Sino bang ayaw makatikim ng napakasarap na O!? Ito ang pinakahihintay na parte ng pagtatalik para sa karamihan!
Ang karaniwang paniniwala ay hindi kayang mag-orgasmo ng mga babae at penetrasyon lamang ang paraan para mangyari ito — pero hindi totoo ang mga ito! Maraming babae ang hindi naaabot ang orgasmo dahil kadalasan, hindi alam ng kanilang partner kung paano ba mapapa-orgasmo ang babae; pero ang mas malaking isyu sa likod nito ay ang saradong pag-iisip sa diskusyon ukol sa orgasmo ng babae kaya ito’y napaka “misteryosong” usapin.
Salungat sa karaniwang paniniwala, hindi lamang penetrasyon ng puwerta ang tanging paraan para mag-orgasmo ang babae. Isang paraan lamang ito para maabot ang orgasmo, pero karamihan sa mga babae ay nangangailangan ng stimulasyon ng clitoris para maabot ang rurok ng sarap. Sa katunayan, maraming paraan para mag-orgasmo ang babae at karamihan nito ay puwedeng maranasan kahit walang partner!
Maliban diyan, marami ring expectations ang sosyedad sa mga babae kaya nahahadlangan sila maabot ang orgasmo. Madalas nasasabihan ang mga babae na umiwas sa mga paksang sekswal at pagpapasarap, at unahin ang ibigay ang mga hangad ng kanilang lalaking partner bago ang sarili. Maraming mga babae rin ang insecure sa kanilang itsura at katawan, at ito’y nakakahadlang rin sa kanila para matamasa ang mga aktibidad na sekswal gaya ng pagtatalik.
Walang mali sa pagtuklas sa iyong sekswalidad. Katawan mo ‘yan at ikaw ang magdedesisyon kung ano ang gusto mong gawin!
Kung hindi ka pa nakakaranas ng orgasmo, baka ito na ang iyong pagkakataon para unang maranasan! Walang masyadong bata o matanda para maranasan ang kauna-unahang orgasmo. Hindi rin naman kailangan ng partner para magawa ito. Para sa mga sumubok pero nabigo, narito kami para tulungan ka marating ang rurok ng sarap. Ito ang mga puwede mong gawin para matuklasan ang iyong potensyal mag-orgasmo:
Hawakan ang iyong katawan!
Huwag maging dayuhan sa sariling katawan, mga mars! I-lock ang pinto ng kuwarto at kunin ang oportunidad na ‘to para makilala ang katawan. Bago galugarin ang ari, makakatulong ang paghahaplos sa buong katawan para nasa mood ka at para ma-turn on.
Gamitin ang mga kamay para haplusin ang katawan. Hawakan rin ang iba’t ibang parte ng iyong ari, at subukan ang iba’t ibang diin. Puno ng mga erogenous na parte ang iyong katawan, kaya subukan haplusin ang mga ito para matuklasan alin ang nakaka-turn on sa iyo. Iba-iba ang bawat katawan at iba-iba rin ang pangangailangan para maabot ang orgasmo. May iba na gusto ang magagaan lang na haplos at ang iba naman mas gusto ang madidiin na hawak.
Gamitin ang imahinasyon!
Maniwala man o hindi, ang utak ay ang pinaka erogenous na parte ng katawan. Parehong kailangan ang katawan at isip sa mga sekswal na aktibidad. Hayaan ang isip na galugarin ang mga pantasyang sekswal. May iba na nahihiya kapag na-tu-turn on sila sa mga pantasya tungkol sa mga partikular na sitwasyon o tao, pero hindi mo naman talagang kailangan gawin sa totoong buhay ang mga pantasyang ito.
Nakaka-turn on ba sa iyo kapag iniisip gawin ito sa sofa? Pangarap mo bang makipagtalik sa kusina? Nais mo bang makipagtalik sa sasakyan kasama ang taong gusto mo?
Kung hindi mo pa alam kung ano ang mga nakaka-turn on sa iyo, puwede kang magbasa ng mga erotikong kwento o libro, tumingin sa mga erotikong sining o litrato, o kaya manood ng erotikong pelikula o porn. Para sa mga mayroong karanasang sekswal dati, puwedeng magbalik-tanaw sa mga pangyayaring ito.
Masturbesyon
Karamihan ng tao ay nakakaranas ng kanilang unang orgasmo sa pamamagitan ng masturbesyon. Bago mo masabi sa iyong partner kung ano ang gusto at nakaka-turn on sa iyo makakatulong ang pagturo sa sarili kung pano mag-orgasmo. Walang mali sa masturbesyon — ito’y malusog at ligtas na paraan para matuklasan ang sarili at sariling sekswalidad!
Kung mayroon kang maliit na salamin na madaling hawakan, makakatulong ito para makita ang ari nang malapitan at makilala ang iba’t ibang parte nito. Karamihan sa mga babae ay naaabot ang orgasmo sa pamamagitan ng stimulasyon ng clitoris. Para sa mga baguhan, pag-eksperimentuhan ang iba’t ibang haplos at diin sa iyong clitoris. Kalabitin, pisilin, o pindutin ito. Alamin kung anong klaseng paghawak at kung gaano kagaan o diin ang nakaka-turn on sa iyo. Karamihan sa mga babae ay naaabot na ang orgasmo kapag pinukaw ang kanilang clitoris — at baka ikaw rin!
Gamitin ang mga laruan
Salamat sa teknolohiya, may mga laruan nang nakakatulong mag-orgasmo. Maraming klase ng laruan para sa iba’t ibang pangangailangan, pero puwede kang magsimula sa mga dildo at vibrator. Maaaring gamitin ang mga sex toy nang mag-isa ka lang o kapag kasama ang iyong partner (kaya magandang investment ang mga ‘to!).
Kung wala kang sex toy o hindi ka pa sigurado kung bibili ka na ba, puwedeng gamitin ang ilang gamit sa bahay bilang sex toy. May ilang gumagamit ng electric toothbrush para sa stimulasyon ng clitoris, habang ang iba naman ay ginagamit ang umaagos na tubig mula sa shower o bidet. Puwede rin gamitin para sa penetrasyon ng puwerta ang hawakan ng hairbrush. Siguraduhin lamang na wala itong matatalas o magagaspang na kanto, at hugasan ito nang mabuti bago at pagkatapos gamitin.
Sipag at tiyaga lang, siz
Posible at kaya naman matutunan mag-orgasmo, pero may ilan na maaaring hindi maranasan ito agad-agad. Huwag kang panghinayang kasi wala naman kailangan madaliin. Hindi mo kailangan alalahanin kung gaano katagal bago ka mag-orgasmo. Walang problema kung inaabot ka ng isang minuto o isang oras, ang mahalaga ay nag-e-enjoy ang iyong katawan at tinatamasa mo ang karanasan. Hindi bubuti ang bagay-bagay kung minadali mo ito!
Kung sa palagay mo hindi ka umuusad, ipagpatuloy mo lang at bigyan pa ng kaunting panahon ang iyong katawan para ma-arouse. Pag eksperimentuhan ang iba’t ibang posisyon at haplos hanggang mahanap mo ang gusto ng iyong katawan.
Enjoy it, besh!
Kung palagi mo na lang iniisip na KAILANGAN mo mag-orgasmo tuwing masturbesyon, lalong hindi ito mangyayari. Maiinis ka lang kung minamadali ang sarili mag-orgasmo. ‘Yung stress ay makakaapekto sa pagrelaks at pagtamasa sa karanasan, at mag-aalala ka lang kaysa sa tumutok sa mga sensasyon ng katawan.
Okay lang kung hindi ka mag-orgasmo sa unang subok mo. Hindi ibig sabihin nito na hindi mo na ito mararanasan. Kung naabot mo ang orgasmo — congratulations! Pero tandaan mo na hindi orgasmo ang tanging layunin ng seks.
Marami pang bagay ang puwedeng tamasin sa seks maliban sa orgasmo — ang sensasyon, sarap, at koneksyon ninyo ng iyong partner. Hindi rin naman orgasmo ang tanging layunin ng masturbesyon. Oras rin ito para magrelaks, kilalanin ang katawan, at pasayahin ang sarili.
Ang seks at masturbesyon ay hindi naman mga laro na kailangan mo manalo ng premyo (na kadalasan ay orgasmo); ito’y mga karanasan na dapat ine-enjoy, mag-orgasmo man o hindi. Walang duda na nakakatuwa talaga ang mag-orgasmo, pero ilang segundo lamang ito ng buong karanasan. Ang mahalaga ay nag-e-enjoy ka mula umpisa hanggang dulo!
Mga pinagmulan:
https://www.healthline.com/health/healthy-sex/female-orgasm
https://www.healthline.com/health/healthy-sex/types-of-orgasms