fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Gaano katagal bago maging protektado ang babae kapag kakasimula pa lang sa paggamit ng kontraseptibo?

How long does it take for contraceptives methods to work on women?

Yehey, nakaka-excite talaga kapag mayroon ka nang kontraseptibo na nababagay sa’yo! Ngunit bago ang anumang bagay, may isang tanong na kailangan mong masagot: Gaano ka kabilis na mapoprotektahan ng kontraseptibong iyong napili?

Depende sa kontraseptibo at kung anong punto ka na sa iyong menstrual cycle, maaaring tumagal ng ilang araw bago ka ganap na maprotektahan mula sa hindi planadong pagbubuntis.

Iba-iba ang bawat paraan, kaya tingnan kung paano gumagana ang bawat kontraseptibo.

Pills

Mapoprotektahan ka kaagad kung magsisimula kang uminom ng mga pills (kung combination pills man na may parehong estrogen at progestin, o mga progestin-only pills) sa loob ng limang araw mula sa pagsisimula ng iyong regla. Ibig sabihin, hindi mo kailangang gumamit ng condom o iwasan ang pakikipagtalik sa unang linggo.

Ngunit, kung magsisimula ka sa anumang punto ng iyong menstrual cycle kapag wala kang regla, kailangan mong gumamit ng condom sa unang pitong araw kung makikipagtalik ka. Kapag natapos mo ang pitong araw na walang nakakaligtaang pill, protektado ka na.

Copper IUD

Protektado ka kaagad ng copper IUD kapag naipasok na ito. Kung kakapanganak mo pa lang, maaari mo ring hilingin sa iyong doktor o midwife na maglagay kaagad ng postpartum IUD.

Injectable

Mapoprotektahan ka sa loob ng 24 na oras kung nagpaturok ng injectable sa loob ng unang limang araw ng iyong regla.

Kung nagpaturok naman nang hindi nireregla sa araw na ‘yun, kakailanganin mong gumamit ng condom sa unang pitong araw kung makikipagtalik ka.

Mahalagang ipaturok ang susunod na dosis tuwing 12 linggo (3 buwan) ayon sa iskedyul upang magarantiya ang bisa at ganap na proteksyon. Gumamit ng backup contraceptive method tulad ng condom kung huli ka ng higit sa 2 linggo para sa susunod na dosis.

Implant

Mapoprotektahan ka kaagad kung ipinalagay mo ang implant sa loob ng unang limang araw ng iyong regla.

Kung makuha mo ito nang wala ang iyong regla, kakailanganin mong gumamit ng condom sa unang pitong araw kung makikipagtalik ka.

Tubal ligation

Ang tubal ligation ay isang irreversible at permanenteng paraan ng pagpipigil sa pagbubuntis para sa mga kababaihan, kaya mas angkop ito para sa mga siguradong hindi na nila gustong magkaanak o ayaw nang magkaanak pa.

Dito, tinatali ang mga fallopian tubes upang maiwasan ang pagpertilisa ng mga egg cell at maabot ang matris.

Mabisa kaagad ang tubal ligation, ngunit kailangan mong maghintay ng isa hanggang dalawang linggo bago makipagtalik. Mahalagang makapagpahinga ka muna para makaiwas sa hindi komportableng sexual activities.

Condoms

Ang mga condom ay epektibo kaagad, hangga’t ginagamit ang mga ito nang tama upang matiyak ang lubos na proteksyon.

Mga pinagmulan:

Holland, K. (March 8, 2023). How Long Does It Take for Birth Control to Work? Pills, IUD, and More. Healthline. https://www.healthline.com/health/birth-control/how-long-does-birth-control-take-to-work 

Pandia Health Editorial Team. (December 18, 2020). When Does Birth Control Start Working? Pandia Health. https://www.pandiahealth.com/blog/when-does-birth-control-start-working/ 

Delgado, C. (March 5, 2021). When does birth control start working? The pill works after 7 days, but other types work faster. Insider. https://www.insider.com/guides/health/reproductive-health/how-long-does-it-take-for-birth-control-to-work 

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon