fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Mga Problema sa Foreskin at Paano sila Maaagapan

Sa Pilipinas, bihira ang mga usapan tungkol sa foreskin o ang balat na tinatanggal kapag tinuli ang isang lalaki.

Uso kasi ang pagtutuli dito sa atin, kaya karamihan sa mga lalaking Pilipino ay hindi na kailangang mag-alala tungkol sa mga problema sa foreskin.

Kung ikaw ay isang lalaki na hindi nagpatuli, kailangan mong malaman ang mga potensyal na isyu na maaari mong maranasan. Ngunit huwag mag-alala, narito kami para tulungan kayong intindihin ang mga kundisyon na ito, pati na rin ang mga dapat gawin para maagapan ang mga ito.

Ano ang foreskin?

Ang “foreskin” o “prepuce” ay tumutukoy sa balat na tumatakip at pumoprotekta sa glans penis (o ulo ng ari). Ito’y tinatanggal sa pagtutuli. Natural na bahagi ito ng anatomiya ng lalaki. Ang foreskin ay nakakatulong sa pagpapanatili ng moisture at sensitivity sa ulo ng ari. Dahil diyan, pwede itong makadagdag sa sekswal na kasiyahan.

Okay lang bang hindi tanggalin ang foreskin?

Ayos lang namang panatilihin ang foreskin. Ang pagpapatuli ay isang kultural na bagay. Ibig sabihin, may mga bansa at kultura kung saan hindi kailangang magpatuli ng mga lalaki, at hindi naman sila nakakaranas ng masasamang kundisyon, lalo na kung maayos naman ang pag-aalaga sa ari.

Gayunpaman, mahalagang malaman na ang hindi pagpapatuli ay posibleng humantong sa pagkakaroon ng mga problema sa foreskin (na tatalakayin natin mamaya.) Ang mga problemang ito naman ay maiiwasan kung alam mo ang mga ito at ang mga dapat gawin para maalagaan nang maayos ang iyong ari.

Panunuyo at pamamaho

Ang pagkatuyo ay maaaring maging isyu sa mga lalaking may foreskin na hindi maayos ang pag-aalaga sa kanilang ari. Kung hindi tama o hindi regular ang paglilinis sa foreskin, maaaring mamuo ang smegma (o kupal). Ito’y halo ng dead skin cells at likido na naiipon sa balat ng ari. Pwede itong magdulot ng pamamaho ng ari o pagkatuyo ng foreskin.

Bukod pa rito, maaaring maging mahirap ang paggalaw ng foreskin dahil sa panunuyo. At kung hindi ito maaagapan, pwede itong mauwi sa sakit o ‘di komportableng pakiramdam habang nakikipagtalik.

Ano ang dapat gawin?

Napakahalaga para sa mga indibidwal na may foreskin na magkaroon ng maayos na hygiene para makaiwas sa panunuyo at pamamaho. Pansinin mo rin ang pakiramdam ni Junjun pagkatapos mag sabon. Baka kailanganin mong magpalit. Iwasan mo ring magsuot ng mainit at masikip na underwear.

Impeksyon

Mayroong ilang mga uri ng impeksiyon na maaaring makaapekto sa isang lalaking may foreskin, kabilang na ang Balanitis at Posthitis. Ang Balanitis ay ang pamamaga o pananakit ng iyong glans penis at foreskin. Ang Posthitis naman ay ang pamamaga ng foreskin.

Ang mga impeksyong ito ay maaaring magdulot ng pangangati, masamang amoy, at pananakit kung hindi aagapan nang maaga.

Ano ang dapat gawin?

May mga antibiotic na maaaring inumin para sa mga impeksyon. Mayroon ding mga ointment at cream na maaaring makatulong sa paglaban sa mga impeksyon o pangangati. Siguraduhing makipag-usap sa isang doktor upang malaman kung ano ang tatalab para sa iyo.

Pamamaga

Ito ay isang bagay na madalas mangyari kasama ng isang kundisyong tinatawag na Paraphimosis. 

Ang Paraphimosis ay nangyayari kapag ang foreskin ay hindi maigalaw mula sa ulo ng ari. Kapag hindi na maibalik sa normal na posisyon ang foreskin, maaari itong magdulot ng pananakit at paninikip ng daloy ng dugo sa ari. Ang pamamaga ay maaari ding mangyari dahil sa iba’t ibang dahilan, gaya ng mga impeksyon, allergic reaction, o trauma sa ari.

Ano ang dapat gawin?

Kung makaranas ka ng pamamaga o mga isyu sa paggalaw ng iyong foreskin, mahalagang humingi ng naaangkop na lunas. May mga over-the-counter na lubricant na pwedeng magpadulas sa foreskin. Pero kung hindi mo na talaga maibalik sa normal na posisyon ang balat, mainam na bumisita sa doktor at iwasan mong batakin ang balat sa iyong ari.

Paninikip

May isa pang kundisyon na maaaring maranasan ng mga lalaking hindi tuli: phimosis. Nangyayari ito kapag pumulupot na ang buong foreskin sa glans penis ng isang lalaki. Kapag pinabayaan ito, maaaring humigpit ang kapit ng balat sa ulo ng ari.

Ano ang dapat gawin?

Kung ang pagpapatuli ay wala talaga sa iyong isip, maaari mong maiwasan ang paninikip at phimosis sa pamamagitan ng dahan-dahang pag-urong ng iyong balat araw-araw. Iwasan mo rin ang pagiging masyadong agresibo kapag nagsasarili o sa kahit ano pang sekswal na aktibidad. At siyempre, ang wastong paglilinis ay nakakatulong.

Tuli ka man o hindi, mahalagang magkaroon ng kamalayan sa kalusugan ng iyong ari. Kung meron ka pa ring foreskin, huwag kang mag-alala. Ayos lang ito at hindi ito nakakabawas sa iyong pagkalalaki. Basta tandaan mo kung paano dapat pangalagaan nang maayos si Junjun upang maiwasan ang alinman sa mga isyung nabanggit namin.

Ang pagiging informed ay makakatulong sa pag-aalaga sa iyong ari, at ito’y magbibigay-daan para ma-enjoy mo ang iyong sekswalidad. Manatiling may kaalaman at malusog, at yakapin mo ang natural na kalagayan ng iyong katawan!

Mga Pinagmulan:

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon