gawa ng iba pang medikal na kundisyon. Kadalasan itong nakikita sa mga lalaking may multiple sclerosis at long-term diabetes.
  • May mga gamot din na maaaring magdulot ng retrograde ejaculation bilang side effect.
    • Mga gamot na ginagamit upang mapawi ang mga sintomas ng malaking prostate tulad ng tamsulosin (Flomax), alfuzosin (Uroxatral), o terazosin (Cardura).
    • Ilang antidepressant, lalo na ang mga selective serotonin reuptake inhibitors (SSRIs) tulad ng fluoxetine (Prozac) at sertraline (Zoloft), bukod sa iba pa.
    • Mga gamot para sa mga psychiatric na kundisyon, tulad ng chlorpromazine (Thorazine), thioridazine (Mellaril), at risperidone (Risperdal).

Mahalaga para sa mga indibidwal na nakakaranas ng retrograde ejaculation na kumonsulta sa isang propesyonal para sa maayos na diagnosis at gabay sa paggamot sa kundisyong ito.

Paano ito ginagamot?

Kung nerve damage ang pangunahing sanhi ng iyong retrograde ejaculation, maaaring magrekomenda ang iyong doktor ng mga gamot para rito. Gayunpaman, mahalagang tandaan na ang mga gamot na karaniwang inirereseta para sa kundisyong ito ay maaaring may mga side effect, kabilang ang pagtaas ng presyon ng dugo at mas mabilis na pagtibok ng puso. Samakatuwid, maaaring hindi angkop ang mga ito para sa mga indibidwal na may kasaysayan ng sakit sa puso o hypertension.

Kasama sa mga karaniwang gamot na inirereseta ay:

  • Imipramine, isang antidepressant na may potensyal na makalunas sa retrograde ejaculation, pati na rin sa bed-wetting o pagihi sa kama ng mga bata.
  • Midodrine, na pangunahing inirereseta upang labanan ang mababang presyon ng dugo pero nagpapakita rin ng mga benepisyo sa pagtulong sa pagdaloy ng semilya.
  • Ang ilang partikular na antihistamine tulad ng chlorpheniramine at brompheniramine ay nakitaan na ng potensyal na makatulong laban sa retrograde ejaculation, bagama’t ang kanilang pangunahing gamit ay para sa mga allergy.
  • Ang mga partikular na decongestant tulad ng phenylephrine at pseudoephedrine, na karaniwang ginagamit bilang mga decongestant, ay maaari ding makaambag sa paglunas sa retrograde ejaculation.

Siguraduhing kumonsulta sa isang healthcare expert upang malaman kung aling mga gamot ang pinakamaganda para sa iyo.

Sa mundo ng kalusugang sekswal, napakalaki ng maitutulong ng kaalaman. Bagama’t hindi masyadong napag-uusapan ang retrograde ejaculation, mainam pa rin na malaman ang mga sintomas, sanhi, at lunas para rito, para maging handa ka.

Sakaling maranasan mo ito, ‘wag kang mag-atubili na kumonsulta sa doktor. Importante ang iyong kalusugan, at maraming paraan para maayos mo itong maalagaan. Sa tamang kaalaman, ready ka to #DoItRight!

Mga Pinagmulan:

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon