fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Niregla habang buntis: Posible nga ba?

Ang maikling sagot: Hindi. Sa kabila ng lahat ng sinasabing nabasa mo sa social media o naririnig mula sa mga tsismis, hindi posibleng magkaroon ng regla habang ikaw ay buntis.

Kung ang pagdurugo ay mahaba at sapat na mabigat upang mapuno ang tampon o napkin, o ito ay talagang katulad ng iyong regla, ito ay isang senyales na malamang na hindi ka buntis.

Gayunpaman, maaari kang makaranas ng ilang spotting o pagdurugo sa panahon ng pagbubuntis. Magbasa pa para malaman kung ano ang mga posibleng dahilan.

Paano konektado ang regla at pagbubuntis?

Sa panahon ng follicular phase ng menstrual cycle, pinalalago ng hormone estrogen ang lining ng matris (o endometrium) bilang paghahanda para sa posibleng pagbubuntis. Ito ay magpapalaki ng isang embryo kung ang egg cell ay mapertilisa at magreresulta sa isang pagbubuntis.

Kung ang egg cell ay hindi napertilisa sa panahon ng obulasyon, ang kumapal na endometrium ay hihiwalay at lalabas sa katawan bilang regla. Ngunit kung ang isang sperm cell ay nakapertilisa ng egg cell, ang egg cell ay kakapit sa endometrium, saka magiging isang embryo.

Ito ang dahilan kung bakit hindi nagreregla ang isang buntis dahil hindi sila nag-oovulate sa kabuuan ng pagbubuntis. Ang regla ay nangyayari lamang kapag ang isang tao ay hindi buntis.

Ano ang mga sanhi ng pagdurugo sa panahon ng pagbubuntis?

Sinasabi ng ilang tao na sila ay may regla habang sila ay buntis, o sila ay may regla pero kalaunan ay nalaman na sila ay talagang buntis.

Hindi posible ang regla sa panahon ng pagbubuntis, ngunit maaaring makaranas ng pagdurugo. Ito’y hindi naman senyales agad ng malubhang kondisyon o komplikasyon. Gayunpaman, makatutulong na malaman ang mga potensyal na dahilan at kung kailan mainam kumonsulta sa doktor agad-agad.

Pagdurugo sa unang trimester

  • Implantation bleeding
  • ectopic pregnancy (pagbubuntis sa labas ng matris)
  • molar pregnancy (pagbuo ng bukol o tumor)
  • isang impeksyon
  • pagkalaglag, o pagkawala ng pagbubuntis
  • subchorionic hemorrhage (pagdurugo sa pagitan ng uterine wall at inunan)
  • gestational trophoblastic disease (pagbuo ng mga tumor sa panahon ng abnormal na pagbubuntis)

Pagdurugo sa ikalawa at ikatlong trimester

  • term o preterm labor o cervical dilation
  • pagkalaglag
  • placenta previa (isang kondisyon kung saan ang inunan at kumabit malapit sa o sa sipit sipitan)
  • placental abruption (isang kondisyon kung saan ang inunan ay nagsisimulang humiwalay sa matris bago ipanganak ang sanggol)
  • uterine rupture (pagpunit ng matris sa panahon ng panganganak)
  • vasa previa (ang mga blood vessels na nag-uugnay sa pusod sa inunan ay nasa ibabaw o malapit sa sipit sipitan)

Anumang pagdurugo na nangyayari sa ikalawa at ikatlong trimester ay dapat bigyan agad ng medikal na atensyon.

Mga huling paalala

Hindi posibleng magkaroon ng regla habang buntis, ngunit maaari kang makaranas ng kaunting pagdurugo. Mahirap sabihin kung ang pagdurugo ay ‘di dapat ikabahala o senyales na pala ng isang emergency. Palaging kumunsulta sa isang doktor kung ang pagdurugo ay nangyayari sa anumang yugto ng pagbubuntis.

Mga pinagmulan:

Cherney, K. (March 11, 2019). Can You Get Your Period and Still Be Pregnant?. Healthline. https://www.healthline.com/health/pregnant/period-and-pregnant#:~:text=Intro,or%20dark%20brown%20in%20color 

Nall, R. (July 27, 2018). Can you have a period while pregnant?. MedicalNewsToday. https://www.medicalnewstoday.com/articles/322598 
Hirsch, L. (October 2016). Can You Still Have Your Period If You’re Pregnant?. Nemours Teens Health. https://kidshealth.org/en/teens/period-pregnancy.html

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon